Kabanata 8

240 20 0
                                    

"Alam kong alam mo na ang dapat mong gawin Odette." Saad nito habang ibinibigay sa akin ang huling kasuotan ko bilang isang panauhin sa ibang bayan na ipinadala para magsilbing panibagong myembro ng bahay-aliwan.



Limang buwan na ang lumipas matapos mailibing si Nana Maria. Sa buong pagluluksa ay nasa aking tabi si Mattias. Siya ang naging katulong ko sa bawat araw at gabing pagluluksa. Siya ang naging sandigan ko sa mga panahong wala akong makapitan kahit ang aking sarili.

Nang matapos ang libing ay ibinenta ko ang paggawaan kapalit nang ilang libong pilak na ayon sa utos ni Mattias. Masakit man para sa akin na ibenta ang isang bagay na nagpapaalala sa akin kay Mama Rosa pero kailangan ko itong isakripisyo para mahanap si Sara. Alam kong buhay pa siya. Hangga't wala akong bangkay na pinaglalamayan, buhay si Sara. Buhay na buhay.

"Sa pagkakaalala ko'y Claudette na ang pangalan ko, hindi ba Mattias?" Agad siyang natigilan sa aking sinabi bago ako tinaasan ng kilay.




"Sa tingin ko ay kailangan ko ng masanay sa kung paano mo ako tawagin ng walang pag-galang, Clau...dette." saad nito sabay lakad palabas ng bahay na siyang naging tahanan ko ng ilang buwan, isang maliit na bayan malayo sa syudad.





Habang nakatulala na nakatingin sa malaking salamin ay bigla kong naaalala si Sara sa paraan ng aking pananamit ngayon. Isang kakaibang Odette na ni minsan hindi ko kailanman pinangarap pero kailangan kong gampanan para sa isang mahalagang dahilan.







Isang malalim na buntong-hininga ang aking ginawa bago tuluyang itinapak ang aking mga paa palabas ng bahay patungo sa karwaheng nakaaabang para sa aking dalawang araw na paglalakbay patungong syudad. Nang makapasok ay agad itong pinaandar ng lalaking nakaupo sa may unahan na siyang gumagabay sa mga kabayo sa buong paglalakbay.





Ilang minutong paglalakbay ng karwahe ay bigla itong napahinto. Hanggang sa may marinig akong mahihinang katok sa maliit na bintana ng karwahe. Nang buksan ko ito'y bumungad sa akin ang mukha ni Mattias na agad ko nalang pinagtaasan ng kilay.





"Sa kabilang daan na ako maglalakbay. Hindi pa lumulubog ang araw ay darating na ako sa syudad. Kailangang hindi tayo makita na magkasabay ang pagdating."




"Mag-ingat ka."






Natawa lamang siya sa aking sinabi bago akmang tatalikod ngunit bago pa ito umalis ay nag-iwan ito ng nakakatakot na ngiti.


"Pagkadating ninyo sa bahay-panuluyan, wag kang masyadong mag-isip ng kung anu-ano. Punuan ang mga kwarto dahil maraming manlalakbay ang nanatili sa bayan para masaksihan ang kanilang pagdiriwang. Kaya huwag kang masyadong mag-isip kung sa marangyang kwarto ka matutulog. Para sa akin isa iyon sa mga utang mong dapat mong bayaran." Saad nito sabay tawa habang mabilis niyang pinatakbo ang sinasakyang kabayo papalayo sa aking kinaroroonan papasok sa isang magubat na daan.




Ano daw? Utang?






"Tara na!" Sigaw ko sa lalaking nasa unahan.






Sabay sa pagsara ng bintana ay ang pagtakbo ng karwahe patungo sa syudad na minsan ko ng minahal ngunit siya ring nagpabago ng pananaw ko sa bagay-bagay. Hanggang sa hindi ko na namalayan ay tinangay na ako ng matinding antok.







"Binibini."




Agad akong napabangon dahil sa magkakasunod na katok sa bintana ng karwahe. Nang mapagtagpi-tagping nakahinto ang karwahe ay agad akong bumangon sabay tingin sa aking sarili sa isang maliit na salamin na bigay ni Mattias. Nang masigurong maayos pa rin ang aking kasuotan ay dahan-dahan ko itong binuksan.




"Ano yun?"






"Gabi na ho, binibini. Nandito na ho tayo sa tapat ng isang bahay-panuluyan." Sagot nito sabay bukas sa pintuan ng karwahe. Dahan-dahan akong bumaba at pinagmasdan ang paligid.





Ilaw, maraming ilaw ang sumalubong sa akin. Masigla ang bayan na aming hinintuan. Isang bayang kakaiba sa madilim na daan ng syudad.




"Anong bayan ito?" Tanong ko sa lalaki na kasalukuyang may kausap rin na binatilyo na siyang binigyan niya ng ilang baryang pilak. Agad naman itong tinanggap ng binatilyo sabay sakay sa karwahe at dala nito kung saan na ikinakunot ng aking noo.





"Nasa bayan ho tayo ng Guiñas. Mas buhay ang bayan na ito tuwing gabi dahil dito kadalasan nanunuluyan ang ilang dayuhan at mga manlalakbay na inaabot ng gabi sa daan." Sagot nito sabay giya sa akin papasok sa gusaling nasa malapit.






Hindi nalang ako nagtanong pa at hinayaan siyang dalhin ako sa isang bahay-panuluyan. Nang makalapit sa isang babae na nakaabang sa may bungad ng panuluyan ay agad itong yumuko. Nang mapansin ako ng babae ay agad nitong binuklat ang ilang papel na nasa kanyang harapan.




"Kayo ho ba si Maria Claudette Cartajenas?" Tanong nito sabay tingin sa aking kinalalagyan.



Isang tango lang ang aking isinagot sa babae na sinagot rin niya ng matamis na ngiti.




"May dalawang kwarto na hong nakalaan para sa inyo at sa iyong kasama. Ipagpaumahin ho ninyo,binibini at sa ikatlong palapag ho kayo matutulog dahil iyon nalang ho ang natirang bakante. Ito ho si Leon, siya ang magdadala sa inyo sa mga kwartong nakalaan para sa inyo."






Nagsimula ng maglakad ang lalaki papasok sa kung saan hanggang sa umakyat na ito ng hagdan na sinundan rin namin. Nang makaakyat na ito sa ikalawang palapag ay agad itong napahinto sa isang pintuan na sa tingin ko ay para sa lalaking kasama ko sa paglalakbay.




"Dito ho tayo, binibini."






Agad akong sumunod sa lalaki patungo sa panibagong hagdan paakyat. Unang bumungad sa akin ang dalawang magkatapat na pinto ngunit kakaiba ang disenyo nito sa ilang pintong aming nadaanan.




"Dito ho ang kwarto ninyo, binibini." Saad ng binatilyo bago tuluyang umalis.




Nang buksan ko ang pinto ay agad akong namangha sa looban ng kwartong nakatalaga para sa akin. Maganda at halatang mamahalin ang mga kasangkapang nasa loob ng kwarto ngunit ang mas nakatawag ng aking pansin ay ang malaking pintuan na sa tingin ko ay patungo sa teresa. Nang buksan ko ito ay bumungad sa akin ang nakaka-bighaning tanawin ng buong bayan ng Guiñas. Isang bayang na puno ng ilaw. Isang bayang masigla at buhay na buhay pagsapit ng dilim.




"Kaya pala sinabi ni Matias na dagdag sa utang ko ang pagtuloy ko sa kwartong ito ngayong gabi." Saad ko sa sarili habang nakatingin sa isang bote ng bino na nakalagay sa may mesa malapit sa kama.





Sa ganda ng mabibituing gabi at tanawin sa labas ay hindi ko inaksaya ang panahon na maglakad palabas ng bahay-panuluyan. Sa may hindi kalayuan ay makikita ang ilang mga tao na masayang nagsasayawan sa saliw ng musika sa lugar na sa tingin ko ay liwasan ng bayan.



Dala-dala ang isang buong bote ng bino ay naupo ako sa may hindi kalayuan, sa lilim ng kahoy habang umiinom ng bino mag-isa. Masaya ang mga mamamayan ng Guiñas, masigla, maingay. Sa tingin ko ay wala silang mga problema na tulad ng sa akin. Wala silang sakit na kinikimkim. Walang galit sa dibdin na itinatago. Malaya silang namumuhay. Isang klase ng kalayaan na tinalikuran ko hindi para sa aking sarili kundi sa mga taong pinangakuan ko ng hustisya at katarungan.





Sabay sa saliw ng musika at sa nangangalahating bino sa aking kamay ay sumayaw ako sa saliw ng musika. Totoo nga't maganda ang kasuotan na ito para sa isang mananayaw kaya pala gustong-gusto ni Sara ang mga ganitong klase ng kasuotan tuwing nagtatanghal ito.


Ilang wagayway ng kamay, indayog ng mga paa, ugoy ng aking katawan at magandang himig ng musika. Tahimik kong dinama ang magandang simoy ng hangin sa madilim na hating-gabi. Ngunit sa kalagitnaan ng aking pagsasayaw ay agad akong natigilan sa hindi malaman na dahilan at nang iangat ko ang aking tingin ay isang pigura ng lalaki ang nakatayo sa aking harapan. Pigura ng lalaking minsan kong hinangaan. Ang tanging lalaking kayang magpakaba sa akin sa hindi malamang dahilan.





"Odette."

TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon