Kabanata 39

125 8 0
                                    

"Kumain ka na binibini at magpahinga."





Abala ito sa pag-aasikaso ng kanyang mga pinamiling pagkain sa pamilihan ng Guiñas habang ako nama'y nakaupo lamang sa may silya sa gilid ng bintana. Sa isang maliit na ipinaparentang bahay kami nanuluyan. Mabuti nalang at hindi naghinala ang may-ari lalo na't kalunos-lunos ang aking mga naging sugat at pilay sa unang pagdating namin dito.


Magta-tatlong araw na ang aming pamamalagi kaya't hindi ko lubos maisip kung anong mukha ang ihaharap ko kay Mattias lalo na't hindi mabuti ang aming naging huling tagpo.





"Anong sinabi sa iyo ng tauhan mo, Augustus? Kumusta na raw ang syudad?"





Agad itong napahinto sa kanyang ginagawa bago napabuntong-hininga, hindi nito alam na narinig ko ang sinabi ng may-ari ng bahay na may naghahanap sa kanya sa may pamilihan ng bayan. Sigurado akong may mga tao siyang nagsasabi sa kanya tungkol sa mga nangyayari sa syudad. Mag iisang linggo na kaming nandito at maayos na ang aking mga sugat ngunit batid ko ang pag-iiwas nito sa tuwing sasabihin kong kailangan na naming bumalik sa syudad.







"Hindi mo ako pwedeng itago sa lugar na ito, Augustus. Alam mong may naghahanap rin sa akin sa syudad. May mga katungkulan pa akong kailangang gampanan, alam kong ikaw rin."






Ngunit gaya ng dati ay nagsalin lang ito ng pagkain sa isang mangkok at daha-dahang inilapag sa isang mesa sa aking harapan. Bakit ba lahat ng mga tao sa aking paligid ay pinagkakaitan ako sa katotohanan? Si Antonious man o di kaya'y si Augustus.







Nang hindi makapagtimpi ay agad kong itinapon ang mangkok sa may gilid na agad naglikha ng malakas na tunog na agad ikalingon ng lalaki dito. Ngunit hindi batid sa mukha nito ang galit o ano mang reaksyon bagkus ay yumuko lamang ito at isa-isang pinulot ang nagkapira-pirasong mangkok na mas lalong nagsindi ng aking matinding galit.






Ngunit ng hindi makuha ang sagot na aking ninanais ay agad kong iniharang ang aking katawan sa kanya. Batid ang pagkagulat nito lalo na ng kunin ko mula sa kanya ang isang piraso ng nabasag na mangkok at ilagay ito sa aking palapulsuhan. Nang akmang lalapit ito'y dahan-dahan kong idiniin ang dulo nito sa aking pulso kaya'y may iilang butil ng dugo ang lumabas mula sa sugatang pulso.










"Katotohanan Augustus, iyon lang."








Pinilit kong magpakatatag sa kabila ng matinding hapdi na nadarama mula sa sugat. Agad nitong pinunit ang dulo ng kanyang suot na damit at mabilis na inilagay sa aking palapulsuhan. Agad nito akong dinala sa kaninang aking inupuan at kumuha ng sariling silya paharap sa aking kinalalagyan.









"Pinaghahanap ka ng nakatatandang Sullivan binibini lalo na't ikaw ang sinasabi nitong kasama ni Ginoong Bardough sa kubo." Mahinang saad nito na batid kong hindi rin gugustuhin ang maaaring kahahantungan ko pag bumalik sa syudad kaya't minabuti nitong itago ako sa Guiñas.









"Siguro'y panahon na para harapin ko iyon Augustus. Hindi sa lahat ng panahon ay makakapagtago ako sa lilim ng sinuman." Malinaw kong saad na agad kong nakitaan ng matinding pagkakadisgusto ng marinig ang aking sinabi.









"Hindi mo alam ang kayang gawin sa iyo ng matandang Sullivan, binibini na kahit ako'y hindi makakapigil sa kanya."










Ngunit bago pa ako makapagsalita ulit ay bahagyang nag-iba ang aking pakiramdam. Patakbo kong tinungo ang palikuran at doon inilabas ang lahat ng aking nakain kaninang umaga. Ilang araw na rin akong nagkakaganito kaya't hindi ko maiwasang mag-alala lalo na't kung ano mang nangyayari sa akin ay hindi ko muna kakayaning panindigan.













"Binibini, alam kong ilang araw mo na ring itinataboy ang mga manggagamot ng Guiñas ngunit sa tingin ko'y kakailanganin mo na ngayon kung gugustuhin mo talagang bumalik sa syudad." Saad ni Augustus na dahan-dahang hinihimas ang aking likuran. Ilang magkakasunod na tango lang ang aking naging sagot.
















"Buntis ho kayo binibini. Mas makakabuting magpahinga ho muna kayo lalo na't mahina ang kapit ng bata kung pagbabasehan ang palaging pagsakit ng inyong tiyan. Inumin ho ninyo ito nakakabuti ho ito laban sa inyong pagsusuka at walang ganang kumain." Saad ng manggagamot habang isa-isang ibinibigay kay Augustus ang mga gamot na mabuting inumin sa aking kalagayan.











Kapwa kaming dalawa'y hindi nagulat. Siguro nga'y inaasahan ko na ito matapos ang iilang araw na nagpapakita ng sintomas ng pagbubuntis.









"Kaya hindi ko ninanais ang pagbabalik mo sa syudad binibini. Pag nalaman nila ang pagbubuntis mo'y maaari kang mapahamak at ang iyong dinadala. Lalo na't mahirap rin ang pagbubuntis ng aking kapatid dala ng biglaang pag-alis ng kanyang asawa. Galit na galit ang nakatatandang Sullivan, sana'y maintindihan mo." Mahinang saad ni Augustus na katulad ko rin ay nakayuko lamang at pilit na tinitimbang ang lahat.










Siguro nga'y tama si Augustus, alam kong maaaring maging sagabal lang ako kay Antonious. Nagdadalang-tao man ako sa kanyang magiging supling ay alam kong mas may dapat siyang alagaan at gampanan sa syudad. Siguro nga'y panahon na rin upang alagaan ko at mahalin ang sarili, hindi lang para sa akin kundi para rin sa aking magiging supling.







Nang mga sumunod na araw ay mas naging magaan na ang aking pakiramdam. Hindi ko maipagkakailang naging mabuting kaibigan at kasa-kasama si Augustus sa mag-iisang linggo naming pagsasama sa iisang bubong. Maasikaso ito, palabiro at hindi maluho sa karangyaan kaya't madali nitong naibagay ang sarili sa paninirahan namin sa isang munting nirerentahang bahay sa bayan ng Guiñas.








Kaya't hindi ko na rin napigilang pagkatiwalaan ito at isiwalat sa kanya ang aking buong pagkatao. Kung sino ako't saan ako totoong nagmula. Kung paano ako pumasok sa bahay-aliwan at kung ano ang ipinaglalaban ko sa pagiging espeya ng syudad.






Nang masabi sa kanya'y wala akong narinig na ni katiting na pagkadisgusto bagkus ay sinabi nitong naiintindihan nito ang aking mga hinaing lalo na't kung siya ang nasa aking kalagayan ay gagawin rin ang aking ginawa maliban nalang sa pakikiapid sa may asawa na bahagya ko nalang ikinatawa.








"Odette, ako'y aalis muna para bumalik sa syudad. Huwag kang mag-aalala at babalik rin ako agad." Saad ni Augustus habang nag-eempake ng mga dadalhin para sa kanyang paglalakbay patungo sa syudad.










Tahimik akong nakatingin sa kanyang bultong papaalis ng Guiñas. Hindi ko alam kong anong pakay nito sa mga pagtulog sa akin ngunit malaki ang aking pasasalamat sa kanya para gawin ang lahat ng ito sa isang katulad ko. Nang akmang papasok na sana ako pabalik ng bahay ay agad akong napahinto sa mga braso agad na nagpatigil sa aking muling pagpasok. Nang magkasalubong ang aming tingin ay batid ko ang matinding galit nito na agarang nagpalakas ng kalabog ng aking dibdib.









"Matagal-tagal mo rin akong pinagtataguan, Odette."

TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon