"Ito na ho ang listahan ng mga mahahalagang panauhin mamayang gabi, binibini."
Nang mailapag ng babae ang paniklop ay agad kong ikinumpas ang aking kamay sa mananayaw para ito'y makaalis. Nang basahin ang iilang nakapaloob dito ay agad akong napangiti.
"Ginoong Herodes Buencamino."
Handa na ang lahat para sa pagtatanghal mamayang gabi ngunit hindi ito katulad ng iilang gabi na nakasanayan ng nakararami dahil kaarawan ngayon ni Alfonso kaya't kailangang maayos ang lahat mula sa mga palamuti ng bahay-aliwan hanggang sa mga pagtatanghal.
Agad kong hinilot ang aking sentido. Hindi maganda ang aking paggising kaninang umaga ngunit hindi ito maaaring maging balakid sa aking gustong mangyari mamayang gabi.
"Ahhh....binibini, gusto ko ho sanang hiramin ang paniklop kanina dahil may mga panauhin mamayang gabi na ngayon lang sinabing darating." Mahinang saad ng mananayaw.
Agad kong kinuha ang panulat na nasa may gilid sabay lapag ng paniklop sa aking harapan. "Ako na ang magsusulat, sino-sino ba ang mga panauhing iyan?"
"Sina Senyor Antonious Bardough at Senyora Ingrid Sullivan, kasama ho nila ang nakatatandang Sullivan."
Agad akong natigilan ng marinig ang kanyang pangalan. Mag da-dalawang buwan na simula ng nangyari sa amin at totoo ngang hindi na ito muling bumalik sa bahay-aliwan o ni katiting na balita ay wala na akong narinig tungkol sa kanya. At kung sakaling mag krus man ang landas namin mamayang gabi'y maaaring maging estranghero nalang kami sa bawat isa.
× × ×
Mapupulang kolorete sa labi ang huling bagay na inilagay ko sa aking mukha para matapos ang aking pag-aayos. Tahimik kong tinitigan ang aking sarili sa salamin, magandang mukha, marangyang kasuotan ngunit nakakatakot at napakalungkot.
Agad nabaling ang aking tingin ng ilang magkakasunod na katok ang narinig ko sa pinto na agad ko ring pinagbuksan. Mukha ni Rio ang bumungad sa akin na may dalang bote ng bino at isang kopita.
"Nagsisimula na ho ang pagtatanghal sa bulwagan, binibini." Magalang na saad ni Rio na agad inilapag ang kanyang hawak na bino at kopita sa mesang nasa gilid ng kama.
"Susunod na rin ako, Rio. Salamat."
Nang marinig ang aking sinabi ay agad rin itong umalis sa aking silid. Kakailanganin ko ang lakas ng bino para magawa ang aking pinaplano. Alam kong lingid rin ito sa kaalaman ni Mattias ngunit napapagod na rin ako sa kakahintay.
Ilang linggo na ring sinusundan ni Mattias ang bawat galaw ni Herodes, ang tagapangasiwa ng bahay-pagamutan, ngunit ni minsan hindi niya ito kinakitaan ng kung anong kaugnayan sa mga nawawalang babae sa bahay-aliwan. Ngunit alam ko ang aking narinig, alam kong may alam siya. Kaya kesa tumunganga nalang at maghintay ng balita mula kay Mattias ay kailangan ko na ring kumilos dahil kung mas lalong tumagal ang paghahahanap ko kay Sara ay mas lalong lumilimit ang posibilidad na buhay pa ito.
Tahimik kong tinungo ang pasilyo patungo sa bulwagan. Dumoble ang bilang ng mga kawal sa bawat sulok dahil lahat ng may matataas na posisyon sa syudad ay naririto sa bahay-aliwan para makisaya sa kaarawan ni Alfonso.
Malalakas na halakhakan ang unang bumungad sa akin pagkapasok pa lamang sa loob ng bulwagan. Lahat ay abala sa kani-kaniyang ginagawa. Agad akong nagtungo sa kinalalagyan ni Heros na mas dumoble ang bilis sa pag-hahanda ng mga bino at alak lalo na't marami-rami ang nakaabang na parokyano sa kanya ngunit mas nangingibabaw ang aking kagustuhang mapuntahan ang aking pakay sa gabing ito.
Sa may di kalayuan ay batid ko ang mga titig ng mga kasama ni Alfonso na napansin ang dahan-dahan kong paglapit. Ngunit ang mga kaninang lakas ng loob ay agad ring naglaho ng mapadako ang aking tingin sa lalaking tahimik lang na umiinom ng bino sa may gilid. Nagdadalawang-isip man ay hindi ako nagpadaig sa takot at kaba dahil alam kong wala akong pagkakautang sa kanya.
"Ahh..andito na pala ang pinakamagandang dilag sa buong bahay-aliwan." Pasiunang saad ni Alfonso na agad hinawakan at dahan-dahang inilagay sa kanyang mga labi ang aking kamay.
"Mga kasama! Magarbo kong ipinapakilala ang pinakamagandang babae sa buong bahay-aliwan, si Binibining Claudette Cartajenas." Malakas niyang saad sa kanyang mga kasama na bahagyang nag-agaw ng atensyon sa mga iilang nasa malapit-lapit na mesa.
Isa-isang nagsilapitan ang iilang mga lalaking ngayon ko lang nakitang napadpad sa bahay-aliwan. Kadalasan sa kanila'y pinapahaba pa ang kanilang pakikipagkilala ngunit mas nakatuon ang aking atensyon sa lalaking papalapit na rin sa aming kinalalagyan.
"Magandang gabi, binibini. Ako pala si Herodes Buencamino." Saad nito ng may matatamis na ngiti at malalagkit na tingin. Isang paraan ng tingin na agad nagpangiti rin sa akin ng kasing-tamis.
"Ikinagagalak kong makilala ang isang kagaya mo, Ginoong Herodes Buencamino." Mapang-akit kong saad sa kanya sabay pakikipag-kamay na narinigan ko ng ilang pag-aalma ng mga nakikiusisa rin sa paligid.
"Magsialisan na ang iba diyan dahil may pinili na ang reyna hahahaha." Natatawang saad ni Alfonso na bahagyang itinutulak pa si Herodes patungo sa aking kinatatayuan.
Bahagyang natapos lang ang tuksuhan ng lumapit sa aming kinalalagyan ang nakatatandang Sullivan habang nasa kanyang gilid naman si Ingrid na sa unang tingin ko palang ay nakatingin na sa akin ng masinsinan ngunit hindi sa paraan na nangungutya bagkus ay kalmado lamang at may malilit na ngiti sa labi.
"Senyor Sullivan at Senyora Ingrid, maligayang pagdating sa aking munting pagdiriwang." Pang-uuto na saad ni Alfonso sabay dahan-dahang yumuko para magbigay-galang.
"Maligayang kaarawan, Ginoong Alfonso." Malumanay na saad ni Binibining Sullivan na agad ibinigay ang maliit na kahon na may kulay pulang laso sa gitna. Nang maibigay ang regalo ay agad rin itong bumalik sa dating kinatatayuan sa likuran ng matandang Sullivan.
"Ipagpaumanhin ninyo ngunit may pagkamahiyain itong aking apo dahil hindi masyadong naglalalabas ng masyon. Lalo na ng mag-asawa'y mas lalong nahilig mag-babad ng buong araw sa loob ng mansyon." Saad ng matandang Sullivan na tahimik na ikinangiti lamang ni Binibining Ingrid.
"Siguro'y hindi pinapalabas ni Senyor Antonious lalo na't sa kasing ganda niya'y kailangang ingatan at isarili lamang." Sagot ni Alfonso na inani ng matinding tuksuhan sa mag-asawang Sullivan na bahagyang nagpabago sa timpla ng aking gabi.
Nang mapadako ang aking tingin kay Antonious ay nakangiti na ito habang nakatitig kay Ingrid na ngayon ay nakatitig rin sa kanya.
"Pag-ibig, Tsk! Hindi iyan nagtatagal!" Agad akong napailing sa aking inisip. Anong karapatan kong manghimasok sa buhay niya, gaya ng kanyang panghihimasok sa buhay ko?
Isang malalim na buntong-hininga ang aking ginawa bago tahimik na nilisan ang kanilang grupo. Sakto namang natapos ang huling pagtatanghal ng lumabas si Wilma sa entablado dala-dala ang espadang aking ginamit sa pagtatanghal noong mga nakaraang buwan.
"Bilang pagkilala sa pagdating ng mga may nakatataas na posisyon sa syudad at para sa pagdiriwang ng kaarawan ni Ginoong Alfonso ay iniaalay ng isa sa may pinakamahusay na kasanayan sa larangan ng paggamit ng espada ang isang munting pagtatanghal para sa ating lahat. Bigyan natin ng masigabong palakpakan si......Binibining Claudette Cartajenas."
BINABASA MO ANG
Takipsilim
FantasyOdette Aguire who lived half her life in the four corners of her shoe factory did not know the world outside her vicinity. She only knew how to live her life in daily basis and did not once wonder an enchanted world outside. Hanggang sa biglang nagl...