"Maraming salamat."
Isang masiglang pagpapasalamat ang aking iginawad sa ilang mga mamimili habang nakangiting umalis ng paggawaan. Hawak-hawak ang ilang baryang pilak na naipon ko sa mga naibenta ngayong araw ay agad kong isinarado ang paggawaan para makapamili ng mga pagkain para sa mga susunod na araw.
Ilang lakad lang mula sa lawasan ay narating ko ang pamilihan ngunit malaki ang aking pagtataka ng wala ni isang tao ang nasa kani-kanilang pwesto sa pamilihan ngunit may mga nakalagay na bilihin sa kanya-kanyang mesa.
Mula sa aking kinatatayuan ay rinig na rinig ang ilang bulungan sa may di kalayuan. Dala ng aking kuryusidad ay tahimik kung tinahak ang pinagmumulan ng ingay. Tumambad sa akin ang ilang mga nagtitinda na nakapalibot sa kung anong kumuha ng kanilang atensyon na kaya nilang iwan ang kanilang paninda ng walang kahit na sinong bantay.
Papalapit pa lamang ako'y nagsimula ng sumangsang ang hangin sa malapitan. Ngayon ko rin lang napansin na lahat sila ay nakatakip ang kamay sa mukha habang nakatingin sa kung anong kumuha ng kanilang atensyon. Nang makalapit ay agad akong napahawak sa aking bibig sa matinding gulat.
Isang bangkay ng babaeng putlang-putla na sa tingin ko ay wala nang kahit katiting na dugong dumadaloy sa kanyang katawan ang nakahilanta sa may gilid.
"Sa tingin ko'y kasama siya sa mga mananayaw ng bahay aliwan."
Agad akong napatingin sa isang tindero na siyang nagkaroon ng lakas na hawiin ang buhok na nakatabon sa mukha ng babae. Kaya ng tumambad na sa amin ang kabuuan nito ay hindi ito maipagkakailang kasamahan ni Sara lalo na't nakadamit pa ito ng katulad sa suot ni Sara ng minsa'y magtanghal sa liwasan.
Sa kalagitnaan ng mga bulungan ay biglang dumating ang ilang guwardya ng syudad na mabilis ring binigyan ng daan ng mga taong nakakumpol sa paligid bangkay. Dala-dala ang isang kamilya na gawa sa kahoy ay mabilis nila itong dinala patungo sa naka-paradang karwahe na karaniwang transportasyon ng mga dinadala sa pagamutan ng syudad.
Nang maalis na ang bangkay sa pamilihan ay kanya-kanya na ring balik ang mga tao at ilang tindero sa kani-kanilang pwesto sa pamilihan. Hanggang sa uwian na ay naging lutang ang aking pag-iisip sa kung ano ang nangyari sa babae. Hindi pangkaraniwan ang patayan sa syudad lalo na't iyon ang kauna-unahang beses na nakasaksi ang mga mamamayan ng ganoong klase ng brutal na pagkamatay.
Takipsilim.
Isang yugto ng araw kung saan mas pinakamagandang magliwaliw sa ilalim ng dilim pero matapos ng nasaksihan ko kaninang nakakapangilabot na pagkamatay ng babae ay hindi ko na rin maiwasang matakot sa panganib na dulot ng kadiliman.
Nakahiga ako sa may kaliitang higaan na gawa sa kahoy habang nakatingin sa blangkong kisame. Kahit pilit na iwaksi ang aking nasaksihan ay pilit bumabalik pa rin ang kalunos-lunos na kalagayan ng babae.
Nang biglang may sunod-sunod na malalakas na katok ang gumimbal sa buong kabahayan. Nang masuot ang roba ay mabilis kung sinindihan ang lampara at patakbong tinungo ang pinto. Nang buksan ko ito'y tumambad sa akin ang mukha ni Sara na puno ng kolorete habang may malalaking ngiti na nakapaskil sa kanyang mga labi.
"Oh? Anong ginagawa mo dito sa ganito kalalim na gabi?"
"Ano ka ba naman Odette! Nakalimutan mo na ba?"
Siya na ang nagkusang pumasok sa loob ng bahay habang dala-dala ang isang malaking supot na sa tingin ko ay pagkain lalo na't amoy na amoy ko ang mabangong halimuyak nito na siguradong luto ni Nana Maria na siguradong nakakatakam.
Hindi pa rin malinaw sa akin kung bakit may dala-dalang pagkain ang aking kaibigan lalo na't malalim na ang gabi. Nang mapansin ang aking tingin ay bahagya lamang siyang natawa sabay lapag ng plato at kutsara na kinuha niya mula sa kusina.
"Nako, Odette! Nakalimutan mo na bang kaarawan mo ngayon? Hay nako talaga! Tama nga si nanay ng sabihin niyang magdala nalang ako ng pagkain dito at siguradong nakalimutan mo na naman ang iyong kaarawan!"
Nang marinig ang kanyang sinabi ay bigla kong nasapo ang aking bibig sa matinding gulat. Sa dami ng aking iniisip ay nakakalungkot na nakalimutan ko ang sariling kaarawan. Bahagyang natawa nalang si Sara ng mapansin ang aking pagkagulat habang umiiling na naglalagay ng makakain sa dalawang platong nakahain sa maliit na mesa.
"Sige na at kumain ka na Odette! Alam mo namang may trabaho pa ako ngayon kaya bukas nalang tayo magliwaliw kung saan mo gusto. Kakain lang ako pagkatapos ay aalis na rin."
Ilang sunod-sunod na tango lang ang aking isinagot kay Sara habang sinasabayan na rin siyang kumain. Nasa kalagitnaan na kami ng pagkain ng biglang pumasok sa aking isipan ang kasamahan niyang nakitang patay kanina sa may pamilihan.
"Sa tingin ko'y mas makabubuting huwag ka na munang pumasok sa bahay aliwan, Sara."
"Bakit naman?"
"Amm...kasi Sara, kaninang umaga nang mapadpad ako sa pamilihan ay may nakitang bangkay ng kasamahan mo sa bahay-aliwan. Patay na ang babae ngunit walang ni isang patak ng dugo ang dumadaloy sa katawan nito. Putlang-putla at halatang pinatay sa isang nakakatakot na pamamaraan."
"Narinig mo rin pala iyon? Alam mo bang kakapasok pa lang ni Delia sa bahay-aliwan. Wala namang maibigay na tamang paliwanag ang may-ari kaya hindi na rin kami nagtanong pa. Ang sabi ay hayaan nalang ang konseho at pamilya ng biktima na mag-usap sa mga gagawing hakbang."
"Hindi ka ba natatakot sa posibilidad na maaring maulit ang pangyayari sa mga nananayaw ng bahay-aliwan?"
"Hindi naman siguro at sa pagkakaalam ko'y mas maingat na ngayon ang mga guwardya ng syudad para hindi na ulit malusotan ng ganyang klaseng kaso."
Isang tango nalang ang aking isinagot kay Sara. Alam kung kahit na anong sabihin ko sa mga bagay na ito ay may sarili siyang parte sa kwento. Pag hindi talaga namin napagkasunduan ang isang bagay ay hindi talaga siya nagpapatalo kaya sa huli siya pa rin ang nagdedesisyon sa aming dalawa. Na karaniwan ay hindi ko na rin nagawang kwestyunin lalo na't maingat naman si Sara sa mga bagay na sa tingin niya ay nakakasama at sa mga bagay na sa tingin niya ay nakakabuti.
"Maligayang ika-dalawampu't isang kaarawan Odette!"
Isang mahigpit na yakap ang aking ibinigay sa kanya bilang pasasalamat sa lahat ng kabutihan at pagmamahal na binibigay niya at ni Nana Maria sa akin.
Nakatingin lamang ako sa papalayong pigura ni Sara habang kinakaway ang kanang kamay at ang isa ay hawak-hawak ang isang lampara na siyang nagsisilbing ilaw niya sa madilim na daan.
Ngunit sana'y hindi ako tahimik lamang na nakatanaw sa kanyang pag-alis. Sana'y mas inisip ko ang kaligtasan ni Sara. Kung sana'y pinigilan ko siya sa pagpasok sa gabing iyon. Kung sana naging totoong kaibigan ako ni Sara na hindi padadaig sa kanyang mga salita bagkus ay sinisiguro ang kaniyang kaligtasan una sa lahat.
Kung sana.
BINABASA MO ANG
Takipsilim
FantasyOdette Aguire who lived half her life in the four corners of her shoe factory did not know the world outside her vicinity. She only knew how to live her life in daily basis and did not once wonder an enchanted world outside. Hanggang sa biglang nagl...