Tahimik akong nakasunod kay Mattias habang pilit na pinipigilan ang sariling kabahan sa maaaring mangyari sa aking pakikipagsapalaran sa isang lugar na mistulang isang malaking misteryo para sa akin.
Noong nakaraan ayon sa pagkakaalam ko ay sayaw lang at ilang pagtatanghal ang ginagawa ng mga babaeng nagtatrabaho sa bahay-aliwan ngunit noong mga nagdaang-buwan ay biglang nagbago ang pamamalakad nito ng maraming mga dayo ang biglang napadpad sa syudad. Sa pagkakaalam namin ay mga panauhin daw ito ng angkan na siyang may pinakamataas na posisyon ngayon sa konseho, ang mga Sullivan.
Ilang lakad lang sa pasilyo ng bahay-aliwan ay nakapasok kami sa isang malaking silid na sa tingin ko ay opisina ng bagong namamahala ng bahay-aliwan. Isang buntong-hininga ang aking ginawa bago tumapak papasok ng silid. Kinakabahan man, natatakot, nagdadalawang-isip ngunit kailangan kong gawin ito at alam kong kakayanin ko.
"Mag-ingat ka, Odette." Mahinang saad ni Mattiad bago tiningnan ang lalaking kapapasok lang din ng silid.
May katabaan ang lalaki, may kaliitan sa akin ng ilang pulgada, maitim at hindi kakisigan ang aking paglalarawan sa kanya. May mga matang mapagmasid lalo na sa mga maseselang bahagi ng aking katawan. Alam kong napansin rin ni Mattias ang mga titig ng lalaki sa aking dibdib kaya agad niyang hinarangan ng kanyang katawan ang mga titig nito patungo sa akin.
"Ginoong Alfonso, sa tingin ko'y kilala mo na ako at siguradong alam mo na ang napagkasunduan natin." Magalang ngunit may diin na saad ni Mattias habang nakikipag-kamay sa lalaki.
Nang tumawa ang lalaki ay bahagya akong napangiwi ng halos makita na ang buong nilalaman ng bibig nito sa laki ng pagkakabuka.
"Oo naman, senyor. Alam ko ang napagkasunduan. Maupo ho muna kayo, at ang inyong napakagandang panauhin." Saad nito ng may nakakatakot na titig at malisyosong mga ngiti.
Kung si Odette Aguirre sana ako ay baka kanina ko pa nasampal ang lalaki at lumakad dito paalis ngunit dahil ako si Maria Claudette Cartajenas ay kailangan ko siyang sabayan sa paraan na natutunan ko.
Isang nakakalokong ngiti ang aking iginangti sa kanya na bahagya nitong ikinagulat. Siguro ay hindi niya inaasahan ang aking mga tugon sa kanyang malisyosong ngiti.
"Sa pagkakaalam ko ay nandito ako bilang isang tagapangasiwa sa mga babaeng nandito sa bahay-aliwan, hindi ba Senyor Mattias?"
Isang tango ang isinagot ni Mattias bago napatingin kay Ginoong Alfonso na kanina pa nakatingin sa aking mga dibdib. "Sa tingin ko ay nagkasundo na tayo. Mauna na ako, Alfonso, Claudette." Saad nito sabay lakad paalis.
Naiwan ako sa silid kasama si Ginoong Alfonso na hanggang ngayon ay may nakakalokong ngiti pa rin na nakapaskil sa kanyang mga labi. Nasusuka man ay pinilit kong makipagsabayan sa kung paano niya ako pakitunguhan.
"Kailan ako magsisimula, Ginoong Alfonso?"
"Mamayang gabi Binibining Claudette." Tugon nito sa aking tanong ng may nakakalokong ngiti. Agad kaming napalingon ng may biglang kumatok. Lumabas mula dito ang isang trabahante ng bahay-aliwan na may dalang walis. Halata ang pagod sa mga mata nito ngunit ng mapatingin kay Ginoong Alfonso ay pinilit itong ngumiti.
"Pinatawag ho ninyo ako, Ginoong Alfonso?"
"Dalhin mo si Binibining Claudette sa kanyang magiging silid." Saad nito sa lalaki.
Agad namang napatingin ang lalaki sa aking kinatatayuan bago dahan-dahang yumuko bilang pagbigay-galang. Sa tingin ko ay ilang taon rin ang tanda ko sa lalaking ito ngunit dahil na rin sa pagod sa pagtatrabaho ay nagmumukha na itong matanda.
"Sumunod ho kayo sa akin, Binibining Claudette."
Isang tango lang ang aking sinagot sa kanya. Ilang lakad mula sa silid ng tagapamahala ng bahay-aliwan ay makikita ang isang magandang hardin. Maayos ang pagkakahanay ng mga bulaklak na mas lalong nagpaganda nito sa paningin.
"Ito ho ang hardin ng bahay-aliwan, Binibining Claudette. Maaari ho kayong mamasyal dito kung gugustuhin ninyo." Saad ng lalaki na nakatingin rin sa mga bulaklak na umagaw ng aking pansin.
"Hindi ba ito bukas sa lahat ng mga nagtatrabaho sa bahay-aliwan?"
"Hindi ho. Tanging ang mga may mahahalagang katungkulan lamang sa bahay-aliwan ang maaaring pumasok sa hardin."
Isang tango lang ang aking isinagot sa lalaki bago sumunod sa kanya patungo sa dalawang magara na hagdang magkasanga. Isang hagdan sa kanan at isa sa kaliwa. Hindi na ako nagtanong kung saan patungo ang mga daang makikita sa bawat sulok dahil baka magtaka ang lalaki bagkus ay sumunod nalang ako sa kanya ng walang ingay. Ilang lakad lang ay narating namin ang isang may-kalakihang pintuan.
"Ito na ho ang silid ninyo, Binibining Claudette. Sa pasilyong ito ho ang mga silid ng mga may katungkulan sa bahay-aliwan. Sa kabilang hagdan naman ho ay ang bulwagan ng mga pagtatanghal. Kung may mga tanong ho kayo sa mga silid ng bahay-aliwan ay maaari ho ninyo akong pagtanungan." Magalang nitong saad habang pinapasok ang aking mga bagahe sa loob ng silid.
"Anong pangalan mo, iho?" Tanong ko sa kanya na bahagyang ikinagulat nito ngunit mabilis ring nagbago ang kanyang reaksyon at muling yumuko.
"Ipagpaumahin ho ninyo ang bahagyang pagkagulat ko Binibining Claudette. Ngayon lang ho kasi may nagtanong sa pangalan ko. Rio ho ang pangalan ko." Saad nito ng may mga ngiti sa labi. Bagay na alam kong hindi katulad kanina na pilit lamang at walang kabuhay-buhay.
"Sige na, Rio at kailangan ko pang maghanda para sa pagtatanghal mamayang gabi."
"Sige ho, Binibining Claudette."
Tahimik kong tinanaw ang bulto ni Rio hanggang sa makababa na ito ng hagdan. Agad akong napatingin sa bawat sulok ng pasilyo na walang halos katao-tao. Sa pagkakaalam ko kay Mattias ay buhay na buhay ang bahay-aliwan tuwing sasapit ang dilim.
Tahimik ang paligid at walang ni katiting na ingay ang maririnig. Nakakabinging katahimikan na ilang minuto nalang ay mapapalitan na rin ng nakakatakot na halakhakan ng mga parokyano ng bahay-aliwan at ingay mula sa mga nakakabinging musika.
Isang pulang kolorete para sa aking labi ang huling bagay na mas lalong nagpatingkad sa aking mukha. Walang ni katiting na ingay ang maririnig mula sa labas ng aking silid ngunit alam kong nagsisimula na ang pagtatanghal.
Isang malalim na buntong-hininga ang aking ginawa bago nilagok ang natitirang bino sa aking kopita na gawa sa ginto. Sabay sa aking pagsara sa pinto ng aking silid ay ang kagalakan sa pagpasok ko sa bahay-aliwan ng walang problema.
"Magpakatatag ka, Sara. Paparating na ako." Mahina kong bulong sa sarili bago tinulak ang pintuan ng bulwagan.
BINABASA MO ANG
Takipsilim
FantasyOdette Aguire who lived half her life in the four corners of her shoe factory did not know the world outside her vicinity. She only knew how to live her life in daily basis and did not once wonder an enchanted world outside. Hanggang sa biglang nagl...