Nagising ako sa isang napakabangong amoy na nanggagaling kung saan. Nang unti-unting maidilat ang aking mata'y bumungad sa akin ang isang napakagandang kumpol ng bulaklak sa may gilid ng aking kinahihigaan.
Kinahihigaan?
Mabilis akong napaupo ng mapagtantong hindi ito ang aking silid. Maganda ang looban ng silid, maaliwalas sa pakiramdam lalo na't labas masok ang simoy ng hangin.
Kung sana'y ganito kagaan ang aking pakiramdam sa araw-araw. Napabuntong-hininga nalang ako ng mapagtanto ang aking iniisip.
Ilang magkakasunod na katok ang aking narinig bago pumasok si Augustus. Halatang kakaligo lang nito dahil sa kanyang basang buhok. Kasunod niya ang isang may katandaan na ginang na may dalang nakatiklop na damit. Matapos mailapag ng ginang ang damit ay agad rin itong naglakad paalis. Agad napako ang aking tingin sa lalaki ng makaalis na ang ginang.
"Maraming salamat sa inyong pagmamalasakit, Senyor Augustus ngunit sa tingin ko'y sapat na ang pagpapatuloy sa akin kagabi."
Nang akmang aalis na ako'y agad nitong hinawakan ang aking braso na agad kong ikinatingin dito.
"Suotin mo na ito binibini. Alam kong kagabi ka pa nahihirapan sa iyong suot. Gustuhin ko man ngunit hindi ko mapapayagang umalis ka ng walang laman ang tiyan kaya't nagpahanda na ako agahan sa baba." Saad nito sabay lagay sa aking kamay ng damit. Alam kong kahit anong pagpipilit ko'y masusunod rin naman ang kanyang kagustuhan kaya't hindi nalang ako nagpumilit.
Tahimik lang akong nakasunod sa kanya habang pababa ng hagdan. Hindi matatawaran ng isang salita kung gaano karangya ang buhay na mayroon ang mga Sullivan. Nasa kanila na ang lahat kaya't hindi nila gugustuhing mawala nalang ito bigla-bigla dahil lang sa isang sumpa.
Nakasunod pa rin ako sa kanya hanggang sa marating ang labasan patungo sa aming pinagtagpuan kagabi. Mas lalo akong namangha ng masilayan ang kabuuan ng buong hardin. Maganda nga ito, napakaganda. Agad kong napansin ang mga katiwala ng panuluyan sa may hindi kalayuan. Sa gitna ng hardin ay isang may kaliitan straktura na walang dingding ngunit may nakagarang bubong.
Nang marating namin ito'y agad nagbigay galang ang mga katiwala sa aking kasama. Matapos ang kanilang ginawang paghahanda ay agad rin itong nagsialisan.
"Maupo ka binibini." Saad nito na agad ko rin namang sinunod.
Masasarap ang mga pagkain na nakahain sa mesa ng mga Sullivan. Siguro ang kalamangan ng mga ipinanganak na nalulunod sa karangyaan ay maari nilang malasahan ang lahat ng masasarap na pagkain. Isang bagay na salat ang dating Odette kahit pa gumawa ng ilang daang sapatos at kahit pa kumayod ng araw at gabi sa paggawaan.
Nasa kalagitnaan kami ng pagkain ng may narinig akong nagkakatuwaan sa may hindi kalayuan. Sana'y hindi ko na lang iginaya ang aking tingin dahil ng masilayan ang tawanan ng mag-asawa'y humigpit ang aking hawak sa mga kubyertos ng hindi inaasahan. Siguro'y napansin ito ni Augustus dahil ang kanyang maiinit na palad ang bahagyang nagpakalma sa akin ng hawakan nito ang aking nakakuyom na kamao.
"Ayos ka lang, binibini?" Batid ko ang kanyang pagtataka na agaran ko nalang tinanguan.
Ngunit ang kaninang pagtitimpi ay napalitan ng galit ng unti-unting lumalapit ang tinig ng dalawa sa aming kinalalagyan. Ilang mahihinang hagikgik ni Binibining Ingrid ang nagpangitngit sa aking kalooban ngunit ano ba ang karapatan kong magalit kung ako ang nakiapid sa kanilang pagsasama?
"Oh kuya, magandang umaga." Magiliw na saad nito sabay lapit sa kanyang nakakatandang kapatid sabay pagyakap nito. Hindi nga maipagkakailang malambing na babae ang binibini. Nang mapadako ang tingin nito sa akin ay agad nitong nahawakan ang bibig sa matinding gulat sabay napadako ang tingin nito sa kanyang kapatid.
"Siya ba ang sinasabi mong napakagandang babae na kumuha ng iyong atensyon, kuya?" May nangiting saad ng binibini na bahagyang napabaling ang tingin sa taong kanina pa nasa aking likuran. Nang tuluyan ng mapansin ng binibini ang aking presensya ay dahan-dahan akong tumayo upang magbigay-galang.
"Ano ba! Huwag mo ng gawin iyan, Binibining Cartajenas at sa tingin ko nama'y magiging Sullivan ka rin sa mga susunod na panahon." Magiliw na saad nito sabay hagikgik na bahagyang ikinailing ni Augustus.
"Maupo na kayo at sumabay sa aming kumain, Ingrid." Magalang na saad ni Augustus na agad kong hiniling na sana'y hindi nalang sila sumabay sa amin ngunit bahagya nalang akong nadismaya ng umupo ang dalawa sa mesa.
Masayang nagkwento ang binibini sa kung anong maisipan nito habang sumasang-ayon naman sa kanya ang kanyang kapatid. Kanina pa tahimik si Antonious sa gilid ng kanyang asawa. Siguro'y dama nito ang mabigat sa kalooban na dinudulot ng kanyang presensiya sa akin.
Mas lalong sumasakit kong itutuon ko ang aking pansin sa kanyang masiglang pakikitungo sa kanyang nagdadalang-taong asawa tuwing hahawak ito sa kanyang kamay o hindi kaya'y bahagyang yayakap dito. Nakakatawa dahil sa kanyang asawa ko ibinubunton ang aking galit, subalit alam ko namang simula pa lang ay walang kasiguraduhan ang buhay na aking pilit na pinasok kasama siya.
"Binibining Cartajenas, sanay mapadalas ang dalaw mo dito sa aming panuluyan. Alam kong ikagagalak ng aking kapatid ang iyong presensiya." Saad ng binibini na sa tingin ko'y pilit akong itinatambal sa kanyang nakatatandang kapatid.
"Gustuhin ko man binibini ngunit marami-rami ang gawaing naiwan ko sa bahay-aliwan kaya't ang madalasang pag-dalaw dito'y hindi ko maipapangako." Malinaw kong saad na halatang ikinadismaya ng binibinu base na rin sa pagkunot ng kanyang noo. Nang mapansin naman ito ng kanyang kapatid ay agad nitong hinawakan ang kanyang kamay na nakapatong sa mesa.
"Huwag kang mag-alala at ako ang dadalaw kay Binibining Cartajenas sa bahay-aliwan." Paniniguro ni Augustus na bahagyang ikinasaya ng binibini. Wala akong alam sa pagkatao nito maliban nalang sa matinding pagkagusto sa mga gawang sapatos ng dating Odette. Ngunit sa mga nakikita ko ngayo'y batid kong lahat ng kanyang kagustuhan ay pilit na tinatalima ng mga nakapaligid sa kanya.
Ilang minuto pa ang lumipas bago naunang umalis ang dalawa na bahagyang ikinagaan ng aking pakiramdam. Nakakatawa dahil kahit na anong pilit kong kumbinsihin ang sariling wala akong mapapala sa kanya ay pinipilit ko pa ring tingnan kung kahit ang paglapat ng tingin nito sa aking kinalalagyan ay magawa nito ngunit kahit iyon ay pilit niyang ipinagkakait sa akin.
"Salamat sa masarap na pagkain at pagpapatuloy sa akin kagabi, ginoo. Hindi ko man maibalik sa iyo ang lahat ng kabutihang-loob na ibinigay mo lalo na't wala pa akong sariling panuluyan. Ngunit gagawin ko ang lahat para maibigay sa iyo ang magandang serbisyo na kaya kung ibigay sa loob ng bahay-aliwan. Sana'y makadalaw ka ginoo." saad ko sa kanya.
"Huwag kang mag-aalala binibini at alam ni Ginoong Alfonso na nasa poder ka ng aking panuluyan. Gustuhin ko mang ihatid ka sa bahay-aliwan. Alam ko namang hindi ka sasang-ayon, binibini." Saad nito bago kusang binuksan ang pinto ng karwahe. Nang makapasok ako'y agad nitong isinara ang karwahe ng may mga ngiti sa labi.
Ilang minutong paglalakbay ng mapansin kong hindi patungo sa bahay-aliwan ang tungo ng karwahe. Bago pa ako makapagprotesta ay agad akong tinangay ng matinding antok. Hanggang sa tinangay na ako ng matinding katahimikan at tuluyan ng dumilim ang paligid.
BINABASA MO ANG
Takipsilim
FantasyOdette Aguire who lived half her life in the four corners of her shoe factory did not know the world outside her vicinity. She only knew how to live her life in daily basis and did not once wonder an enchanted world outside. Hanggang sa biglang nagl...