Kabanata 14

171 11 0
                                    

"Claudette."


Agad akong kinabahan ng marinig ang kanyang tinig. Hindi nga ako nagkamali dahil nang mapadako ang aking tingin sa may pintuan ay nagkasalubong ang aming mga titig. Mga titig na minsan ring nagpadama sa akin ng isang bawal na paghanga.





Kahit itago ko ang aking sugat ay alam kong lantad na ito sa kanyang paningin kaya naisipan ko nalang tumayo at yumuko para magbigay-galang.




Tahimik niyang sinipat ang aking sugat ngunit walang kahit na anong emosyon ang makikita sa kanyang mukha. Isang paraan ng pagtitig na sa tingin ko ay walang pakialam.



Ano pa nga ba ang inaasahan mo, Odette? Naging magkakilala kayo noon ngunit sapat ba iyon para magbigay ng pag-aalala ang tao? Tahimik na pagkukumbinsi ko sa aking sarili.



"Nakarating na sa akin ang paraan ng pangingialam mo sa pagpapatakbo ni Alonzo sa bahay-aliwan, Binibining Claudette. Sa tingin ko ay alam mo kung ano ang trabaho ng isang tagapangasiwa at hindi kasali doon ang pangingialam sa mga pagpapataw ng batas, tama ba ako?" Malumanay ngunit malamig na saad nito habang seryosong nakasipat sa aking kinatatayuan.


Ngunit mas pinili kong hindi na lamang magsalita dahil aminado ako sa aking kapangahasan kanina. Kailangan kong makiayon sa paraan ng pagpapatakbo ni Ginoong Alonzo kahit na labag sa aking kalooban. Dahil kailangan ko ng magsimula sa paghahanap kay Sara sa bahay-aliwan. Hindi man sang-ayon ay kailangan kong lunukin lahat .



"Ipagpatawad ho ninyo ang aking kapangahasan, senyor. Asahan ninyo at hindi na ho mauulit." Saad ko sa kanya habang magkasalubong ang magkaparehas na paraan ng aming pagtitig. Puno ng sekreto at walang kasiguraduhan.





Ngunit wala akong narinig mula sa kanya bagkus ay malakas na kalabog galing sa pagsara ng pinto ang tanging naging tunog na namayani sa loob ng silid-pagamutan.




Nang hindi pumasok ang nakatalagang manggamot sa silid ay hinayaan ko nalang na malapatan na lamang ng paunang-lunas ang sugat sa aking braso. Nang matapos ay agad kong tinahak ang daan patungo sa bulwagan kung saan sa tingin ko ay nag-eensayo ang iilang mananayaw ng aliwan para sa pagtatanghal ngayong gabi.




Naabutan kong nag-eensayo ng ilang hakbang ang mga mananayaw ng bahagya silang napahinto ng makita ang aking pagpasok. Kapwa sila ay halatang gustong lumapit ngunit nag-aalangan lalo na't maraming kawal ang nagkapalibot sa bawat sulok at nag-aabang lamang ng kanilang mali.





Sa may hindi kalayuan ay naabutan ko si Giorgio na dala-dala ang kanyang paniklop na siguradong naglalaman ng ilang mahahalagang talaan sa mga lakad ni Alfonso lalo na't siya ang kanang-kamay ng Ginoo.




Kung gusto kong malibot ang buong bahay-aliwan ng walang mga mata ni Alfonso ay kailangan kong kaibiganin ang kanyang kanang-kamay dahil siya lamang ang may alam sa takdang oras at araw kung saan wala ang Ginoo sa syudad.






"At ano ang maipaglilingkod ko sa iyong pagparito, Ginoong Giorgio?" Magalang kong tanong sa binata na sa tingin ko'y maliit lang ang agwat ng aming kapanganakan ngunit pinagkakatiwalaan na ng mga taga-konseho kahit pa sa kanyang murang edad na maging bahagi ng bahay-aliwan.





"Nandito ako para ibigay sa iyo ito." Saad nito sabay lapag sa aking harapan ang isang paniklop na sa tingin ko ay listahan ng lahat ng mananayaw na aking nasasakupan.




"Listahan iyan ng lahat ng mga babae at kanilang mga nakatakdang silid. Isa sa katungkulan mo ang siguraduhing maganda at maayos ang kanilang pagtatanghal lalo na sa mga espesyal na okasyon kung saan iniimbita ang bahay-aliwan ng ilang meyembro ng konseho o mahahalagang dayo sa syudad." Mahaba nitong paliwanag bago walang sabi-sabi'y tumayo at mabilis na naglakad paalis ng bulwagan ngunit hindi pa siya nakakalayo ay agad ko itong tinawag na siyang ikinalingon nito nang may nakakunot na noo.



"Bago ho bang listahan ito o kasali ho ba ang ilang mananayaw noong nakaraang mga buwan?"



Ngunit wala akong narinig mula sa kanya bagkus ay isang taas lamang ng kanyang makapal na kilay. Sumunod ang halos lahat ng mga kawal sa kanya habang may iilang natitira pa rin sa bawat sulok na sa tingin ko ay siyang permanenteng kawal na nakabantay sa bulwagan.








Tahimik kong binasa lahat ng mga nakapaloob sa paniklop na ibinigay ni Giorgio. Maraming mga babae ang nakalista dito ngunit isang pangalan lamang ang hinahanap ng aking mata.






Sara.





Ngunit halos mapunit na ang paniklop ay walang nagngangalang Sara ang aking nabasa na nakapaloob dito. Siguro ay bagong listahan ito ng mga babae na kapapasok lang noong nakaraang linggo o buwan.








Dismayado man ay alam kong kahit papaano ay may ilang matagal-tagal na ring nagtatrabaho sa bahay-aliwan. Siguro naman sa dami ng babae dito may nakilala silang Sara ilang buwan na ang nakalipas.



Manalig ka Odette! Mahahanap mo si Sara at malalaman mo ang totoong nangyari sa kanyang pagkawala. Pagpapagaan ko sa aking loob lalo na at walang mapagkakatiwalaan sa lugar na ito. May maraming mga mata na nakamasid sa bawat gilid na sa konting galaw ay maaaring magdala ng kabiguan sa ilang buwan kong paghahanda.




Patuloy na nag-ensayo ang mga babae habang ako nama'y tahimik na nakamasid sa isang babaeng nagtuturo sa kanila sa mga hakbang. Sa pagkakaalam ko'y sa loob na rin siya ng bahay-aliwan nakatira ngunit hindi na siya mananayaw ng bulwagan lalo na't may edad na ito. Ngunit malinaw ang katotohanan na magaling itong mananayaw at maganda ito noong kabataan.






"Binibining Claudette, ito na ho ang listahan ng ilang bino na kadarating lang sa bahay-aliwan." Saad ni Rio na hindi ko na namalayang nakalapit na pala sa aking kinatatayuan.






"Hindi ko alam na parte pa pala ng trabaho ko ang suplay ng bino sa aliwan?"







Isang pagak na tawa lang ang narinig ko kay Rio na agad ikinataas ng aking kilay. Nang mapansin na seryoso ako sa aking tanong ay bahagya itong naguluhan.





"Hindi ho ba sinabi sa inyo ni Ginoong Mattias?"








Agad akong napailing sa kanyang sinabi. Hindi nga namin napag-uusapan kong ano ang mga bagay na gagampanan ko sa bahay-aliwan maliban nalang sa maging tagapangasiwa ng mga babae sa bulwagan.









"Sa tingin ko'y nakaligtaan ko lang basahin sa kontrata, Rio. Makakaalis ka na."







Agad naman siyang tumango at tumalikod sabay lakad paalis.

TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon