XVII

500 27 5
                                    

M.
Yakap

MALAMIG ang tubig at halos lamunin ang buong sistema ko. Hindi ko nilabanan ang tadhana ko bagkos ay tahimik na nanalangin habang papalubog pa lalo ang katawan ko.

Nang halos malagutan na ako ng hininga, may kakaiba akong tinig na narinig.

Tila isang mataas na boses ng babaeng may napaka gandang tinig. Tila nagsusumamo ito sa akin. Pakiramdam ko ay may gusto itong ipahiwatig.

"Ahhhh~ haaaaa~ hmmm~ hmmm~"

Hindi kumikintal sa isip ko ang tono pero ang emosyon na nagmumula sa tinig ay damang-dama ko. Bago ko muling ipikit ang mga mata ko, isang imahe ng babaeng nakangiti sa akin ang nasilayan ko. Siguro dahil na rin sa takot at gulat kaya't tuluyan na akong nawalan ng malay.

•••••

ISANG malakas na pag-ubo ang pinakawalan ko na naglabas ng tubig mula sa aking bibig.

Ang unang nasilayan ng mga mata ko ay ang malapit na sa paglubog na araw. Ramdam ko rin ang buhanginan na hinihigaan ko at mga kabibe na nakahalo dito. Ramdam ko rin ang malamig na hangin na dumadampi sa balat ko.

Naghintay pa ako ng ilang sandali bago ako maupo. Bahagya ko pang inikot ang paningin sa tila maliit na isla na pinagtangayan ng katawan ko.

Natangay nga ba talaga ako dito?

Kahit na wala pa akong lakas, pinilit kong tumayo. Pumasok ako sa tila kagubatan na puno ng kakaibang mga puno. Pero halos hanggang sa bungad lang talaga ako.

May mga ibon na malayang lumilipad. Mga insekto sa paligid at ilan pang maliliit na hayop.

Natakot naman ako sa ideya na baka may mababangis na hayop ang namumuhay rito. Una kong hinanap ay ang malalaking dahon ng saging.

Pinagtagpi-tagpi ko ito nang mabilis bago tuluyang lumubog ang araw. Mabuti at nakapagpalit na ako gamit ang tinagpiang mga dahon.

Tsaka ko lang naalala nang malapit na talagang magdilim na wala akong siga ng apoy.

Kumaripas ako ng takbo pabalik sa buhanginan, ang nakayapak na paa ay tila nanghihinang nakatapak sa buhanginan.

Wala akong nagawa kundi ang sumiksik sa pinaka malapit na puno na may mga ugat na napagkasya ko ang sarili dito. Ginamit ko ring kumot ang ilan pang dahon na nakuha ko.

Nang maayos nang nakapuwesto, ipinikit ko ang aking mga mata dahil hindi ko kayang lingunin ang kagubatan sa likuran ko. Nakaharap ako ngayon, ang katawan ko, sa payapang karagatan.

Alam kong dapat ay nakakain na ako sa mga oras na ito pero dahil gabi na at natatakot ako sa pagiging mag-isa, ito ako at nakasiksik sa isang puno.

Ngayon ko lang naranasan ang takot ng pagiging mag-isa. Noon ay sa pakiramdam lamang na pinag-iiwanan pero ngayon ay literal na mag-isa na ako.

Tahimik na lumuluha ako ngayon, nananalangin na sana matapos na ang gabi.. At magkasama na kaming muli nila ina at ama..

Hindi ko magawang makakilos dahil sa pinaghalong lamig, takot at pag-aalala sa sarili. Nanginginig na ang katawan ko habang tuloy-tuloy ang pagluha.

Pagbalik (Adelfa Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon