XXV

390 21 1
                                    

M.
Punyal

NAKATANAW ako ngayon sa labas. Hinihintay ang pagsikat ng araw. Maaga akong nagising siguro dahil maaga rin akong nakatulog kagabi. Maayos na naka-indian seat ako sa hamba ng malaking pintuan. Para tuloy akong batang biglang nagtampo at naupo sa daan dahil sa pagmamaktol.

May mga yabag ng paa ang paparating mula sa likod ko pero hindi ko nilingon. Kanina ko pa kasi hinihintay ang haring araw. At ilang minuto na lang, tiyak na sisilay na ito.

Nang tuluyang makalapit ang yabag, tsaka ko lang naunawaan kung sino ito. Presensiya pa lang alam ko nang siya. Medyo hindi na tuloy ako naging komportable sa pagkakaupo.

Hindi ako nakaangal nang bigla siyang pumuwesto sa harap ko matapos akong lagpasan. Ngayon, hindi na ang araw ang naghari sa paningin ko. Nagmukhang liwanag sa ulo niya ito, nagmukha tuloy siyang anito.

Natawa naman ako sa huling naisip, bagay na ikinatakha niya. Marahang halakhak lamang ito pero nakatuon na ang tingin niya sa bibig ko. Maya-maya pa ay umalis siya sa aking harapan. Siguro sa likod bahay nagtungo.

Tila nagningning ang mga mata ko sa ganda ng pagkakasikat ng araw. Ganito rin kaya kaganda ang pagsikat nito sa panahon ko?

Nagmistulang bola ng ginto ang haring araw. Ang mga nagliliparang lupon ng ibon naman ay palamuti. Ang mga ulap ay tila humahalik at pilit siyang ikinukubli. Minsan madamot din ang mga ulap, gustong sarilinin ang kanyang liwanag pinipigilan ang pagbahagi niya ng sinag. Pero hindi ko rin naman masisisi ang banayad na pagtakip ng ulap. Mainam nga ito upang hindi masilaw ang lahat sa kanyang liwanag.

Maya-maya pa, narinig ko ang pamilyar na yabag ng hayop.

"Yah!" Halos mabuwal ako nang makita sa harapan ko si Ginoong Venancio na nakasakay sa puting kabayo. Sa mangha ko, napalapit ako.

"Marunong kang mangabayo?" Kahit halata naman, itinanong ko pa. Pinalandas ko ang kamay sa mahabang buhok ng kabayo sa may ulunan nito. Halatang alaga dahil sa lambot nito at kintab.

Tumango siya sa'kin pero nagulat ako nang bigla siyang bumaba sa pagkakasampa. Hawak ang lubid sa kaliwang kamay na nagpapakontrol sa kabayo, inilahad niya ang kanan niya sa akin. Walang pag-aalinlangang ipinatong ko ang aking kamay pero nagdalawang-isip ako sa pag-akyat dahil hindi ako marunong.

Ibinalik ko ang tingin sa kanya, mukhang nakuha niya ang ibig kong sabihin pero higit pa dito ang natamo kong sagot. Maingat na hinawakan niya ako sa bewang at parang papel na isinampa nang pagilid dito. Sa takot ko na malaglag halos masakal ko ang kabayo.

Hindi nakawala sa aking mga mata ang bahagya niyang pagngisi. Nahiya naman ako sa nagawa kaya't kahit takot, napabitaw ako sa kabayo.

Ang akala ko ay sasampa din siya pero parang prinsesa lang ako na bantay siya sa gilid.

"Kumusta ang iyong tulog?" Pinipilit kong maging tuwid ang pagkakaupo kahit nanlalamig na ang mga palad ko sa takot na malaglag. Ang tanging kinakapitan ko lamang ay ang mismong nauupuan.

"M-Mabuti.. Napanaginipan ko ang pamilya ko.."

Tumiim ang bagang niya at dumiretso na muli ang tingin sa nilalakaran.

Mas banayad ang hangin na nasasagap ko dito. Bukod sa walang tao kundi kami sa mansiyon, may ilan ding matatayog na puno na pinamamahayan ng makukulay na ibon. Hindi ko tuloy alam kung sa daan ako titingin o sa langit kung saan sila nangaliparan.

Hindi katulad noon na puro ako iyak pagkagising kapag napapanaginipan ko ang pamilya ko, napapangiti na ako. Masayang alaala naman yun kaya't dapat lang ako matuwa.

Pagbalik (Adelfa Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon