XXIX

337 22 0
                                    

M.
Bugso

NAKAIDLIP ako sa isa sa mga kubo na pagmamay-ari ni Venancio. Kaamoy niya rin ang kamang hinigaan ko, siguro dito rin siya natutulog. Ang ganda pa ng hikab ko pagkagising dahil tanaw ko ang papalubog na araw. Ang sarap din sa pakiramdam na may malinis na hangin.

Nakayapak na sumilip ako sa gilid ng bintana, nakaharap ito sa kagubatan kung saan sila nanghuhuli ng mga hayop.

"Anim na taon.." May hikbi na nasagap ang aking tainga. Ang boses ay malalim at puno ng pagsusumamo.

"Donato.. Maging masaya na lang tayo sa ating mga buhay!" Pabulong ang pag-uusap pero may diin at hinanakit sa pagbitaw ng mga salita.

"Sa loob ng anim na taon ngayon lang tayo nagkita.. Iyan pa ang una mong sasabihin sa akin?"

Bahagya pa akong dumungaw at natanaw ko si ate Perla at Ginoong Donato na nag-uusap sa gilid.

Ibinalik ko ang ulo ko papasok at tahimik na naupo sa sahig.

"W-Wala naman na tayong dapat pag-usapan.."

"Mahal kita Perla! Pero iniwan mo ako!

"I-Ikaw ang nang-iwan!"

"Sinabi mo sa liham mo na tutuloy ka sa misyon na iyon! Nakatanggap ako ng liham na yumao ka na!"

Pamilyar na pagsinghap ang narinig ko. Hindi ako sanay na marinig ang boses niya sa ganitong tono. Sanay ako na masiyahin lang siya.

"H-Hindi totoo 'yan! Kaya ako nagpakalayo-layo pansamantala dahil nalaman kong pumayag kang magpakasal kay Clarifa!"

"Pumayag lamang ako nang malaman kong.. W-Wala ka na.."

Hindi ko mapigilan ang makinig at ngayon ay nakikisali ako sa pag-iyak. Kakagising ko lang at halos hindi pa rin makapaniwala sa naririnig.

"D-Donato.. Huwag mo na akong lokohin.. Tinanggap ko nang nagpakasal ka dahil iyon ang ikabubuti ng--"

"Ikabubuti iyon ng hacienda pero hindi ng puso ko! Inisip ko na lang na ikaw ang napangasawa ko kahit iba ang kapiling ko. Inisip ko na ikaw si Clarifa bagay na kinaiinisan ko sa sarili ko. Inisip ko na buhay ka pa at masaya tayo.. Na ikaw ang kasama ko sa aking pamilya. Inisip ko na may pagkakataon pa para muling maisulat ang ating tadhana. Inisip ko ang lahat ng iyan!"

"K-Kung inisip mo ang lahat ng 'yan bakit hindi mo ako hinanap?"

"Kung naisip mo rin iyan bakit ka nagtago?"

Akalain mo 'yon? Sa ganitong panahon maihahalintulad ko ang ilan sa nabasa kong nobela. Mga pag-ibig na pinigilan ng tadhana. Ang pagkaka-udlot nang dahil sa trahedya.

Kaya pala iba ang tingin ni ate Perla kay Ginoong Donato.

Noong una pa lang naman may napansin na ako.

Tikom ang bibig ko. Alam kong mali ang makinig sa usapan ng ibang tao pero kailangan ako ni ate Perla. Kailangan niya ng makakausap tungkol sa bagay na 'yon. Wala na siyang pamilya bukod sa mga kakilala dito sa kapulungan na kinaibibilangan niya.

Hinintay kong tuluyan na manahimik ang paligid. Hanggang sa wala na akong ibang marinig kundi ang pag-iyak niya. Pangatlong babae na narinig kong umiyak-- Pang-apat kung isasama ko ang sa naging pansamantala kong magulang dito na Tiyahin ko pala.

Pagbalik (Adelfa Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon