XXX

390 27 2
                                    

M.
Sisi

MASYADONG maraming bagay ang pilit na tintandaan ko. Isa na dito ang mga pangalang nabanggit ni donya Victoria. Mga may kinalaman sa nakaraan ng aking mga magulang.

Rinasoella Indranea Adelfa Yrreverre o mas kilala bilang Rinandra Yrreverre ng malalapit na kaibigan o kamag-anak niya. Siya ang aking ina. Kinakabahan ako nang malaman kong ipapakita sa akin ni Donya Victoria ang larawan ng aking ina na ipininta noong nabubuhay pa siya.

Macario Vedasto Nofuente.. Ang aking magiting na ama. Nalulungkot ako dahil hindi ko masisilayan ang kaniyang mukha. Bukod kasi sa hindi siya ipininta, hindi siya tanggap ng ilan sa puting kapulungan ng mga salamangkero dahil nga mula siya sa mga itim.

"Hija, may gustong makipagkita sa'yo."

Umagang-umaga ay 'yan ang bungad ni Donya Victoria sa akin. Mukhang hindi na siya gaanong abala dahil siya mismo ang bumisita sa akin at ngayon ay prenteng nakaupo sa hiligan na may sinisimsim na tsaa.

"Sino naman po?" Naghuling lagok pa siya bago nagpasyang ilapag ang hawak na tasa.

"Kumusta ka naman dito?" Dumako ang tingin niya sa labas. Ang sarap pakinggan sa tainga ang huni ng mga maya. Maging ang nga hayop mula sa malayo ay rinig dito sa loob ng tolda.

"Maayos naman po."

"Hindi ka pa opisyal na natuturuan, tama ba?" Ako naman ang napalunok. Masama ang pakiramdam ko. Baka mamaya siya pa ang magturo sa akin.

Mas gugustuhin ko na lang makipagpatayan kay Consuello kaysa ang ipilit na banatin ang buto ko ni Donya Victoria. "Huwag kang mag-alala. Nahaharap sa paglabag ng kautusan si Consuello. Darating ang mag-eensayo sa'yo mamaya, ako na ang pumili. Pero sa tingin ko, bukas pa kayo makakasimula."

Napabuntong hininga ako. Sana naman yung kilala ko. O di kaya yung mabait. Ayos na ako sa makulit huwag lang yung may personal na problema sa akin.

"Ronada Lindave Adelfa Yrreverre, siya ang bruha na nakaharap mo noon. Si Rolinda, nakatatandang kapatid ng iyong ina." Bumalik ang tingin ko sa kanya mula sa bintana. "Alam mo bang maayos siya kung siya ay mamuno pero nabaliw nang dahil sa pagkawala ng iyong ina? Pero hindi ako tuluyang naniniwala na iyon lamang ang dahilan. Masikreto ang iyong tiya na 'yan. Tahimik din ang iyong ina pero siya ang balanse sa kanilang tatlong magkakapatid. Masiyahin naman si Roselia Arnea Adelfa Yrreverre, si Rosa na siyang una mong nakatagpo."

Ang saya sanang pakinggan ang mga kwento ni Donya Victoria kung hindi masalimuot ang kanilang naging nakaraan.

"A-Ako ang sinisi ni Tiya Rolinda noong nadakip niya ako."

"Alam ko.. Nasiraan na nga kasi ng bait. Pero maaari pa siyang maisalba. Alam kong may kagagawan din si Sulla sa kalagayan niya."

Nakakaawa naman pala kung gano'n si Tiya Rolinda. Gusto ko siyang yakapin at makasama. Siguro sa loob-loob niya sobrang lungkot niya? Pero wala siya sa tamang pag-iisip niya. Kailangan niyang magising kung gayon.

"Alam mo ba kung bakit walang salamangka si Rosa?"

Bigla akong kinabahan sa tanong niya. Umiling ako bilang tugon na siyang nagpaseryoso lalo ng tingin niya.

"Sa katunayan, mayroon talaga siyang salamangka. Plinano siyang pag-aralan noon nang magkaroon siya ng anak. Inilipat ang salamangka niya sa nasa sinapupunan niya hanggang sa hindi nakayanan ng bata, nalaglag at hindi na naisilang nang buhay."

Pagbalik (Adelfa Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon