Nagpahinga lang ako sandali sa dorm pero wala naman dun si Valoria. Baka may pinuntahan. Nabasa ko na ang mga dapat basahin sa handbook at isang rule dun ay dapat sabay-sabay na kumain ang mga students sa Pyrrha's Hall, ang dining room sa Main building ng Academy. Siguro culture na yun dito kaya dapat na sundin talaga.
Napatingin ako sa relo sa dingding at nakitang 12pm. Oras na para sa lunch. Pero parang ayoko nang lumabas matapos nung nangyari kanina.
Pero teka, tama yung Pollux, aksidente lang yung nangyari at kahit kailan hindi ko gugustuhin na maging center of attention, hindi ako attention seeker. Mas gugustuhin ko pang magmukmok sa kwarto kaysa makitsismis sa labas, mabuti sana kung si Adrian yun okay lang kahit saan kami gumala basta sya ang kasama ko.
Napahawak ako sa tyan ko nang tumunog ito. Hindi nga pala ako nakapagalmusal kanina. Kailangan ko nang kapalan ang mukha ko para makakain.
Huminga ako ng malalim. Hindi naman siguro sila ganun ka -OA para hindi palampasin ang ganung kaliit na bagay.
Inayos ko ang sarili ko at lumabas na ng room. Naglakad ako palabas ng building namin at hindi nakaligtas sa paningin ko ang masasamang, nandidiri at naaawang tingin ng ilang estudyante, or I think lahat sila? May narinig pa akong nagbubulungan, gusto ko pa sanang sawayin. Kung magbubulungan sila sana hininaan nila no? Kasi naririnig ko pa rin.
"Masyadong malandi. Kebago bago, naghahasik ng kalandian." Teka, malandi? Ako? Kahit kailan wala akong naging boyfriend at kailan pa ako lumandi?
"Pasikat masyado. Hindi siguro pinapansin sa bahay nila."
"Hindi nya siguro alam kung sino yung pinasikatan nya kanina. Akala nya naman papatulan sya ni Pisces. Asa sya."
Hinayaan ko na lang sila sa mga sinasabi nila. Eh wala namang kahit anong totoo dun eh. Ngayon ko lang nakita yung mga yun, tsaka hindi ko sila makikilala kung hindi sila nagpakilala. Eh kung gusto nila sana sila yung nagpasikat, wag nila akong idamay sa kalokohan nila dahil wala akong time.
Nagpatuloy lang ako sa paglalakad at di na sila pinansin. Nagugutom na ako at baka may magawa akong hindi kanais-nais pag pinatulan ko pa sila.
Medyo kabisado ko na ang buildings at ang daan papunta sa mga ito kaya madali ko lang natuntun ang Pyrrha's Hall. Nakabukas ang malaking double door ng hall at pagpasok ko ay napamangha ako at halos malaglag ang panga ko nang makitang sobrang lawak nito at kayang kayang iaccommodate lahat ng estudyante. May elevated na stage at mukhang doon ang pwesto ng mga teachers , dean, headmaster at iba pabg importanteng tao. Pero bakante ito ngayon, minsan lang ata sila sumabay sa amin.At tulad ng kanina sa hall ay by color pa rin ang pagupo nila sa lamesa at mukhang may kanya kanya silang grupo.
Naglakad na ako papunta sa linya ng kukuha ng mga pagkain. Pero hindi ko inaasahang pati dito ay makakarinig ako ng pangiinsulto at makakakita ako ng mga masasamang tingin. May mga nagbubulungan habang nakatingin sakin pero pinilit ko na wag silang pansinin. Mas lalo lang akong mapapasama.
Nang nasa linya na ako ay nilagyan din ng babae ang plato ko ng mga tinuro kong pagkain. Natakam tuloy ako bigla. Humanap ako ng bakanteng lamesa. At sa kabutihang palad ay nakita ko si Valoria na nasa medyo dulong bahagi ng hall. Wala syang kasama sa lamesa at natural na yun.Pumwesto ako sa harap nya at umupo, pero nagulat ako nang bumagsak ako sa sahig. Shit!
Napahimas ako sa pwet ko dahil masakit ang pagkakabagsak ko. Kunot-noo kong nilingon ang upuan sa likod ko at nagtaka kung bakit umusog yun. May hinala ako pero inalis ko yun sa isipan ko.
Hinila ko ito at umupo, saka binaling ang tingin sa pagkain. Kakain na sana ako pero napansin kong nakatingin sakin si Valoria. Andyan na naman sya sa malalamig nyang tingin, nanlamig tuloy ako bigla.