KABANATA 16

12K 425 33
                                    

[Adara]

Maaga akong gumising ngayon para makadaan ako sa huling araw ng burol ni Atoy. Sa bawat araw na ginawa ng Diyos, hindi pa rin ako lubos na makapaniwala na wala na ang makulit na alaga kong si Atoy. Masakit isipin na ang itinuring kong kapatid simula pagkabata niya ay hindi ko na makikita pa. Tanging mga alaala na lang ng kanyang masasayang ngiti ang babaunin ko habang-buhay.

Napakabigat ng bawat paggalaw ko dahil alam kong ito na ang huling araw na makapipiling namin siya. Pilit kong nilakasan ang loob ko katulad ng ginawa ko no'ng mga nakaraang araw para lang magkaroon ako ng sapat na lakas para sa maghapon. Kada tapos ng shoot namin ay dumideretso ako sa lamay para magbantay kay Atoy. Kahit na ilang araw na akong walang matinong tulog, hindi ako makaramdam ng panghihina at pagod. Mabuti na lamang ngayon ay naka-2 days break kami kaya sakto sa araw na ito at sa araw ng libing bukas. Nag-iwan ako ng note sa pintuan ni Pierre kung sakaling magising siya at hanapin ako.

Dumaan ako sa burol bago ako tumuloy sa tunay kong pakay ngayong araw. Abala sa pagsusugal ang ilang mga nakikiramay. At si Mang Arturo, tulala pa rin siya sa tabi ni Atoy. Nag-aalala na ako sa kanya dahil ayaw niyang kumain nang maayos. Kapag kinakausap ko siya ay bigla na lang siyang iiyak. Napakasakit na makita siyang ganito.

Lumapit ako sa kabaong at muling pinagmasdan si Atoy. Sorry Atoy, ha? Sorry dahil hindi umabot si ate. Sorry dahil wala akong magawa para mabawasan ang sakit na nararamdaman ng itay mo. Pero isa lang ang sinisiguro ko sa 'yo, Atoy. Gagawin ni Ate Adara ang lahat para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay mo. Sisiguraduhin kong mananagot ang sino mang nasa likod ng hindi patas na katarungan ng paghihirap niyo. Pinapangako ko iyan sa 'yo.

Umalis din ako agad dahil may importante akong kailangang gawin ngayong araw. Sinuot ko ang sumbrero ko at chineck kung kumpleto ang mga kailangan ko. Nagdala lang ako ng maliit na notebook, pen, at camera. Narito din ang ID ko bilang miyembro ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Ito ang nagpapaalala sa akin ng tunay kong papel dito sa mundo. Ang magbigay boses para sa mga taong naagrabyado.

Huminga ako nang malalim saka ko isinarado ang bag ko. Lumakad ako papunta sa sinasabi nilang sikretong pabrika ni Don Franco. May mga nakausap na akong mga mangingisda na nagturo sa akin ng eksaktong kinaroroonan nito. Kabilang ang mga mangingisdang ito sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagbabawal ni Gov. na pumalaot sila.

Kailangan kong sumakay ng bangka para mas mabilis na marating ang lugar. Mayroon ding daanan kung saan pwede itong lakarin at gamitan ng sasakyan ngunit may kalayuan ito kung lalakarin ko dahil wala naman akong sasakyan at hindi kakasya ang maghapon para makabalik ako nang maliwanag. Tinungo ko ang bangka ni Mang Arturo na nakatali sa malaking bato na pinag-iwanan namin noong gabing natagpuan namin siya ni Christian. Nabanggit ko bang magaling akong mamangka? Bata pa lang kasi ako ay lagi na akong nakikisakay sa mga mangingisda rito at sa kanila ako natuto. Kaya alam ko rin ang daan na tinukoy nila noong tinanong ko ang kinarooronan ng pabrika. 30 minutes akong nagsagwan sa ilalim ng mainit na sikat ng araw. Mabuti pala ay naisipan kong magsuot ng long sleeves na puti.

Narating ko ang tagong isla ng Neri. Hindi ito tunay na isla ngunit tinawag itong isla dahil nahihiwalay na parte itong ng Buenavista na kinatatakutan naming marinig noon dahil sa mga usap-usapang may nakatirang mabagsik na higante rito. Pero nang lumaki ako ay nalaman kong hindi naman pala totoo ang tungkol sa alamat na iyon.

Itinali ko ang bangka sa isang tagong kweba rito. Pagsampa ko sa pampang, nilibot ko ang tingin ko sa paligid. Mistulang isa itong tagong kagubatan sa dami ng mga malalaking puno na narito. Wala akong mabakas na may pabrikang may tagong operasyon dito kaya naglakad pa ako papasok sa looban. Walang ibang maririnig dito kundi ang pag-agos ng tubig mula sa mga magkakalapit na ilog at ang kaluskos ng mga tuyong dahon na natatapakan ko.

STS #1: Dauntless [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon