KABANATA 28

10K 359 29
                                    

[Adara]

"Hindi niyo na kailangang mamili." Tumayo ako at nginitian ko silang lahat. "You don't need to involve yourselves with this."

Alam ko kung gaano nila kamahal ang trabaho nila at kung gaano nila pinaghirapan iyon. Ayokong maging makasarili. Hindi ko gugustuhin na sila ang magbayad para sa mga prinsipyo ko sa buhay. Kakayanin kong manindigan nang walang ibang taong madadamay.

Huminga ako ng malalim at tinignan ko silang lahat. "Salamat sa inyo." Ibinigay ko ang pinaka-sinserong ngiti na kaya kong ibigay. Hinawakan ko ang tainga ko at tinanggal iyong earpiece na narito. Inilapag ko ito sa lamesa sa tapat ko. Tinangka akong lapitan ni Christian, pero pinigilan siya ni Keira. Tumalikod ako at naglakad na paalis.

Nagpapasalamat ako na may nakilala akong mga tao katulad nila. Sa sandaling panahon na nakasama ko silang tatlo, halo-halong saya, takot, at excitement ang ibinahagi nila sa buhay ko. Mga mabubuting tao sila at alam kong may sariling prinsipyo silang ipinaglalaban. Kaya hindi ko maaatim na idamay sila sa galit sa 'kin ni Don Franco.

Naglakad-lakad ako hanggang sa hindi ko alam kung saan na 'ko nakarating. Tinanaw ko ang lugar na kinaroroonan ko. Napakalilim ng buong paligid. Ang tataas ng mga puno. Saan ba patungo ang daan na 'to? Napakalayo pa rin ng itsura nito sa buong Maynila.

Sobrang sama ng loob ko, sa totoo lang. Bakit gan'to ka-unfair ang buhay? Ang malakas ay patuloy na lumakas. Samantalang ang mahina ay patuloy na dinudurog hanggang sa hindi na makagalaw. Kung gano'n na lamang ang depinisyon ng isang makapangyarihang tao, kailanman ay hindi ko gugustuhing maging katulad nila. Paano sila nakatutulog sa gabi na alam nilang may mga taong nagdurusa dahil sa kanila? Marami namang paraan para magtagumpay sila sa tamang paraan, pero bakit pinipili nila iyong may matatapakan silang iba? Hindi ko talaga maintindihan.

Huminto ako sa isang malaking puno. Dahan-dahan ko itong hinaplos at sinampal-sampal. Gusto kong maging kasing-tibay ng punong ito balang araw. Gusto kong maging gan'to katatag. Na kahit daanan man ng kahit ano'ng malalakas na bagyo ay hindi matitinag. Mananatili akong nakatayo katulad ng punong ito. Magiging matibay ako para sa mga katulad ko ngayon na nangangailangan ng masasandalan.

Sumandal ako rito at naupo. Tiningnan ko ang cellphone kong nagriring. Si papa. Pagkabasa ko ng pangalan niya sa screen, mabilis na nagtubig ang mga mata ko. Mabilis kong pinunasan ang luhang lumandas sa pisngi ko saka sinagot ang tawag.

"Hello, anak! Nandito ako sa bayan kaya nakatawag ang papa. Kamusta ka na?" masiglang bungad ni papa. Napakasaya ng boses niya. Pinagdarasal ko lagi na sana siya nalulungkot sa buhay niya kahit malayo ko. Marinig ko lang ang boses niya palagi na gan'to kasaya ay masaya na 'ko.

"P-Pa," sambit ko.

"Anak, umiiyak ka ba?"

"P-Papa..." tawag ko ulit. Pakiramdam ko ay bumalik ako sa pagkabata na gusto kong magsumbong sa kanya dahil may nang-aaway sa 'kin. Kasi kapag ginagawa ko 'yon, natatakot 'yong mga kaaway ko. Nararamdaman ko 'yong kapayapaan sa puso ko kapag nasa tabi ko na ang papa ko. Panatag ako na kapag nandiyan siya may magtatanggol sa 'kin.

"Anak, nag-aalala ang papa sa 'yo. May problema ba?"

"A-Ang hirap palang tumanda, Papa," halos pabulong na sagot ko. Akala ko dati na kapag lumaki na 'ko, makukuha ko na lahat ng gusto ko dahil magtatapos ako ng pag-aaral at magtatrabaho. Mabibigay ko lahat ng matagal ko nang gustong ibigay kay papa. Magtatawanan kami sa tabi ng dalampasigan dahil inaalala namin iyong mga araw na hatid-sundo niya 'ko eskwela. Panonoorin ko siyang tumatawa nang walang humpay dahil sa pinanonood niyang palabas. Iyong puro saya lang. Walang problema. Pero hindi pala sa gano'n lang umiikot ang mundo kapag lumaki ka na. Napaka-kumplikado pala ng buhay.

STS #1: Dauntless [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon