KABANATA 30

11.3K 426 65
                                    

[Adara]

Dalawang oras.

Ito na yata ang pinakamasakit na dalawang oras ng buhay ko. Ang pinakamahabang dalawang oras ko patungo sa tapat ng bakal na pintuang kinatatayuan ko. Papasok sa malamig na silid na kinaroroonan ng pinakaimportanteng tao sa buhay ko. Sa madilim na silid na sasampal sa 'kin ng katotohanang wala na ang nag-iisang bagay na mayroon ako rito sa mundo—pamilya.

Dahan-dahan kong pinihit ang seradurang pinto. Kumakabog ang puso ko sa pagbuklat ko nito. Mabilis na sinalo ako ni Christian nang mawalan ng lakas ang mga tuhod ko pagkasilay ko sa nakataklob na kulay puting kumot. Daglit akong nabato sa kinatatayuan ko. Hindi ko magawang ihakbang ang mga paa ko palapit doon. Natatakot akong harapin ang tila bangungot na nangyaring ito sa buhay ko.

"Pull yourself together, Adara," matigas na tugon sa 'kin ni Christian.

Walang hinto sa pag-agos ang mga luha ko. Hindi ko maipaliwanag ang tindi ng kirot na nararamdaman ko sa dibdib ko. Sobrang nakamamatay ang sakit nito. Parang paulit-ulit akong pinapatay.

Ito ang unang pagkakataon na naramdaman kong napakahina ko. Na napakawalang kwenta kong tao—na sarili kong ama ay hindi ko nagawang protektahan.

Ipinalibot ni Christian ang braso niya sa balikat ko. Dahan-dahan kaming naglakad palapit doon sa kinaroroonan ni papa. Pagkalapit namin doon, hindi ko napigilan ang tangis na kanina ko pa pinipilit pigilan. Nanginginig ang mga kamay kong tinanggal ang kumot na tumatakip sa mga labi niya. Halos mapaluhod akong niyakap ang malamig na katawan ng ama kong wala nang buhay.

"Papa... P-Papa, gumising ka riyan..." sambit ko. Pakinggan mo naman ako, Pa.

Paulit-ulit ko siyang tinawag, ngunit hindi na ako kailanman masasagot ng masayahin kong papa. Hindi ko na masisilayan pa iyong mga ngiti niya. Hindi ko na muling maririnig pa iyong mga halakhak niya. Sobrang sakit ng loob ko sa nangyaring ito. My father doesn't deserve this kind of death.

Pinagmasdan ko ang namumutla na niyang balat habang hawak ko ang kanyang malamig na kamay. Hindi ako makapaniwala na ito na ang huling beses na mahahawakan ko ang papa ko. Nanghihina ang kalooban ko tuwing maiisip ko ang dahilan ng kanyang pagkamatay. Suicide? Never gagawin 'yon ni papa. Lagi niyang sinasabi sa 'kin kung gaano kasagrado ang buhay kaya't paano ko paniniwalaan na siya mismo ang bumawi ng buhay niya? Sobrang nakaiinsulto.

Tiningnan ko iyong leeg niya kung saan nakabakas ang tali ng lubid. Nanginginig ang mga kamay kong hinaplos ito. Hindi ko maimahe ang hirap na dinanas niya bago siya nawalan ng buhay. Sunod-sunod ang pagpatak ng mga luha ko sa mga labi niya. Lalong bumibigat ang loob ko sa pag-iisip ng bagay na 'yon. Ingat na ingat ako sa kanya kapag nagkakasakit siya tapos mamamatay lang siya sa gan'tong paraan?

Maingat kong pinalis iyong mga luha kong pumatak sa balat niya. Pinagmamasdan ko ang bawat parte ng mga labi niya nang may mahagip akong... tahi? Nakakunot noo akong tumingin kay Christian.

"C-Christian..." tawag ko. Agad siyang lumapit at ipinakita ko sa kanya iyong tahi. "H-Hindi pa naman nagagalaw ang b-bangkay ni Papa, 'di ba?" pagkumpirmang tanong ko.

Tumango siya. "I told them not to touch it without your consent," sagot niya at nagulat din sa nakita. May inilabas siyang patalim mula sa bulsa niya at sinira iyong suot na damit ni Papa. Napaawang ang bibig ko sa nakita namin. Puro tahi ang katawan nito na tila ba dumaan siya sa isang operasyon. Ano 'to?! Nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanya at sa mga tahi.

"B-Bakit may mga tahi siya? P-Paanong nangyari 'yan..." hindi makapaniwalang sambit ko.

Biglang pumasok sa isipan ko iyong mga nabasa kong murder cases na ibinalita ng PBN News. Nanlambot ang mga tuhod ko at naitungkod ko ang mga kamay ko sa bakal kinahihigaan ng mga labi ni papa. Iyong mga nakasusukang murder cases na hindi mawala-wala sa isipan ko. Imposible 'to.

STS #1: Dauntless [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon