KABANATA 40

11.8K 446 75
                                    

[Adara]

"Kamusta na ho kayo? Pasensya na at ngayon lang ako nakadalaw."

Pinakatitigan niya 'ko nang mabuti. Tila sinusuri niya nang maiigi ang aking itsura upang makilala. Napanatag ang loob ko nang makita ko ang maayos niyang kalagayan dito. Malusog at malinis ang kanyang pangangatawan. Kung sa bagay ay maayos din itong lugar. Mayroong parke na may mga puno kung saan maaari silang makapaglakad-lakad.

Ang sabi ng kanyang doktor ay wala naman daw kumplikasyon sa pag-iisip ni Mang Arturo. Kagustuhan na lang daw marahil nito ang pananahimik kaya hindi ito nagsasalita. Siguro ay sadyang napakalupit lang ng ipinaranas sa kanya ng mundo kaya mas pinili na lamang niyang manahimik dito. Mas okay na rin siguro ito kaysa sa makita ko siyang pinahihirapan niya ang kanyang sarili.

Nakaupo kami sa isa sa mga bench na nakapalibot dito sa parke. Madalas daw na dito siya nakatambay sabi n'ong kanyang nurse. Lagi raw siyang nakatanaw sa mga batang naglalaro sa playground na nasa harapan nito. Marahil name-miss niya nang husto si Atoy.

Tumingala ako at kumurap-kurap upang mawala ang mga luhang nagbabadyang lumabas sa mga mata ko. Nagulat ako nang yakapin ako ni Mang Arturo.

"Adara, anak..." marahang sambit niya. Nagulat ako. Hinaplos niya ang aking buhok habang yakap ako. Tuluyang bumagsak ang mga luha ko pagkarinig ko sa boses niya. "Ang tagal kitang hinintay, anak."

"Mang Arturo!" iyak ko sa pangalan niya at ginantihan ko ang kanyang yakap. Ang yakap ng isang amang nangungulila sa kanyang anak. Pakiramdam ko ay muli kong nahagkan ang aking papa sa mga oras na ito.

Nakangiti ngunit tumatangis niya akong hinarap.

"Patawarin mo 'ko, Adara... wala akong nagawa para iligtas ang papa mo," aniya na saglit nagpatigil sa pagpintig sa puso ko.

"A-Ano hong ibig niyong sabihin? M-May alam ho ba kayo sa nangyari kay Papa?"

Yumuko siya kasabay ng mga luha niyang nagbagsakan.

"Isang hating-gabi na hindi kami parehong makatulog. Gusto kong makipagkwentuhan sana sa kanya ngunit walang mga salitang gustong lumabas sa bibig ko. Subalit tila ba nabasa ng papa mo ang nasa isipan ko kaya't umupo kami sa sala at nagkwentuhan. Kahit siya lang ang nagsasalita ay panay pa rin ang kwento niya tungkol sa 'yo. Tungkol sa nalalapit mong pagtatapos sa kolehiyo. Sobrang saya niya habang nagsasalita. Kitang-kita ko sa mga mata at ngiti niya kung gaano ka niya ipinagmamalaki..."

"Hanggang sa may narinig kaming pagkatok sa gate. Nagkatitigan kaming dalawa dahil sino ba naman ang kakatok ng dis oras ng gabi. Tumayo siya para puntahan ito. Sumunod ako sa kanya para samahan siya. Narinig namin ang sumagot na tinig. Si Don Franco Almendras. Sinabihan ako ng papa mo na pumasok muna ako sa kanyang kwarto. Kinutuban siguro ito na baka ako ang hanap ng gobernador. Sa takot ko ring makita ito, sumunod ako at pumasok sa kwarto..."

"Narinig ko ang pagpasok nila sa loob ng bahay. Pinakinggan ko iyong pakay ni Don Franco kay Oliverio. Nais nitong kumbinsihin ka niyang mag-aral abroad at manahimik sa mga nalalaman mo. Wala raw sa lugar iyong mga prinsipyong itinanim ng papa mo sa utak mo. Sumilip ako sa nakaawang na pinto. Nakasuot siya ng kasuotan ng isang manggagamot. Sinabi ng gobernador ang mga pakikialam na ginawa mo at kung gaano ito nakaapekto sa negosyo nito. Ngunit imbes na marinig kong humingi ng tawad ang papa mo para sa 'yo, narinig ko ang kanyang pagtawa sabay sabing Salamat sa Diyos at napalaki ko nang tama ang aking anak..."

"Ipinagtanggol ng papa mo ang prinsipyong ipinaglalaban mo, Adara. Harap-harapan niyang sinabi kay Don Franco na naniniwala siyang nasa tama ang kanyang anak. At kainlanman ay hindi ka niya hihikayating huminto sa pagtataguyod sa tama. Dahil doon, kitang-kita ko ang galit ni Don Franco. Nasaksihan ko mismo kung papaanong inilabas niya ang isang patalim mula sa kanyang bulsa at isinaksak sa papa mo. Nakita ako ni Oliverio na nakasilip. Umiiling siyang tumingin sa akin na huwag ako lalabas habang unti-unti siyang nawawalan ng buhay. Wala akong nagawa. Natakot ako, anak. Patawarin mo ako at natakot ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nagtago ako sa pinakasulok ng kwarto at tinakpan ko ang mga tainga ko sa mga tunog na nagmumula sa labas. Sinubukan kong muling tingnan ang nangyayari. Pagsilip ko sa labas ay tila nasa isang operasyon sa ospital si Don Franco. Puno ng dugo... mga nagkalat na lamang loob... Nanginig ako sa takot. Nagkandarapa akong gumapang patago. Hindi ako makasigaw. Mabaliw-baliw ako sa nasaksihan kong iyon..."

STS #1: Dauntless [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon