PROLOGUE

1.3K 57 9
                                    


     Matapos ang halos isang oras na biyahe pauwi, nakababa na rin ako sa jeep na sinakyan. Idineliver ko lang ang portrait commission ng client ko sa meet-up namin kanina. May kalayuan din pala. Kung alam ko lang na usad-pagong ang traffic e, 'di sana nagpasundo na lang ako kay Cholo sa motor niya at hindi na nakipagsiksikan sa mala-Train to Busan na pila. Hindi na sana ako aabutin nang alas-siyete ng gabi, makarating lang sa kanto. 

     Sumugod ako sa ulan at humanap ng pinakamalapit na masisilungan. Malakas pa rin pala pati ihip ng hangin. Mukhang may paparating din na bagyo. Hindi man lang ako nakapagdala ng payong. Ending, basang-basa ang likod ng damit ko. Pucha naman.

     Ramdam ko ang pagbigat ng talukap ng mga mata ko dahil sa pagod. Gusto ko nang mahiga at magpahinga sa malambot na kama pero malayo pa ang lalakarin ko papunta sa bahay. Hindi naman ako makaalis agad kasi baka lagnatin pa ako sa malakas na buhos ng ulan. May job interview pa kami bukas at hindi ako puwedeng magkasakit.

     Susubukan ko sanang kontakin si Cholo kaso naalala kong kanina pa deadbat ang battery ng cellphone ko. Wala kasi akong choice kundi maglaro ng Plants vs. Zombies 2 habang naghihintay kanina sa makupad na kliyente pampatanggal umay.

     Para akong sinabuyan ng isang timbang malamig na tubig sa katawan nang sandaling dumaan ang malaking truck sa harapan ko. Malakas ang talsik ng tubig-ulan pamula sa sementadong daan dahilan para magmukha na akong basang sisiw. Nabasa na rin ang damit ko ampucha!

     Bukod kasi sa nalimutan kong magdala ng payong, naiwala ko rin ang panyo ko sa terminal ng jeep kanina. Napahilamos ako nang wala sa oras dahil wala na akong puwedeng ipamunas. Basang-basa na rin kasi ang buong kasuotan ko. Muntik ko pang malasahan ang pait ng lupa sa mukha. Mabuti na lang at hindi maputik ang tumalsik.

     Umalis na rin ako ng waiting shed nang mapansin kong medyo tumila na ang ulan. Nagsimula nang maglakad kahit mukha na akong basang basahan. Wala na ring pakialam kung muling bumagsak ang ulan dahil kanina pa rin naman ako pinaulanan ng tubig sa daan. Sana lang talaga, hindi ako lagnatin nito!

     Marahas kong sinisipa ang lata ng soda sa paanan ko. Dito ko na lang siguro ibubuhos ang sama ng loob ko sa mundo. Ngunit malupit talaga sa 'kin ang tadhana dahil nang masipa ko ulit ito nang isa pang beses, tumaob naman ako patalikod dahil may naapakan akong kung anong madulas sa kabilang paa ko.

     Unang bumagsak ang puwitan ko sa lupa at napatukod ang dalawang siko sa semento. Muntik pang mapamura nang malakas dahil tumilapon pa kung saan ang cellphone ko. Kung sinusuwerte nga naman!

     Pinilit kong tumayo at madaling kinuha ang cellphone sa damuhan. Ipinanalangin ko na lang na hindi masira dahil wala na akong pera pamalit. Secondhand lang kasi 'to. Pinaglumaan lang ni Cholo. Hindi naman ako maarte sa gamit kaya kung nagana pa naman, ginagamit ko pa rin.

     Masakit ang paang nakarating ako sa gate ng bahay. Muntikan ko pang hindi mamukhaan ang sarili nang makita ko ang repleksyon ko sa naipong tubig sa daan na naliliwanagan ng ilaw galing poste. Ngayon, sigurado na ako, mukha na akong basahan.

     Mabilis akong nakapasok sa loob dahil hindi naman naka-lock ang pintuan. Tinanggal ang sapatos at basang medyas. Halos liparin ko na ang papuntang banyo para muling maligo. Nang matapos, binalikan ko ang dinaanan ko kanina at pinunasan ng basahan kasi basang-basa na rin ang sahig. Lagot na naman ako kay Naynay kung nagkataon.

     Matapos magbihis sa kuwarto, agad kong isinalampak ang sarili sa kama at pumikit. Sinubukan kong matulog kaso ayaw namang makisama ng mga mata ko. Siguro dahil na rin sa malamig na tubig ng banyo, nawala ang antok sa aking katawan.

     Inis akong umupo sa kama at napasapo sa mukha. Napakamot sa batok at ginulo ang mamasa-masa pang buhok. Hindi ko pala natuyo nang maayos. Buti na lang at napansin ko dahil kung hindi, paniguradong parang binibiyak na bato na naman ang ulo ko kinabukasan.

     Matapos muling magtuyo ng buhok, napansin ko ang sticky note at ballpen sa study table ko. Paniguradong hindi ako ang naglagay nito rito kasi hindi naman ako nagsusulat ng kung ano-ano. Hindi na rin naman ako nag-aaral kaya bigla akong napaisip.

     Dala ng kuryosidad, nilapitan ko ito at pinagmasdan. Wala namang nakasulat. Baka naiwala ko lang kahapon no'ng naglaro kami nina Alcy at inilagay rito ni Naynay. Balak ko na sanang ibalik sa lalagyan nang maalala ko ang sinabi ng friend ko noong college.

     "Naniniwala ka ba sa destiny?"

****

Where's Your Clove, Mr. Garlic?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon