GARLIC #11

95 21 7
                                    


     "Kailan pa pala kayo nagkakilala?" tanong ni Renz bago sumubo ng pagkain.

     Siya si Renz. Kasama namin na magiging empleyado rito. Pinapunta kasi kami kanina ni Manager sa office niya. Pagkatapos, naabutan namin 'tong lalaking 'tong nandoon. Lima kaming applicants. May kasama kaming dalawang babae kanina.

     As much as I remember, Analyn Moyarn at Ma. Catherine Pusiko yung name nila. Apat lang daw ang makukuha. Naka-reserve na yung isa para kay Shine. Auntie pala kasi ni Shine si Manager kaya alam mo na, iba na ang may kapit.

     Kaming tatlong lalaki ang natanggap. Pagkatapos, inabot na niya sa 'min yung magiging uniform namin. Good thing ay wala nang bayad. Di ko rin kasi alam kung kakasya pa 'tong natitirang payb handred na pocket money ko. Sinabi ko naman na huling beses na akong hihingi ng pera galing sa parents ko kaya kailangan ko na 'tong pagkasayahin. Ang mga gastuhing pambahay naman, kay Naynay niya idinederetso. Ilang beses ko na rin siyang sinabihang 'wag nang magpadala ng pera para iwas gulo pero makulit din. Minsan nga, nahuhuli ko pang kausap ni Naynay yung mom ko.

     Btw, so ayun na nga. Nang maibigay na yung uniform sa 'min, nagpaalam na si Manager na aalis na raw siya. Bukas daw ang simula ng work namin. Alas-siyete magbubukas ang convenience store at magsasara nang alas-syete ng gabi. 7 to 7, gano'n. Break time ng 12 tapos bukas na ulit. Lahat 'yan, ipinaliwanag sa 'min ni manager kanina.

     Kasalukuyan kaming nasa isang resto malapit sa convenience store. Nagutom kami kasi tanghali na nang matapos. Hindi na rin naging ganoon ka awkward ang atmosphere kasi nandito naman si Renz. 'Nga pala, hindi ko pa nasasagot yung tanong niya.

     "K-Kanina lang din umaga," tipid na sagot ko bago sumubo. Medyo nabulunan pa ako kaya tinapik ako sa likod ni Danger.

     "Ayan kasi. 'Wag mo kasing isubo nang buo, HAHAHAHA!" pabirong sambit ni Renz at inabutan ako ng tubig. Agad ko naman 'yong ininom.

     Nakakahiya. Ang lakas tumawa ni Renz.

     "Thanks," sambit ko at inilapag na muli sa lamesa ang baso.

     Nasa round table pala kami. Tig-iisa ng upuan. Nasa left side ko si Renz tapos si Danger naman sa right side. Hindi naman gano'n kamahal dito pero masasarap naman yung pagkain.

     "Hindi naman siguro kayo nahihiya sa 'kin, ano? Awkward ba? HAHAHA!" sambit ni Renz na tinitingnan pa kaming dalawa. "Wala naman siguro kayong attitude problem, right?" tanong nito na tinanguan ko lang.

     "Wala naman. Muntik pa nga akong mawalan ng trabaho," sambit naman ni Danger kaya sa kanya napunta ang atensiyon ko.

     "Bakit naman?" interesadong tanong ni Renz na umayos pa ng upo.

     Sumubo naman ng barbeque si Danger. Pinanood lang namin siyang gawin 'yon. Inubos niya muna 'yon sa bibig niya bago magsalita. "Dapat talaga hindi ako sa convenience store. Actually, dapat nasa Starlight talaga. Kaso may nagawa na naman yata akong 'some sort of things' kaya hindi natanggap."

     "Some sort of things?" hindi ko naiwasang itanong. Hindi naman sa nakiki-usyoso ako at hayok na hayok malaman, pero parang gano'n na nga.

     "Baka naman may ginawa kang kalokohan sa Starlight?" tanong ni Renz matapos uminom ng juice.

     "A little? Nakainom 'ata ako. Haha. It's a long story, but yeah. Nasa blocklist na yata ako kaya hindi na ako puwedeng tumapak sa lugar na 'yon, hahaha!" paliwanag niya. Na-curious naman ako bigla sa ginawa niya. Nahihiya pa akong magtanong kasi hindi pa naman kami gano'n ka-close.

     "Bakit naman?" tanong ni Renz. Life saver.

     "That day, nag-apply ako sa kanila. Natanggap naman ako. Additional interview na lang bukas, pero sa sobrang saya ko, napainom ako sa isang convenience store malapit do'n. Uh . . . nawalan na ako ng alaala mula nang gabing 'yon. Nagising na lang akong nasa kuwarto na ako." Uminom siya ng tubig. "Tinanong ko naman yung kapatid ko kung ano'ng nangyari. Bakit ako nakapunta doon. Hindi siya sumagot, but . . . may ipinakita siya sa aking video. CCTV footage. Nakakahiya yung ginawa ko. Nakita ko yung sarili kong nagmamaktol sa entrance. There was someone na nakakita raw sa 'kin na kamag-anak ko, so inihatid na ako sa 'min," mahabang paliwanag nito.

     Hindi ko naiwasang matawa. Napatawa naman ako pero mahina lang. Baka sabihing pinagtatawanan ko talaga ang kahihiyaan niya, e. Ako nga 'tong maraming kahihiyan sa mundo. HAHAHA.

     Nag-tuloy-tuloy pa ang pag-uusap namin. Kakaunti na rin naman kasi yung pagkain namin habang nag-uusap. Matapos kumain, nagkanya-kanya na kami ng daan. Sa terminal na ako dumeretso. Puwede rin naman sa bus stop pero madalang ang mga bus kapag ganitong araw. Mainit siyempre. Dinukot ko sa bulsa ko yung panyong ibinigay sa 'kin ni Danger. Ang bango-bango ng Beul Beul brand. O baka naman nilagyan niya lang ng pabango yung panyo niya? Pucha naman. Dinedemonyo na naman ako ng utak ko. Pucha, anghel po ako, ha?

     Ilang minuto na ang lumilipas at ilang minuto na ring walang tigil sa paglabas ng mga pawis ko sa noo. Pati rin sa ilong. Medyo namamawis rin pala ang ilong ko.

     Hindi na ako nakatiis sa init. Wala na rin namang dumadaan na taxi kaya nag-jeep na lang ako. Sa may bandang gitna ako umupo. Medyo maluwag pa kaya naghintay pa nang ilang minuto. Nang mapuno na, akala ko, aalis na, pero naririnig ko pa yung lalaki sa labas na naghahakot pa ng pasahero.

     "Tatlo pa sa kanan tapos dalawa sa kaliwa. Makikiusog na lang po tayo. Kasya 'yan, umayos lang kayo ng upo. Yung mga bata, sa gitna n'yo paupuin."

     Mukha na kami ritong sardinas tapos kailangang punong-puno?! Pucha naman, o.

     Nang mapuno 'yon, hindi maiiwasang makaamoy ng fireworks. Oo, may pumuputok kung saan. Habang nasa biyahe, naamoy ko pa rin 'yon. May isang bata sa gitna na ansama kung makatingin sa 'kin na akala mo, alam lahat niya ang kasalanan ko sa mundo.

     Si Ate sa gilid, nakatulog, yung ulo niya nasa balikat ko. Humaharok pa nga. Si Kuya naman sa kanan ko, nakataas pa yung mala-gubat niyang kilikili. Uso naman kasing mag-deodorant, bakit hindi maglagay? May mag-jowa rin sa magkabilang upuan. Hindi sila parehas ng upuan pero magkahawak ang mga kamay nila. Parang timang. Anlalande.

     Nagtuloy-tuloy pa ang biyahe hanggang sa makarating ako sa terminal namin. Naglakad na lang ako pauwi. Dapat sana ikukuwento ko pa kung paano ako hinabol ng aso pabalik kaso 'wag na. Tinatamad na akong magsulat.

****

Where's Your Clove, Mr. Garlic?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon