GARLIC #14

74 19 1
                                    


     "Bakit hindi kayo masyadong nagpapansinan ni Danger?" tanong ni Renz kaya napunta ang tingin ko kay Danger. Muling nagtama ang paningin. Ako na ang umiwas at ibinaling muli kay Renz.

     "H-Ha? Siyempre, kahapon lang naman kami nagkakilala. Kailangan pa naming—nating mag-get to know each other," sagot ko naman at uminom ng tubig. Muntik pa akong mabulunan nang dere-deretso ko 'yong tinungga.

     "Weh? Baka may something sa inyong dalawa, ha? Mag-ex kayo, 'no?"

     "Hoy, gago, hindi! 'Pinagsasabi mo d'yan?" mabilis na sagot ko.

     Denial is the river in Egypt.

     "Sabi ko nga, HAHAHA! Tara, bilisan na natin. Magbubukas na ulit tayo pala mamaya," saad pa niya kaya mabilis kong inubos yung pagkain ko.

     Ang tahimik naman ni Dinjer . . .

     Pagkatapos, itinapon ko na ang pinagkainan ko sa trash can at inayos ang sarili sa malaking salamin sa banyo. Dala ko pala yung Beul Beul—yung panyo ni Danger. Ang sabi niya, akin na lang daw, so dapat Beul Beul ko na 'to? I mean, panyo ko na 'to?

     Nang matapos ako, lumabas na ako at bumalik sa puwesto. Nakita ko naman si Renz na ibinaligtad na yung signage sa labas. Nakaka-stress sa totoo lang. Unang araw pa lang pero ang dami na. What if kung tumagal pa? Bakit kasi ngayon pa nagkasakit si Shine?

     Ang sakit ng braso ko, lintik na!

     Mabilis na lumipas ang oras at nagdapithapon na. Kaunti na lang ang bumibili. Suwerte na kung makalimang customers sa ganitong oras. Hanggang sa sumapit na ang gabi. 6:50 pa lang, pero nag-aayos na ng shelves sina Renz at Danger. Tutal wala namang bumibili, tumulong na ako sa kanila. Since wala akong dalang ruler, inaayos ko na lang yung mga wala sa puwesto.

     Nang matapos, kinuha na ang mga gamit namin at lumabas na. Si Danger ang tagasara since sa kanya ipinaiwan yung susi. Weekly kami kung susuwelduhan kaya pagkakasyahin ko 'tong natitira kong pera.

     "Saang terminal kayo sasakay?" tanong ni Renz kaya sa kanya napabaling ang atensiyon ko matapos isukbit sa likod ang backpack.

     "Doon na lang siguro sa coffee shop. May nadaan naman doong mga sasakyan," sagot ko at ibinulsa na rin ang phone.

     "Sa bus stop ako. May kalayuan yung bahay namin dito. Saka mas makakamura ako sa bus," sambit ni Danger at nagsimula na kaming tatlong maglakad.

     Na-miss ko bigla sina Cholo at Alcy . . .

     Madilim na ang daan. Mga ilaw na lang sa poste ang mga nakabukas. Sarado na ang mga tindahan, e. Habang naglalakad, napapag-usapan naming tatlo ang mga nangyari ngayong araw.

     Siyempre, boses ni Renz ang nangingibabaw. Hanggang sa makarating kami sa bus stop kung saan nagpaiwan si Danger. Nagpaalam na naman kami sa kanya. Humiwalay na rin ng daan si Renz nang makarating kami sa coffee shop. Hindi nagtagal nang makasakay ako. Sa tricycle na lang. Kanina pa kasi ako naghihintay ng jeep pero wala namang nadaan. Mas makakamura kasi ako sa jeep. E, nagtitipid nga ako.

     "Ahahaha, opo," pagsang-ayon ko sa sinasabi ni Manong ket wala naman akong maintindihan sa pinagsasabi niya.

     Ako lang kasi ang sakay niya. Ang bilis pa niya magpatakbo at nagseselpon ako kaya hindi ko maintindihan ang sinasabi niya habang nasa biyahe. Nagkukuwento 'ata ng talambuhay niya.

     Nang makarating sa terminal, naglakad na ako papunta sa 'min. Ang bigat ng pakiramdam ko bigla. Feeling ko na naman, may sumusunod sa 'kin. This time, lumingon na ako sa paligid. Maliban sa bopis na tinitinda ni Aling Shaira, wala na akong napansin pa.

     Nagtuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa makita ko sina Alcy at Cholo na nag-uusap sa tapat ng bahay ni Cholo. Balak ko sana silang gulatin kaya nagtago ako sa punong malapit. Pamula rito, rinig ko na yung sinasabi nila.

     "Paano mo sasabihin kay Garlic?" saad ni Cholo.

     "Ha? No. Hindi niya puwedeng malaman. Walang magsasabi," sagot naman ni Alcy na ikinakunot ng noo ko.

     Seryoso pala ang pinag-uusapan nila. Pero hindi ko rin alam kung anong bawal kong malaman kaya hindi ako umalis sa kinatatayuan ko. Nakatago lang ako sa likod ng puno kasi ayokong mahalata.

     "Alcy, alam kong mahirap sabihin, pero si Garlic yung pinag-uusapan natin dito, o? Ano? Hahayaan na lang nating mangyari sa kanya 'yon? Para ka namang gago, e."

     "Cholo, listen. Mahirap din sa 'kin 'to pero, please, don't tell him about this, okay?" sagot naman ni Alcy.

     Hindi ko na nagawang makinig pa. Umalis agad ako sa likod ng puno papunta sa bahay namin. Malalaki ang bawat hakbang. Wala na akong pakialam kung narinig pa nila 'yon. Di nagtagal, nakauwi na rin ako. Wala na ulit akong gana mabuhay.

     Mabilis din kasi akong nakatulog pagkatapos naming kumain ni Naynay. Hindi ko alam. Dala na rin siguro ng pagod. Ang dami kong iniisip ngayon. Sana di na ako magising.

***

     Kinabuksan, pagdating sa coffee shop, hinintay ko munang makaparada nang maayos yung jeep bago bumaba. Napangiwi naman ako nang biglang humarurot yung jeep pagkababa ko. Ending, ang baho ng usok na kakapit pa yata sa damit ko. Nagsimula na rin akong maglakad papunta sa convenience store. Panigurado namang nauna na sila ro'n.

     Nasa labas pa lang ako pero dinig ko na ang malakas na pagtawa ni Renz. Nakikita ko rin siyang nag-aayos sa loob. Pagpasok na pagpasok ko, bigla na lang silang tumahimik na parang may dumaang anghel. Well, ang angel naman talaga ako.

     Dumaan na pala ang mga araw na hindi ko namamalayan. Hindi kasi ako masyadong tumitingin sa kalendaryo. Parang kailan lang, ninanais ko pang sa malalaking kompanya makapagtrabaho. Kaso wala.

     Sinalubong naman ako ni Danger na maganda yata ang gising ngayon.

     "Good morning!" masiglang bati nito bago iabot sa akin yung ilan pang uniform na gagamitin ko sa buong linggo. Day off ng Linggo kaya makakapaglaba. Binigyan pa niya ako ng lima.

     Napansin ko na parang may kakaiba kay Danger ngayon. May sinisipat siya sa mukha ko. Tinatagilid yung mukha na parang may panis na laway o dumi ako sa mata. Sigurado naman akong wala kaya di na ako nag-abalang punasan. Baka maging uto-uto naman ako.

     Tinitigan ko lang siya habang nakangiti siya sa 'kin. Ang weird. Mukha siyang tanga sa ginagawa. Ano naman kayang natira nito?

     "May dumi ka sa ilong," sambit nito kaya agad kong pinunasan ang ilong ko.

     "Saan? Dito ba?"

     "Hindi d'yan, ako nga." Tapos kinuha niya yung panyo sa kamay ko. Inilapit niya naman 'yon sa mukha ko at nabigla pa ako nang ipinitik niya yung daliri niya sa noo ko.

     "HAHAHAHA! Si Renz ang may pasimuno niyan," natatawa pang sabi niya at lumayo pamula sa akin.

     Tuluyan ko nang nasampal ang noo ko. Buwisit kasi talaga! Dinig ko rin ang pagtawa ni Renz kung saan. Muntik ko nang makalimutan na kilala ko ang mga 'to. May araw rin kayo sa 'kin.

****

Where's Your Clove, Mr. Garlic?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon