Tres

3.3K 140 29
                                    

#EEDNH3

Pagkarating ko sa mansyon, dumaan ako sa may kusina at natulala ang mga katulong ng makita nila ang hitsura ko.

"Mahabaging diyos anong nangyari sa iyo Binibining Isabella?" Gulat na gulat na tanong sa akin ni Elena habang hawak ang mahabang sandok.

Bukod sa para akong basang sisiw ay sobrang gulo pa ng aking buhok, pulang-pula rin ang mukha ko dahil hindi pa ako nakakabawi sa kahihiyang naranasan ko mula sa estrangherong lalaki kanina sa may talon.

Dumating din si Eleanor para tingnan kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga katulong at maging siya ay laglag ang panga ng makita ako. "Ate Isabella! Elena tulungan mo ako."

Agad nila akong hinila papunta sa aking silid at dali-daling hinanda ni Elena ang pampaligo ko. Tahimik lang silang dalawa habang pinapakiramdaman ang bawat kilos ko pero tahimik pa rin ako at tulala.

Matapos kong maligo, agad akong humiga at nagtaklob ng unan sa ulo at nagsisisigaw.

"Aaaaaaaaaaahhhhhhhhhhh!!!" Para akong musmos na batang inagawan ng laruan .

"Ate ano bang nangyari ha? Saan ka nagtungo? Bakit basang-basa ka? Kanina ka pa namin hinahanap, mabuti na lang at hindi pa nakakauwi sila ama kung hindi nakasisiguro akong malalagot ka," sunod-sunod na tanong ni Eleanor sa akin. Mababakas sa boses niya ang pag-aalala.

Nakaupo siya ngayon sa bandang dulo ng aking kama habang si Elena naman ay nakatayo sa may gilid ng pintuan.

Umupo ako at ginulo ang aking buhok. Paulit-ulit pa ring naglalaro sa aking isipan ang estrangherong lalaki na nakakita sa kabuuan ko. "Nagtungo ako sa talon para maligo."

Bigla siyang tumayo at nakapamaywang na humarap sa akin. "Ano?! Nagtungo ka roon ng mag-isa at hindi man lang nagpapaalam? Ate naman paano kung may masamang nangyari sa'yo ha?!" Naiinis niyang sambit.

Sa pagkakataong ito parang siya pa ang mas matanda sa aming dalawa habang pinapangaralan ako.

"Kung naligo ka lang bakit ka nagkakaganyan. May nangyari bang hindi namin nalalaman?" Dagdag niya pa, tumango lang ako bilang tugon.

"May estrangherong lalaking nakakita sa aking habang nagpapalutang-lutang sa may talon. Hindi ko namalayan na tinititigan niya ako," paliwanag ko at saka isinubsob ang mukha ko sa pagitan ng aking mga tuhod para ikubli ang mukha kong namumula na naman sa kahihiyan.

"ANO?!" Gulat na gulat na sigaw ni Eleanor maging si Elena ay ganoon din ang naging reaksyon. "Malalagot ka talaga kay ama Ate Isabella!" Pagbabanta niya.

"Kung maari lang sana ay wag na itong makarating pa kay ama at ina. Ako na ang bahalang humanap sa lapastangang lalaki," napailing-iling na lang si Eleanor sa sinabi ko.

"Siguraduhin mo lang ate sapagkat hindi natin maaring ipagsawalang bahala ang kapangahasan ng lalaking 'yon. Magpahinga ka muna at akin pang kakausapin ang mga katulong na huwag na itong ipaalam kina ama at ina," sambit niya at tuluyan na silang lumabas ni Elena habang tulala akong naiwang mag-isa sa aking silid.

Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Saan ko kaya mahahanap ang lalaking yon? Natatakot akong malaman ng mga magulang ko ang nangyari dahil sigurado akong hindi sila matutuwa. Isang malaking kahihiyan kapag kumalat ang balitang ang isa sa mga anak na babae ng gobernador ng San Isidro ay nakitang halos hubo't hubad sa talon.

"Arrrggghhhhh!"

Isabella ano ba itong pinasok mo? Nakakahiya ka!

Muli akong humiga at nagtalukbong ng makapal na kumot. Gusto ko ng lamunin ng lupa.


El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon