#EEDNH22
Hindi ko akalain na darating ang panahon na labis akong malulunod dahil sa matinding kaligayahan sa kaalamang nakakulong ako ngayon sa bisig ng lalaking aking iniibig.
Kanina pa tumila ang ulan, ngunit heto pa rin kami ni Rafael, nakahiga sa malaki at malamig na bato. Hindi alintana ang mga basa naming kasuotan. Ang init na nagmumula sa kanyang yakap ang nagsilbi kong panangga sa lamig.
Ang kanang braso niya ang nagsisilbi kong unan habang ang aking ulo'y nakasandal sa kanyang matipunong dibdib. Kanina pa ako nawiwiling pakinggan ang malakas at mabilis na pagpintig ng kanyang puso.
Hindi ko maiwasang mapangiti. Magkasabay ang bawat pagpintig ng aming puso. Naramdaman ko ang pagkagalaw ni Rafael at mas lalong humigpit ang pagkakayakap niya sa akin. Katulad ng kaniyang ginawa, niyakap ko rin siya nang mahigpit. Hinaplos niya ang mahaba kong buhok bago ko naramdaman hinalikan niya ito.
Kung maari lang hilingan na panghabang-buhay na huminto ang pagtakbo ng oras, nang sa ganoon ay manatili ako sa mainit na yakap ni Rafael, ay aking gagawin. Hindi ko na nais pang mawalay sa kanyang tabi.
Kahit ngayon lang, nais kong pagbigyan ang aking sarili. Nais kong maging makasarili at unahin naman ang aking kaligayahan. Hindi ko muna gustong isipin kung ano ang maaring mangyari mamaya, bukas at sa mga susunod pang araw. Ang mahalaga, sa mga oras na ito, kasama ko ang lalaking mahal ko.
"Ano ang iyong iniisip mahal ko?" tanong sa akin ni Rafael. Nagulat ako, hindi sa kanyang tanong kung 'di dahil sa kanyang itinawag sa akin. Hindi maawat ang mabilis na pagtibok ng aking puso, ramdam ko rin ang pag-iinit ng magkabila kong pisngi.
'Mahal ko...'
'Mahal ko...'
'Mahal ko...'
Paulit-ulit na namutawi sa aking isipan ang kanyang sinabi. Nag-angat ako nang tingin at tulalang napatitig sa kanyang maamong mukha na ngayon ay nakangiti.
"Tila kay lalim ng iyong iniisip. Maari ko bang malaman mahal ko?" muli niyang saad dahilan para mas lalong lumakas ang pagdagundong ng aking puso.
Dahan-dahan akong napalunok, hindi ko pa rin nagawang tumugon sa kanyang tanong sapagkat ang puso ko'y patuloy na sumasabog sa labis na tuwa dahil sa dalawang salitang muli niyang binitiwan.
Inalis niya ang ilang hibla ng buhok na tumatakip sa aking mukha, "Ikaw ba'y nag-aalala? Huwag kang mangamba Sabel, sapagkat gagawin ko ang lahat upang pahintulutan tayo ng ating mga magulang na maikasal. Ako na rin ang bahalang kumausap kay Kristina at sa kanyang mga magulang. Kung kaya't ipanatag mo ang iyong kalooban sapagkat hindi kita na kita bibitawan," wika niya sabay halik sa aking noo. Naistatwa ako na parang tuod dahil sa kanyang ginawa.
Kung alam mo lang Rafael ang dahilan kung bakit hindi ko mahanap ang aking boses at tumugon kaagad sa iyong mga katanungan. Ang mga ginagawa mo sa akin ay sapat na upang tuluyan akong mawala sa aking sariling katinuan.
Buong buhay ko hindi ko naranasan ang ganitong klase ng kasiyahan. Ang puso ko'y nag-uumapaw sa saya't kilig. Ngayon lang ako sumaya ng ganito. Kung kaya't nais kong sulitin ang bawat segundong kasama si Rafael.
Huminga ako nang malalim saka ngumiti. Iniangat ko ang aking kanang kamay upang haplusin ang mukha niya. Nang dumapo ang aking kamay sa kanyang pisingi, nakita kong siya naman ngayon ang natigilan. Nais kong matawa sa naging reaksyon niya ngunit pilit ko pinakalma ang aking sarili at kinagat ang pang-ibaba kong labi.
"Huwag kang mag-aalala, kasama mo akong lalaban. Sabay natin silang haharapin," nakangiti kong saad. Nakita kong sumilay ang ngiti sa mga labi ni Rafael, hinawakan niya ang kamay kong nakahawak sa kanyang pisngi.
BINABASA MO ANG
El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)
Fiksi SejarahAn accident that will bring her back to her past life. Credits to Bb Mariya for the cover ✨ Started: May 12, 2020 Ended: November 28, 2020 Highest Rank: #1- 1861 #1- Classic #1- Hisfic #1- Philippine History #1- Spanish Era #1- 19th Century #1- Rafa...