#EEDNH19
“Hindi ko alam kong dapat ko bang ipagpasalamat na nabihag tayong dalawa sapagkat kasama kita ngayon at hawak ko ang iyong kamay o dapat ba akong mangamba dahil anumang oras hindi ko masisiguro ang iyong kaligtasan mula sa kanila,” malungkot nito saad.
Natigilan ako sa sinabi ni Rafael at napakagat sa pang-ibaba kong labi. Magkahawak pa rin ang aming kamay at hindi ko man lang siya magawang lingunin. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya ito.
Maging ako’y nangangamba rin para sa kaligtasan naming dalawa. Mas matatanggap ko pa kung ako nalang ang mamamatay rito. Hindi ko kakayanin kung maging siya ay madadamay pa sa galit ng mga bandidong dumukot sa amin sa kagustuhang makapaghiganti sa aking ama.
“Naniniwala akong gagawin ni ama ang lahat upang mailigtas tayo,” sambit ko para pagaanin at palakasin ang kanyang loob. Narinig ko ang kanyang malalim na buntong hininga.
“Kung kaya’t habang wala pa sila, gagawin ko ang lahat upang masiguro ang iyong kaligtasan… kahit pa kapalit nito ay ang sarili kong buhay. Dadaan muna sila sa akin bago nila magalaw kahit hibla lang ng iyong buhok,” aniya dahilan upang maramdaman ko ang mabilis na pagpintig ng aking puso.
Nag-angat ako nang tingin at pinagmasdan ang bilog na buwan na siyang nagbibigay liwanag sa madilim na kagubatan, maging ang libo-libong nangniningning na bituin sa kalangitan. Namayani rin rin ang tunog ng mga kulisap at kuliglig sa buong paligid.
Nilingon ko si Rafael at marahang pinisil ang kanyang kamay bago magsalita, “Hindi ko rin hahayaan na may mangyaring masama sa iyo. Sisiguraduhin kong makakaligtas tayong dalawa rito,” sambit ko kasabay nang paglingon niya sa akin upang salubungin ang aking mga titig ng may tipid na ngiti sa labi.
Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa iyo. Kung handa mong itaya ang sarili mong buhay upang protektahan ako kaya ko rin itong gawin para masiguro ang iyong kaligtasan.
Agad akong nagmulat ng mata nang maramdaman ko ang malamig na bagay na ibinuhos sa akin. Katulad ko’y nagising din si Rafael. Hindi ko namalayan na nakatulog pala kaming dalawa at nagising akong nakasandal sa kanyang balikat. Kung paano at kailan kami nakatulog hindi ko alam ang sagot.
Mabilis kong inalis ang aking ulo sa kanyang balikat at inayos ang aking pagkakaupo. Nang mag-angat ako nang tingin nakita kong nakatayo sa aming harapan ang pinuno ng mga bandido kasama ang isa sa mga kasamahan nito habang may hawak na galon na siyang ginamit upang basain kami ng tubig.
“Magandang umaga,” saad ng pinuno habang nakangisi. Ang dalawa nitong kamay ay nasa kanyang likuran. Hanggang ngayon ay nakatakip pa rin ang kanilang mga mukha.
“Handa na ba kayo?” tanong niya sa amin. Ang mala-demonyo nitong ngiti ay hindi pa rin naalis sa kanyang mukha.
Nagkatinginan kaming dalawa ni Rafael at napalunok ako dahil sa kabang nagsisimula na namang bumalot sa aking puso.
“A-anong gagawin mo sa amin?” nauutal kong tanong sa kanya.
“Malalaman niyo rin maya-maya,” sagot nito kasabay ang nakakarinding halakhak.
Hindi ko maiwasang kilabutan sa kanyang sinabi. Naramdaman ko ang mahigpit na hawak ni Rafael sa akin kamay. Nang aking siyang lingunin kitang-kita ko rin sa kanyang mga mata ang takot at pangamba.
Hindi namin masisiguro ang kaligtasan namin sa kamay ng mga bandido. Wala rin kaming hawak na anumang armas na maaring namin gamitin bilang pandepensa lalo na at nasa sampu ang bilang ng mga bumihag sa amin.
“Kunin ang mga bihag,” saad ng kanilang pinuno. Mas lalong humigpit ang pagkakahawak ni Rafael sa aking kamay halos ayaw niya na itong bitawan.
BINABASA MO ANG
El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)
Historical FictionAn accident that will bring her back to her past life. Credits to Bb Mariya for the cover ✨ Started: May 12, 2020 Ended: November 28, 2020 Highest Rank: #1- 1861 #1- Classic #1- Hisfic #1- Philippine History #1- Spanish Era #1- 19th Century #1- Rafa...