Viente

1.5K 76 237
                                    

#EEDNH20

“Hindi pa ito ang oras mo Isabella. Kailangan mong bumalik dahil may misyong ka pang kailangang tapusin,” saad ng babae. Nakasuot ito ng puting damit na abot hanggang talampakan. Kumunot ang aking noo nang unti-unti kong makilala ang mukha niya.

Bakit kamukhang-kamukha ko ang babaeng aking kaharap?

“Sino ka?” naguguluhan kong tanong. Iginala ko ang aking tingin sa paligid at nakitang narito kami sa bangin. Nakatayo ako sa dulo at ilang hakbang ko lang paatras ay tuluyan akong mahuhulog rito.

“Ako at ikaw ay iisa. Ikaw ang nakaraan at ako ang kasalukuyan,” sagot nito at saka ngumiti. Unti-unting naglakad papalapit sa akin ang babaeng kamukha ko dahilan para umatras naman ako.

Isang hakbang… isang hakbang pa paatras, siguradong mahuhulog ako na napakalalim na bangin. Natigilan ako ng may mahulog na bato matapos ko itong masagi habang umaatras at ng aking silipin, mas lalo pang bumilis at lumakas ang pagdagundong ng aking puso. Nilamon nang walang hanggang kadiliman ang batong nahulog at wala akong ibang matanaw kung ‘di puro itim.

Tumigil ang babae, ilang hakbang lang ang kanyang layo sa'kin at mariin akong tinitigan, “Luha't walang hanggang pighati. Kapahakan at kamatayan ang naghihintay sa oras na ang mali'y ipilit.”

Nakasalalay sa iyo ang kapalaran nating dalawa. Nawa’y piliin mo kung ano ang tama,” dagdag niya pa bago muling humakbang papalapit sa akin at huli na nang mapagtanto kong itinulak niya ako.
Pikit mata ako habang unti-unting bumubulusok sa walang hanggang kadiliman.


Ang mabaho at matapang na amoy galing sa mga halamang gamot at medisina maging ang mahinang bulungan mula sa paligid ang siyang nagpamulat sa aking mata mula sa mahimbing na pagkakatulog. Ilang beses kong ikinurap ang aking mata upang sanayin ito sa liwanag. Iginala ko ang aking tingin sa kabuuan nang hindi pamilyar na silid kung saan ako nakahiga.

Mahinang sinasayaw ng hangin na nagmumula sa bintana ang puting kurtina na nakakabit dito. May mahabang upuan na gawa sa kahoy ang makikita sa kanan malapit sa pintuan kung saan nakita ko sina ama at ina na seryosong may pinag-uusapan. Habang may dalawang lalaking nakatayo sa gilid ko, may maliit na lamesa kung saan nakapatong ang iba't ibang halamang gamot, may katandaan na ang isang lalaki habang may hinahabilin ito sa mas batang lalaki na sa tingin ko ay halos kaedad lang nila Rafael at Mateo. Nang magawi ang tingin ko sa kaliwa ay nakita ko si Eleanor na mahimbing na natutulog sa silyang kinauupuan nito habang ang kanyang ulo ay nasa aking kama. Hawak-hawak niya ang kaliwa kong kamay.

Kung ganoon ay buhay pa ako at nasa pagamutan?

“Gising na ang Binibini,” masiglang saad ng matandang na sa tingin ko ay isang doktor.

Nang sulyapan ko sina ama't ina nakita ko ang pag-iiba ng kanilang ekspresyon. Kahit papaano'y umaliwalas ang kanilang mga mukha na para bang sila'y nabunutan ng tinik ng dibdib. Nang mas pagmasdan ko pa ang aking mga magulang, hindi nito maitatatago ang matinding pagod dala ng ilang araw na hindi pagtulog ng maayos. Ang mga mata nila'y malalim at namamaga lalo na si ina.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon