Viente y ocho

1.4K 68 1.3K
                                    

#EEDNH28

Sa pagbitaw ni lola sa kamay ko, ang siyang pag-alala at pagkamulat kong muli sa aking nakaraan. Hindi na maawat ang mga luha ko sa pag-agos, ang nanginginig kong kamay, at ang puso kong nababalot ng matinding takot.

Muli akong ibinalik dito dahil na rin sa aking kahilingan. Ibinalik ako rito upang itama ang aking pagkakamali. Ngunit ano itong ginagawa ko? Wala itong ipinagbago, ganoon pa rin ang aking ginawa.

At ngayon, nalalagay sa kapahamakan ang buhay ng mga taong mahal ko dahil na rin sa pagiging makasarili ko.

Napayuko ako at mariing kinagat ang pang-ibaba kong labi habang pinupunasan ang aking mga luha.

Napakamakasarili mo Isabella. Masyado mong pinairal ang puso mo. Masyado mong nilunod ang iyong sarili sa pag-ibig.

"Tandaan mo Isabella, walang ibang dapat na makaalam na muling isinulat ang nakaraan. At ngayon alam mo na ang katotohanan, nasa iyong mga kamay na nakakasalalay ang buhay ng mga taong mahal mo..."

"Tapusin mo na ang misyon mo rito. Kailangan mo na ring makabalik sa totoo mong panahon," dagdag pa nil ola.

Nag-angat ako ng tingin. "Ano pong mangyayari kapag hindi ko nagawa ang misyon ko rito?" tanong ko.

"Habang-buhay kang makukulong sa panahong ito dala-dala ang hinagpis nang pagkawala ng mga taong mahal mo. Hindi ka na rin makakabalik sa kasalukuyan Isabella. Hindi mo na mababalikan ang buhay mo bilang si Katelyn." Iyon ang huli kong narinig kay lola bago ito naglaho na parang bula sa aking harapan.

"Ate Isabella!" rinig kong sigaw ni Eleanor.

Pinunasan ko ang mga butil ng luha sa aking mata at pisngi saka tumayo upang harapin ang aking kapatid na ngayon ay naglalakad papalapit sa akin.

"Anong ginagawa mo rito ate? Kanina ka pa naming hinahanap," tanong ni Eleanor ng makalapit siya sa akin.

Hindi agad ako nakasagot sa kanyang tanong bagkus tinitigan ko lang siya ng mabuti. Napakabata pa ng kapatid ko upang danasin niya iyon.

Hindi ko kakayaning makita silang muli na mawalan ng buhay nang dahil sa akin.

Mas lumapit sa akin si Eleanor. "Ate, umiyak ka ba?" tanong niya habang nakatititg sa mukha ko.

Umiling ako sa kanya. "Napuwing lang si ate. Halika ka na," saad ko sabay kuha ng kaniyang kamay. Nagkibit balikat lang ang kapatid ko at hindi na nagtanong.





Kinabukasan maaga kaming nagtungo sa hukuman. Ngayong araw iaanunsiyo ang magiging hatol kay ama. Kahit alam ko na ang mangyayari, hindi nito nabawasan ang kabang aking nararamdaman.

Katabi ko si ina at nasa tabi naman nito si Eleanor. Hawak-hawak ni ina ang kamay naming dalawa. Wari'y kumukuha ito ng suporta mula sa amin sa kung anuman ang mga susunod na maaring mangyari.

Tahimik lang na nakaupo sa unahan namin si ama habang nakayuko ang kanyang ulo. Katabi niya ngayon ang abogado na ibinigay sa kanya ng hukuman.

Simula ng malaman ni ama ang tungkol sa amin ni Rafael ay iyon na rin ang huli naming pagkikita. Hindi rin kami pinapayagan ng hukuman na bisitahin si ama. At kahit hindi siya nakaharap sa aming kinaroroonan, alam kong alam niyang narito kami ngunit mas pinili niyang huwag kaming tingnan.

Maingay ang paligid. Samo't sari ang opinyon ng bawat isa. May ibang naniniwala na walang kinalaman si ama sa mga bandidong grupo samantalang may iba naman na naniniwala.

Ang sakit lang makita na karamihan sa mga ito ay ang mga taong tinulungan ni ama noon, mga taong hindi niya pinabayaan noong sila ang nangangailangan ngunit dahil sa maling bintang, nagawa nila itong talikuran. Pumanig sila sa kung saan sila mas makakakuha ng benepisyo.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon