Viente y tres

1.6K 73 1.1K
                                    

#EEDNH23

Maaga akong nagising upang maghanda ng agahan. Nasa harap ako ng pugon at nagsisiga ng panggatong na kahoy.

Tapos ko nang ihanda ang mga lulutuin ko. Isinalang ko ang kawali at nilagyan ito ng kaunting mantika. Nang mainit na ito, iginisa ko ang bawang, sibuyas, at kamatis bago inilagay ang binatil na itlog.

Ito ang paboritong agahan ni ama, kung kaya't napili ko itong ihain. Nang maluto ang itlog, isinunod ko naman ang pagprito ng tinapa at talong, na siya namang paborito ni ina.

Matapos ang kalahating oras, napangiti ako nang makita ang mga niluto ko sa hapag-kainan. Hinihintay ko na lamang na magising at bumaba sila ama’t ina. Nais ko rin silang makausap kung kaya’t napagpasyahan kong ipagluto sila.

Hihilingin ko sa kanila na kung maari ay huwag nang ituloy ang kanilang plano na ipakasal ako kay Mateo. Matapos ang nangyari noong nakaraang gabi, mas lalo akong nabigyan ng dahilan upang hindi ituloy ang aming kasal.

Ilang araw ko rin itong pinaghandaan ngunit hindi ko matuloy-tuloy sapagkat abala sila ama’t ina. Palagi silang umaalis ng maaga at gabing-gabi na rin silang nakakauwi kung kailan tulog na ako. Nang masiguro kong hindi sila aalis ngayong araw, hindi ko na pinalagpas pa ang pagkakataong ito.

Nakarinig ako ng mga yabag ng paa, dahilan upang matuon ang aking atensyon sa mga papasok sa hapag-kainan. Sumilay ang ngiti sa aking labi nang makitang sila ama’t ina iyon. Mabilis akong tumayo upang hintayin ang kanilang pagdating sa lamesa.

“Magandang umaga po ama… ina…” nakangiti kong bati sa kanila.

“Magandang umaga rin anak. Ang aga mo namang nagising. Maayos na ba iyong pakiramdam?” tanong sa akin ni ina.

“Opo ina,” sagot ko. Sumenyas si ama sa amin na maupo na at mabilis kaming tumalima ni ina.

Sinalinan ko ng mainit na tubig ang tatlong tasa at ipinagtimpla ng purong kape ang aking nga magulang.

Nang matapos ko iyong gawin. Iniabot ko ito sa kanilang dalawa, “Sa katunayan, ako po ang naghanda ng ating agahan ina,” nakangiti kong sambit.

Nagkatinginan sila ama’t ina bago muling ibinalik sa akin ang kanilang tuon ng nakangiti. Hinawakan ni ina ang aking kamay at marahan itong pinisil.

“Handang-handa ka na talagang mag-asawa anak,” nakangiting wika ni ana.

Nabaling ang atensyon ko kay ama nang maramdaman ko ang kanyang kamay sa aking ulo at bahagyang ginulo ang aking buhok, “Kay bilis talaga ng panahon… parang kailan lang karga-karga ka pa namin ng iyong ina pero ngayon, heto at malapit na naming ipaubaya ang iyong kamay kay Mateo,” saad niya.

“Napakabuti at napakamasunurin mong anak. Alam kong darating ang panahon na magiging mabuti kang ina sa mga anak ninyo ni Mateo,” dagdag pa ni ama na siya namang sinang-ayunan ni ina sa pamamagitan ng pagtango.

Nakagat ko ang pang-ibaba ko labi upang pigilan ang aking sariling umalma at sabihin na hindi si Mateo ang nais kong pakasalan at makasama habang-buhay. Ngunit hindi ko nais na sirain kaagad ang araw na ito. Pagkatapos na pagkatapos naming mag-agahan ay akin na silang kakausapin ukol sa bagay na ito.

Tipid akong ngumiti sa kanilang harapan, “Kumain na po tayo ama, ina. Ihinain ko po talaga ang paborito ninyong agahan.”

Nakangiting tumango sila ama’t ina sa akin bilang pagsang-ayon. Tahimik kaming kumakain, nasa kalagitnaan na kami ng pagkain nang humahangos na dumating si Elena. Lahat kami’y napatigil sa pagkain at nabaling sa kanya ang aming atensyon.

“Don Federico…” sambit niya. Ang mga mata niya’y punong-puno nang pangamba at ang kanyang magkahawak na kamay ay nanginginig.

“Bakit Elena anong nangyari?” tanong ni ama.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon