Viente y cuatro

1.4K 56 6
                                    

#EEDNH24

Tahimik kaming dalawa ni Rafael habang pinapakinggan ang bawat pintig ng aming puso. Nakahiga kami ngayon sa damuhan at nakapulupot sa isa't isa.

Pareho na naming suot ang aming mga kasuotan. Marahang niyang hinahaplos ang mahaba kong buhok habang nakapatong ang aking ulo sa kanyang braso.

"Nagsisisi ka ba?" pagbasag niya sa katahimikan.

Nag-angat ako ng tingin upang salubungin ang kanyang kayumangging mga mata at tatlong beses na umiling.

"Hindi ako nagsisisi na ibinigay ko ang aking sarili sa iyo Paeng. Wala din naman akong ibang pagbibigyan nito kung 'di ikaw lamang," tugon ko sa kanya at kasabay nang pagsilay ng ngiti sa aking labi upang ipakita sa kanya na wala akong pinagsisisihan sa aming ginawa.

Sa labis kong pagmamahal kay Rafael ay handa ko ng talikuran ang lahat. Hindi ko alintanang gumawa ng mali kung kapalit naman nito'y ang kaligayahang sa kanya ko lang mararanasan.

"Natutuwa akong marinig iyan mula sa iyo mahal ko. Hindi ko makita ang aking sarili nang walang ikaw sa buhay ko Sabel," sambit niya saka mabilis na hinagkan ang aking noo.

Halos matunaw ang puso ko sa mga salitang narinig ko mula kay Rafael. Kung ako rin ang siyang tatanungin, hindi ko rin makita ang aking sarili nang walang siya sa buhay ko. Sa mga oras na ito wala akong ibang maisip kung 'di siya lamang. Hindi ko muna nais na lagyan ng puwang ang mga problemang kakaharapin naming dalawa.

"Ganoon din ako Paeng," saad ko habang hindi pa rin inaalis ang aking ngiti. Hinawakan ko ang kanyang pisngi at hinaplos ito.

Hinawalan ni Rafael ang kamay kong nasa kanyang pisngi. "Kapag ikaw ang kasama ko pakiramdam ko'y lahat ng problemang aking kinakaharap ay nawawala," saad niya.

"Kung may magandang bagay man akong ginawa sa buhay ko... ito ang oras na ibinigay ko sa iyo nang buong-buo ang aking puso mahal ko," wika ko.

"Kahit anong mangyari ipaglalaban kita. Ipaglalaban ko ang pag-iibigan nating dalawa," sambit ni Rafael bago ako muling ikinulong sa kanyang pagkakayakap.

"Binibini..." nagulat ako at mabilis na napabalikwas nang marinig ko ng boses ni Elena. Iginala ko ang aking mata at nakita ko siyang napatakip sa kanyang bibig at ilang beses na nagpalipat-lipat ang tingin niya sa aming dalawa ni Rafael.

Mabilis akong tumayo at naglakad papalapit sa kanya.

"B-bakit Elena?" kinakabahan kong tanong. Ilang segundo siyang hindi nakasagot habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa aming dalawa ni Rafael.

"E-elena?" muli kong saad.

Napakurap siya ng tatlong beses bago itinuon ang tingin sa akin

"B-binibini kanina pa po nakauwi ang inyong ama. Inutusan ako ni Binibining Eleanor na magpunta rito upang kayo'y hanapin at siya na muna ang bahalang pagtakpan kayo sa inyong ama kung sakaling hanapin ka man niya," paliwanang ni Elena.

Nanlaki ang mga mata ko. Malalagot ako kay ama kapag nalaman niyang umalis ako ng mansyon ng walang pahintulot lalo na at mahigpit niyang ibinilin na wala munang lalabas sa amin.

Nilingon ko si Rafael at nakita kong tumango siya sa akin. Marahil ay alam niya na kailangan ko nang magmadaling umuwi sa mansyon.

Bahagya akong ngumiti at tumango sa kanya bago siya tuluyang tinalikuran at mabilis na naglakad patungo sa mansyon.





Tahimik kaming dalawa ni Elena hanggang sa nakarating sa mansyon. Kagaya ng nakagawian dumaan kami sa may kusina at naunang pumasok si Elena upang siguraduhin na walang may makakakita sa akin. Sinenyasan niya akong pumasok, na mabilis ko namang ginawa habang nagpapalinga-linga sa paligid.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon