Dose

1.7K 94 7
                                    

#EEDNH12

Isang araw bago ang pormal na pag-anunsiyo ng aming kasal ni Mateo, nagpadala ako ng liham kay Kristina kung maari ba siyang magpunta sa aming tahanan.

Kasama ko sa aking silid si Eleanor na ngayon ay abala sa pagbabasa samantalang nagbuburda naman ako ng pulang rosas.

Tatlong katok mula sa pintuan ang nagpatigil sa aming dalawa sa kanya-kanya naming ginagawa. "Binibini narito na po si Binibining Kristina," saad ni Elena.

Inilagay ko sa ibabaw ng mesa ang binuburda ko at nang tingnan ko si Eleanor muli nitong ibinalik ang kanyang tuon sa librong binabasa.

"Maiwan na muna kita," paalam ko sa kanya at diretsong lumabas ng aking silid.

"Kristina," sambit ko ng makita siya sa sala habang pinagmamasdan ang mga litrato ng aming pamilya na nakalagay at nakahelera sa pahabang kabinet.

"Isabella," nakangiti nitong sambit ng lumingon siya sa akin. Lumapit ako at niyakap siya.

"Kumusta ka?" Tanong ko.

"Mabuti naman. Ikaw kumusta ka na? Patawad dahil hindi kita nagawang bisitahin dahil maging sila ama ay hindi ako pinapalabas sa aming mansyon at naging abala rin kami sa paghahanda sa nalalapit kong kasal," aniya dahilan para matigilan ako.

Malapit na pala silang ikasal...

"May importante kang sasabihin hindi ba? Ano nga pala iyon?" Tanong niya.

"Tara sa hardin," anyaya ko sa kanya. Nakakapit siya sa aking braso habang sabay naming tinatahak ang daan papunta sa malawak naming hardin. Nang makarating doon ay naupo kami sa loob ng bahay-kubo.

Huminga ako ng malalim bago ko siya tinitigan. "Ikakasal na ako," panimula ko dahilan para manlaki ang kanyang mga mata sabay takip ng kanyang bibig.

"H-ha paano?! Akala ko ba- Huwag mong sabihin sa aking ipinagkasundo ka ng iyong mga magulang?" Bakas sa boses niya ang matinding pagkagulat.

Tumango lang ako sa kanya at nakapangalumbabang tinanaw ang hardin namin na punong-puno ng mga mirasol.

"Akala ko ba'y hindi nila iyon gagawin?" Tanong niya. Alam niya rin kasi ang pangako ng mga magulang ko sa akin. Naalala ko na ipinagmalaki ko pa sa kanya ang tungkol sa bagay na ito.

"Iyon din ang aking akala ngunit ngayon napatunayan ko na hindi lahat ng pangako natutupad," wala sa sarili kong sagot sa kanya.

Lumapit siya sa akin at hinawakan ang aking magkabilang balikat kung kaya't napalingon ako kay Kristina.

"Ayos ka lang ba?" Muli nitong tanong sa akin.

Tumango ako sa kanya. "Wala naman akong ibang pagpipilian kung 'di ang pumayag sa kasal na ito. Nag-uumpisa nang magsilabasan ang aming mga kalaban at ito lang ang tanging paraan para masiguro ang kaligtasan ng aming pamilya. Hindi ba't pamilya muna?" Saad ko at pilit na ngumiti sa kanyang harapan.

Bakas sa mga mata ni Kristina na hindi siya sang-ayon sa kasal na ito maging na rin sa mga sinabi ko ngunit tumango pa rin siya sa akin.

"Alam mo namang kahit anong mangyari nandito lang ako para suportahan ka hindi ba?" Malumanay nitong tanong sa akin.

Muli akong tumango sa kanya bilang sagot. Niyakap niya ako ng mahigpit at marahang tinapik ang aking likod.

Ang pinagkaiba lang naming dalawa ni Kristina siya mismo ang humiling sa kasal niya kung kaya't hindi niya ramdam ang paninibugho ko samantalang ako? Kailangan ko itong gawin dahil may mga buhay na nakataya rito.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon