Trece

1.8K 98 109
                                    

#EEDNH13

Huwag mong sasayangin ang pagkakataong muling ibinigay sa iyo. Huwag mo ng uulitin ang pagkakamaling nagawa mo. Huwag mong hayaang maging dahilan ka ulit ng kasawian ng marami. Baguhin mo. Baguhin mo!”

Nangyayari na. Tandaan mo na narito ka para baguhin ang nakatadhana. Baguhin mo Isabella! Hindi ka makakabalik hangga’t hindi mo naitatama ang pagkakamali mo, ang pagkakamali niyo!”

Napabalikwas ako ng bangon ng muli kong mapanaginipan ang tungkol sa bagay na ito. Hinihingal akong umupo at sumandal sa pader.

Pinunasan ko ang mga luhang naglalandas sa aking pisngi. Umiiyak na naman ako. Paulit-ulit na lang.

Sa tuwing napapanaginipan ko ang sarili ko sa kakaibang panahon kung saan nakasakay ako sa hindi pangkaraniwang sasakyan habang naliligo sa sarili kong dugo, ang liwanag na nakita ko sa’king panaginip at sa loob ng simbahan at ang babala sa akin ng matanda.

Akala ko’y hindi na ako nito muli pang gagambalain dahil ilang linggo na rin naging matiwasay ang aking pagtulog ngunit heto na naman. Napahawak ako sa aking dibdib dahil ang bigat-bigat ng pakiramdam ko. Ang sakit-sakit ng puso ko sa hindi malamang dahilan.

Kinuha ko ang basong naglalaman ng tubig sa maliit na kabinet sa gilid ng aking kama at ininom ito. Nang makalma ko ang aking sarili muli akong humiga at pinilit matulog.

Dahil muli na naman akong binagabag ng kakaiba kong panaginip, natagpuan ko ang aking sariling tinatahak ang daan patungo sa tagong talon. Pilit ko mang iwasan ang lugar na ito ngunit sa tuwing binabangungot ako, ang talon ang siyang naging takbuhan ko.

Pakiramdam ko sa lugar na ito lamang ako nakakahinga… sa lugar na ito lamang ako nakakahanap ng kapayapaan.

Tinaggal ko ang suot kong balabal upang ilatag sa malaking bato at gawing pangsapin. Umupo ako rito at dagling ipinikit ang aking mga mata upang damhin ang sariwang hangin na yumayakap sa’king balat maging na rin ang mabilis na pagbulusok ng tubig mula sa itaas ng bundok patungo sa ibaba na tila isang uri ng musika sa aking pandinig.

Nagambala ang kapayapaang dinadama ko ng maramdamang kong may umupo sa’king tabi. Nag buksan ko ang aking mata tumambad sa harapan ko ang maamong mukha ni Rafael habang nakangiti.

Nag-umpisa na namang magkaroon ng karera sa loob ng aking dibdib dahil sa sobrang bilis ng pagpintig ng puso ko.

Ilang linggo ko rin siyang hindi nakausap.. ilang linggo ko rin siyang hindi nakita ng ganito kalapit kahit pa nakita ko siya no’ng nakaraan lulan ng kalesa kasama si Kristina at kagabi sa pag-anunsiyo ng kasal ko kay Mateo.

“Kumusta ka na Binibini? Ang tagal na rin pala no'ng huli tayong magkita at makapag-usap,” bati nito sa akin na may kasamang ngiti na mas lalong nakadagdag sa malakas na pagtibok ng aking puso.

Nababaliw na yata itong puso ko kay Rafael.

“M-maayos na naman ako Ginoo. I-Ikaw ba?” Nauutal kong tanong sa kanya.

“Sa tingin ko ay maayos na rin ako ngayon Binibini. Napakarami ko lang kailangan asikasuhin nitong mga nakaraang linggo,” sagot niya at saka inihagis sa talon ang hawak nitong maliit na bato.

“Marahil ay napagod ka lang Ginoo. Balita ko’y may plano kang magpatayo ng klinika?” Muli kong tanong dahilan para lingunin niya ako.

“Paano mo nalaman?” Balik niyang tanong sa’kin.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon