Dieciséis

1.6K 75 124
                                    


#EEDNH16

“Handa na ba ang lahat?” Tanong ni ama sa amin. Nakatingin siya sa mga kasambahay habang buhat-buhat nila ang mga gamit namin pasakay ng kalesa.

“Handa na po ama,” tugon ko. Tumango siya sa amin at nagsimula na kaming maglakad papalabas ng mansyon.

Naunang sumasakay sina ama at ina sa isang kalesa habang nasa kasunod na kalesa naman kami nina Eleanor at Elena. Ala-singko pa lang ng umaga, magtutungo kami ngayon sa San Lucas, sa bayan kung saan isinilang si ina. Sa makalawa, ipagdiriwang ang taunang pista roon kung kaya’t magtutungo ang buong pamilya namin. Taon-taon kaming bumibisita dahil tumutulong si ina sa paghahanda sa mansyon nila lolo’t lola.

Nagsimula ng umandar ang kalesa. Apat na kalesa ang dala namin. Ang dalawang kalesa ay lulan ng tig-apat na guardia personel na isinama ni ama upang masiguro ang kaligtasan naming lahat. Ang isa ay nasa unahan habang ang isa naman ay nasa hulihan.

Halos walong oras ang byahe patungong San Lucas. Tahimik lang ako habang nakatanaw sa dinaraanan namin. Maingay naman ang dalawang kasama ko at pinag-uusapan na nila kung ano-anu ang kanilang gagawin kapag pinayagan kami ni amang lumabas. Kay Eleanor nagmula lahat ng suhestyon samantalang oo lang nang oo si Elena sa kanya.

Isasama pa sana nila ama si Mateo ngunit hindi siya nakasama sa kadahilanang kailangan niyang magtungo ng Europa. Kahapon siya umalis patungong Maynila dahil doon pa siya makakasakay ng barko patungong Europa. Halos tatlong buwan rin siyang mawawala, halos isang buwan ang aabutin bago siya makarating doon at isang buwan na naman para makabalik dito sa Pilipinas.

Inalis ko ang tingin sa labas. Sumandal ako sa upuan at humalukipkip bago ipinikit ang aking mata. Tatlong linggo… tatlong linggo na rin ang nakalipas ng umamin si Rafael sa akin. Sa loob ng tatlong linggo, hindi na ako muli pang nagtanagkang magtungo sa tagong talon ng sa ganoon ay hindi na muling magkrus ang landas naming dalawa.

Ngunit hindi ko itatanggi na sa loob ng tatlong linggong iyon, ni minsan ay hindi siya naalis sa aking isipan, araw-araw akong nangungulila sa kanya. Palaging namumutawi sa aking isipan ang tatlong salitang binitiwan niya, ‘Iniibig kita Isabella,’ maging ang malulungkot niyang mga mata habang nakatitig sa akin nang sabihin kong hindi ko na nais na makita pa siyang muli.

Isang linggo matapos rin niyon ay nakausap ko si Kristina at masaya niyang ibinalita sa akin na maayos na siyang pinapakitunguhan ni Rafael. Masaya ako para sa kaibigan ko dahil nakita kong hindi na siya nasasaktan ngunit hindi ko maitatanggi na sa bawat pagngiti niyang si Rafael ang dahilan, unti-unti namang pinipiga at winawasak ang aking puso.

Bakit namin kailangang umabot sa ganito? Bakit kailangan ko pang mahulog sa lalaking ikakasal na sa iba? Sa lalaking iniibig din ng aking matalik na kaibigan?Bakit sadyang mapaglaro ng tadhana at hinayaan din niyang mahulog sa akin si Rafael?

Mabilis kong pinunasan ang luhang pumatak sa kanang mata ko sa takot na mapansin at makita ito nila Eleanor at Elena.

“Ate,” tawag sa akin ni Eleanor sabay hila sa manggas ng suot kong baro. Siya ang nasa gitna at nasa dulo naman si Elena.

Iminulat ko ang aking mata at nilingon siya, “Bakit? Ikaw ba’y nagugutom na?” Tanong ko sa kanya. Napalingon rin sa kanya si Elena.

Umiling lang siya, “Ayos ka lang ba?” Tanong niyang dahilan para matigil ako.

Ayos nga lang ba ako?

Ngumiti ako ng bahagya, “Oo naman. Bakit mo naitanong?” Balik kong tanong sa kanya.

Matagal niya akong tinitigan bago ito umiling. “Sinungaling,” mahinang sambit niya.

Sinungaling? Tama ka diyan Eleanor, napakasinungaling talaga ng ate mo.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon