#EEDNH18
Nang imulat ko ang aking mga mata, ramdam ko ang matinding pagkirot ng aking ulo. Napahawak ako sa aking ulo, nakahawak ako ng malagkit na likido roon. Nang tingnan ko ang aking kamay, laking gulat ko nang makitang may dugo iyon.
Tatayo na sana ako sa aking kinauupuan nang mapagtanto kong nakatali ako sa puno. Pilit akong nagpupumiglas upang makawala ngunit halos maubos na ang aking lakas, hindi ko pa rin magawang makaalis sa mahigpit na lubid na nakatali sa akin. Kalauna’y sumuko rin ako.
Iginala ko ang aking mga mata. Wala akong ibang makita kung ‘di ang matatayog na punong-kahoy. Ako ba'y nasa kagubatan?
Nag-aagaw na ang liwanag at ilim. Anumang oras ay kakagat na ang dilim. Unti-unting binabalot ng matinding kaba at takot ang puso ko.
Bakit ako narito? Ang mga bandidong bang sumalakay kanina sa plaza ang may pakana nito? Ligtas kaya si Eleanor at Elena? At si Rafael…
Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi upang pigilan ang mga luhang nagsisimula ng namumuo sa aking mata. Bumalik sa aking isipan ang huling nangyari bago ako mawalan ng malay. Si Rafael... nasaksak siya nang sinubukan niyang lumapit sa akin. Sa sobrang bigat ng nararamdaman ko, tuluyan ng kumawala ang aking mga luha nang mapagtanto ko ang nangyari.
Ligtas kaya siya? Maayos na kaya ang kalagayan niya ngayon? Diyos ko pakiusap nawa’y ligtas siya… sana’y walang nangyaring masama sa kanya. Hindi ko alam ang aking gagawin sa oras nalaman kong may nangyaring hindi maganda sa kanya.
Nakarinig ako ng mahinang bulungan. Muli kong iginala ang aking mata upang hanapin kung saan nagmula ang mga tinig na iyon. Ngunit hindi ang mg boses na iyon ang aking natagpuan. Nanlaki ang mga mata ko at ilang beses akong napakurap upang siguraduhin na hindi ako namamalik-mata.
Mas lalong bumuhos ang mga luha ko ng makitang nakatali rin sa puno si Rafael mula sa ‘di kalayuan. Hindi ko alam ang kanyang kalagayan sapagkat nakapikit ang kanyang mga mata. Natatakot ako sa posibilidad na wala na siya pero pilit kong pinapakalma ang aking sarili. Hindi… naniniwala akong hindi pa siya patay.
“R-rafael,” tawag ko sa kanya.
“R-rafael pakiusap g-gumising ka,” basag ang boses ko habang binibitawan ang mga katagang ‘to.
“Rafa–”
“Gising ka na pala,” saad ng boses sa gilid ko.
Nang lingunin ko siya, nakita kong nakatakip ang kanyang mukha. Tanging ang mga mata at bibig lang niya ang makikita. At ilang distansiya mula sa kinaroroonan ko, nakita ko ang hindi baba sa sampu pang katao na nakatakip din ang mga mukhang nakatitig nang mariin sa amin. Nakapalibot sila sa apoy habang ang ilan sa kanila ay hinahasa ang kani-kanilang patalim.
Natigil ako sa pag-iyak, “S-sino kayo? Bakit kami narito? A-anong kailangan ninyo sa amin?” Napalunok ako sa kaba habang nagtatanong.
“Anong kailangan namin? Buhay mo... iyan ang kailangan namin,” seryosong saad niya habang ang kanyang mga mata'y nanlilisik sa galit.
“K-kung buhay ko lang pala ang inyong kailangan bakit kailangan niyo pa siyang idamay?” Tanong ko sabay lingon kay Rafael.
“K-kung kailangan ninyo ng salapi o nang kung anumang pabuya kakausapin ko ang aking ama. P-pakiusap pakawalan niyo na po kami,” pagmamakaawa ko.
Nagulat ako ng humalakhak ng malakas ang lalaki. Ang nakakarindi nitong boses ay umalingawngaw sa buong kagubatan. Lumuhod siya sa harapan ko at inilabas ang isang balisong. Ilang beses niyang pinaglandas sa kanyang daliri ang matalim na bahagi nito at ilang saglit pa ay nakita ko ang ilang patak ng kanyang dugo na tumulo sa mga tuyong dahon na nagkalat sa lupa.
BINABASA MO ANG
El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)
Historical FictionAn accident that will bring her back to her past life. Credits to Bb Mariya for the cover ✨ Started: May 12, 2020 Ended: November 28, 2020 Highest Rank: #1- 1861 #1- Classic #1- Hisfic #1- Philippine History #1- Spanish Era #1- 19th Century #1- Rafa...