Viente y uno

1.5K 81 2.4K
                                    

#EEDNH21

Isang linggo matapos ang mangyaring pagdukot sa amin ni Rafael at apat na araw simula nang makauwi kami ng San Isidro. Narito ako ngayon sa aking silid at nakapangalumbaba sa bintana habang nakaupo sa silya. Makulimlim ang panahon na tila nakikisabay sa pagdadalamhati ng aking puso.

“Isabella, kaya narito ako ngayon dahil may mahalaga akong ibabalita sa iyo,” sambit ni Kristina dahilan upang mag-angat ako ng tingin at salubungin ang kanyang titig.

“Ano ang iyong ibabalita?” tanong ko. Hinawakan niya ang aking kamay at marahan itong pinisil.

“Sa susunod na linggo na gaganapin ang kasal namin ni Rafael,” sambit niya. Hindi niya man lubos ipakita sa akin na siya'y masaya, alam kong nagagalak siya dahil sa wakas matutupad na ang matagal na niyang pinapangarap.

“G-ganon ba. Ma-masaya ako para sa inyo,” nauutal kong wika. Pilit kong pinipigilan ang mga luhang gusto nang kumawala sa aking mga mata.

“Nais ko sana na nandoon ka sa araw ng aking kasal,” saad ni Kristina habang nakangiti.

Nag-iwas ako ng tingin. Kakayanin ko ba?

“Sa tingin ko hindi ako papayagan ni ama at isa pa mahigpit na bilin ng doktor na kailangan ko munang magpahinga.”

Narinig ko ang malalim na buntong hininga ni Kristina. “Nalukungkot ako sapagkat wala ka sa pinakaimportanteng araw ng buhay ko ngunit huwag kang mag-alala naiintindihan kita. Magpagaling ka kaagad Isabella," aniya. Ramdam ko na marahan nitong pinisil ang ang kamay. Sinalubong ko ang kanyang tingin ang nakita ko siyang bahagyang ngumiti sa akin.

Nang araw na makausap ko si Kristina ay ang araw na tuluyang nawasak ang aking puso sa balitang dala niya. Alam kong mangyayari at mangyayari ito ngunit hindi ko alam na magiging ganito pala kasakit.

Ngayon ang araw ng kasal nila Kristina at Rafael. Dapat ay sa susunod pa na buwan ngunit dahil sa mga nangyari napagdesisyunan na mas paagahin ang kanilang kasal. Sa impluwensiyang hawak ng ama ni Rafael at sa yamang hawak ng pamilya ni Kristina madali nilang naisagawa ito.

Maging ang kasal ko ay minamadali na rin ng aking mga magulang ngunit hindi nila iyon magawa dahil wala si Mateo rito. Aking nabalitaan na sa oras na makauwi si Mateo ay agad ding gaganapin ang kasal naming dalawa. Nais na nilang ipakasal ako sa kanya nang sa ganoon ay tuluyan ng masiguro na walang ibang aagaw sa puwesto ni ama bilang gobernador ng San Isidro.

Inilabas ko ang aking kamay nang magsimula ng bumagsak ang malakas na ulan. Ramdam ko ang pagkirot ng aking puso, mas masakit ito kaysa sa saksak na natamo ko na hanggang ngayon ay hindi pa naghihilom ng lubusan.

Tahimik ang paligid. Tanging ang patak ng ulan ang siyang umaalingawngaw at maririnig. Wala ngayon sa mansyon ang aking mga magulang dahil dumalo sila sa kasal ni Rafael at Kristina. Isinama rin nila si Eleanor. Nais rin nila akong isama roon ngunit nagdahilan akong kumikirot pa ang aking mga sugat kanina kung kaya’t hindi na rin ako pinilit nila ina at ibiniling magpahinga na lamang.

Hindi ko pa rin inaalis ang aking kamay sa bintana. Patuloy kong pinapakiramdaman ang malamig na  tubig ulan na pumapatak sa akin kamay. Muling nanumbalik sa aking isipan ang mga naganap sa loob ng isang linggo.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon