Seis

2.4K 134 19
                                    

#EEDNH6

Isang araw bago magkaroon ng selebrasyon sa mansyon ng mga Serrano, nakita ko na lamang ang sarili kong naglalakad patungo sa tagong talon. Hindi naman sa may hinihintay ako at may nais makita ngunit gusto ko lamang mapag-isa.

Sa tuwing binabagabag ako ng masamang panaginip at ng mga babala ng matandang pulubi ang pagpunta sa lugar na ito ang nagpapakalma sa aking isipan.

Nakaupo lang ako sa malaking bato habang dinadama ang malamig na hangin, ang walang humpay na pagbagsak ng tubig mula sa talon, at ang maaliwalas na kalangitan. Pakiramdam ko kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko.

Kahit na nasasabik akong maligo at damhin ang malinis na tubig ay hindi ko na ginawa sapagkat natatakot ako na baka makita ko na naman si Rafael dito.

“Mukhang malalim ang ‘yong iniisip binibini,” nabigla ako ng may magsalita sa tabi ko. Nakita ko si Rafael na nakatayo suot niya ang pulang kameso at kulay krema na pantalon na hanggang tuhod.

Sa pagkakaalam ko ay mayaman ang kanilang pamilya ngunit bakit ganyan ang kanyang pananamit?

“Wag mo akong masyadong titigan binibini baka mahulog ka,” pang-aasar niya habang nakangiti. Makikita rin ang biloy mula sa kanang pisngi niya.

“Isang kalapastanganan ang mga tinuran mo Ginoo, baka ikaw ang kailangan mag-ingat,” tugon ko sa kanya habang nakataas ang kanang kilay ko.

“Ako’y nagbibiro lamang Binibini. Maari ba akong maupo?” Tanong niya sa akin at tinanguan ko lang siya bilang sagot.

“Bakit ka nga pala narito?” Tanong niya ulit sa akin habang pinaglalaruan ang maliliit na bato bago ihagis sa talon.

“Nais ko lang magmuni-muni,” sagot ko.

“Siya nga pala, sa pagkakaalam ko ay anak ka ni Punong-hukom Aurelio, ngunit bakit ganyan ang iyong pananamit? Hindi ba at isa kang doktor?” Sunod-sunod kong tanong sa kanya.

“Masyado ka atang interesado sa buhay ko Binibini,” sagot niya sa nakakalokong ngiti.

“Maari mo namang hindi sagutin Ginoo kung ayaw mong pag-usapan,” saad ko. Hindi naman ako namimilit.

Matagal na katahimikan ang nanaig sa pagitan naming dalawa bago siya magsalita. “Mas nais kong magsuot ng simpleng kasuutan dahil nais kong makisalamuha sa mga tao nang hindi nila iniisip ang antas ng pamumuhay na mayroon sa pagitan namin. Nais kong ituring nila akong kapantay lang nila,” sagot niya.

Napahanga naman ako sa kanyang sagot. Hindi lahat ng tao ay may ganoong klaseng pag-iisip nang katulad sa kanya. Madalas importante para sa kanila ang kapangyarihan at ang mataas na estado sa buhay.

“Hindi naman lingid sa kaalaman nila na isa akong Ruiz ngunit hangga't maari ay nais kong ituring nila akong normal na mamamayan ng bayang ito, na ang nais lamang ay maglingkod. Mayaman ka man o dukha lahat ay pantay-pantay sa akin paningin,” nakangiti niyang tugon sa’kin.

“Ako’y labis na humahanga sa iyong prinsipyo ginoo nawa’y dumami pa ang mga kagaya mo,” wika ko.

“Ikaw binibini ano ang mga nais mong gawin bilang anak ng gobenadorcillo ng bayang ito?” Tanong niya sa’kin na siyang ikagulat ko dahil sa totoo lang ay hindi pumasok sa aking isipan ang bagay na iyan.

“Alam mo namang walang puwang ang mga kababaihang katulad ko sa lipunang ito. Hindi namin maaring gawin ang mga ginagawa niyo sapagkat mariin na nilang itinatak sa aming isipan na hanggang sa bahay lang ang maaari naming gawin,” napangiti ako ng mapait.

“Sana ay dumating ang panahon ng magkaroon ng pantay-pantay na pagkilala sa pagitan ng mga kalalakihan at kababaihan. Na hindi lang sa apat na sulok ng tahanan magtatapos ang tungkulin namin. Na maari ring kaming makatulong sa maraming paraan,” nang tingnan ko si Rafael ay kanina pa pala siya nakatingin sa’kin. Hindi ko alam kung kanina niya pa ba ako tinititigan.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon