Quince

1.6K 95 159
                                    

#EEDNH15

Lumipas ang tatlong araw bago naghilom ang pamamaga sa aking paa. Madalas bumisita sa aming tahanan si Mateo upang suriin ang aking paa. Kauuwi niya lang rin kanina matapos magtanghalinan.

Ilang beses ko nang sinabi sa kanya na hindi niya na kailangan pang gawin iyon ngunit sadyang mapilit siya. Napagsabihan din ako nila ama’t ina na mag-ingat dahil napapadalas ang mga disgrasyang nangyayari sa akin.

Kasalukuyan akong nakaupo at nakapangalumbaba sa bintana ng aking silid habang nakatanaw sa malawak na hardin. Napansin kong nagsisimula ng malanta ang mga bulaklak ng mirasol ni ina.

Sariwa ang ihip ng hangin habang tinatangay ang mahaba kong buhok. Mataas ang sikat ng araw sapagkat ala una na ng hapon at tahimik ang paligid maliban sa huni ng ibon at mga kaluglig, karamihan sa mga kasambahay at tauhan namin ay nagpapahinga.

Nagpakawala ako isang malalim na buntong hininga. Ilang araw na akong binabagabag ng nangyari sa panceteria. Hindi maalis sa isipan ko mang malungkot na mukha ni Kristina. Hanggang ngayon ay hindi ko pa siya muling nakakausap maging si Rafael. Hindi ako makalabas ng mansyon sa kadahilanang mahigpit na ibinilin ni Mateo kina ama’t ina na huwag akong masyadong papagalawin nang sa ganoon ay mabilis na maghilom ang pamamaga ng aking paa. Tatlong araw na akong nakakulong sa aking silid.

Napatingin ako sa kaliwang paa kong nababalot ng puting benda. Ilang beses kong inikot at ginalaw ito, pinakiramdaman ko kung kumikirot pa ba ngunit hindi na. Tumayo ako at tatlong beses na lumundag at laking tuwa ko sapagkat wala na talaga akong maramdamang sakit.

Nakangiti akong nagtungo sa tukador upang kunin ang itim na balabal na may disenyong rosas at itinaklob sa aking ulo.

Alam kong hindi ako papayagan nila ama’t ina na bisitahin si Kristina kung kaya’t susubukan kong magtungo sa talon baka sakaling masumpungan ko si Rafael doon. Nais ko siyang makausap.

Bahagya kong binuksan ang pinto at inilabas ng kaunti ang aking ulo upang silipin kung may tao ba sa pasilyo ng ikalawang palapag at laking tuwa ko nang makitang wala. Marahil ay nagpapahinga rin sila ina at Eleanor. Alam kong wala rin ngayon si ama dahil maaga itong umalis kaninang umaga.

Dahan-dahan akong naglakad pababa at dumaan sa kusina. Tahimik ang buong mansyon. Maingat kong binuksan ang pinto nang sa ganoon ay hindi ako makalikha ng ingay. Nakahinga ako nang maluwag ng tagumpay akong makalabas ng mansyon. Inayos ko ang aking suot na balabal bago pumasok sa maliit na lagusan patungo sa tagong talon.

Nang makarating sa talon, agad hinanap ng mga mata ko si Rafael. Una kong pinuntahan ang malaking bato kung saan kami madalas umupo ngunit wala siya roon. Sabagay, hindi niya rin nanaisin na manatili rito ngayon dahil mainit.

Napabuntong hininga ako ng malalim. Marahil ay wala siya rito.

Naglakad-lakad pa ako upang siguruhin kung narito ba siya o wala. Patungo ako ngayon sa masukal na kagubatan kung saan ko siya naabutang naghahanap ng mga halamang gamot.

Napatigil ako sa kinatatayuan ko nang makita kong may lalaking natutulog sa ilalim ng puno ng akasya. Napangiti ako dahil hindi ako nagkamali, narito nga siya.

Dahan-dahan akong naglakad patungo sa kinaroroonan niya. Nakatakip sa kanyang mukha ang sombrerong gawa sa buri. Kagaya nang nakasanayan, nakasuot siya ng itim na pantalon at puting kamiso.

Sa tuwing nagtatagpo kami rito palagi kong napapansin na hindi nakasuot ng magarbong kasuotan si Rafael. Kung susuriin ay para lamang siyang simpleng mamamayan at hindi mo aakalain na mula sa mayaman at maimpluwensiyang pamilya. Isa ito sa bagay na hinahangaan ko sa kanya sapagkat kaya niyang mabuhay ng pagak.

El Epilogo De Nuestra Historia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon