"Tara, pasok tayo," aya niya pagkababa namin ng taxi. Mahigit thirty minutes din ang aming naging byahe mula airport hanggang dito sa kanila.
Binuksan niya ang isang maliit na gate na hanggang balikat ko lang ang taas. Kalawangin na ito at umalingawngaw ang tunog ng lumalangitngit na bakal pagkabukas niya.
May maliit na hardin sa harap na puno ng iba't ibang mga bulaklak. Mataas ang bahay ngunit gawa sa kahoy ang kabuuan. Malalaman agad na sinaunang bahay pa ito at nilipasan man ng panahon ay mababakas pa din ang ganda nito. Mayroon itong dalawang palapag.
Dala niya ang bag ko habang hila-hila ko naman ang maleta ko. Inangat ko ito at binitbit dahil may hagdang may limang baitang bago pa muna makapasok ng kanilang bahay.
Inilinga ko ang tingin sa paligid. May mga litrato sa mga dingding na talagang niluma at kinupas na sa tinagal ng panahon. Nakasuot pa ang mga ito ng magagandang baro at saya.
"Chelsea, ang Nanay Loida ko nga pala." Tumingin ako kay Dianne at katabi niyang nakangiti ang babaeng halos kasing edad lang ni Mommy. Mahaba ang kanyang buhok, abot hanggang bewang. Nakangiti ito sa akin kaya nginitian ko rin siya pabalik.
"Hello po, 'Nay, ako po si Chelsea. Chelsea Gonzales po." Nilapitan ko siya at inalok ang kamay ko.
"Ay nako, marumi ang kamay ko at ako'y naglilinis sa kusina 'neng," natatawa niyang sambit kaya kinuha ko ang kamay niya at hinawakan iyon.
"Dito po muna ako pansamantala 'Nay, huwag po kayong mag-alala, magbibigay po ako ng share ko sa gastusin dito sa bahay," ani ko at bahagya naman siyang natawa. Inalis niya ang pagkakahawak ko sa kamay niya at kinuha ang maleta ko.
"Nako, 'neng, welcome na welcome ka rito sa amin. Akin na itong gamit mo at dadalhin ko sa taas. May isang kwarto pa roon na bakante. Huwag ka mag-alala at malinis na 'yon." Pinigilan ko siya nang akmang iaakyat na niya ang mga maleta ko. Nahagip naman ng mata ko si Dianne na abalang naghahain ng makakain sa hapag-kainan.
"Ako na ho dito, 'Nay, medyo mabigat ho ito eh, susundan ko na lang ho kayo." Kinuha ko ang maleta sa kanya at binuhat ito paakyat.
Maging ang hagdan nila ay gawa sa kahoy. Pero hindi naman siya nakakatakot lakaran dahil ramdam namang matibay.
Nang makaakyat ay dinala niya ako sa dulong kwarto. Ang mga dingding sa bawat kwarto ay gawa rin sa magandang klase ng kahoy. Furnished ang lahat kaya maganda ang pagkaka-brown ng mga ito.
Maging ang mga pinto ay may mga wood carvings pa. Nakakamangha makakita ng ganitong klase ng bahay sa panahon ngayon. Sa Maynila ay wala ng ganito, marahil ay iilan na lang.
Binuksan ni Nanay Loida ang kwarto at bumungad sa akin ang isang hindi kalakihang kwarto. Halos kalahati lang iyon ng kwarto ko kung tutuusin.
"Pasensya ka na at manipis na kutson lang ang meron kami rito. Kung gusto mo ay may malapit naman ditong bilihan ng kutson kung gusto mo ng mas malambot." Umupo ako sa kama na nasa gitna ng kwarto. Hindi nga siya ganoong kalambot ngunit hindi rin naman ganoon katigas. May dalawang unan at isang manipis na kumot din ang nandito.
"Okay na ho ito. Hindi naman ho ako sobrang arte pagdating sa ganito," saad ko at bahagya pang humiga sa kama. Masasanay rin naman siguro ako rito kapag tumagal. Nakakahiya naman kung bibili pa ako.
"Dito mo na lang muna ilagay ang mga gamit mo sa kabinet. Malinis ito kaya h'wag kang mag-alala," saad ni nanay sabay turo sa isang malaking cabinet sa gilid. Katabi nito ang isang vanity table na may salamin at upuan na gawa rin sa kahoy.
Malaki ang bintana sa harap ng kama at sa gilid kaya sobrang maliwanag. Kita rin sa bintana ang isang mataas na puno sa bakuran nina Nanay Loida. Napakasarap sa pakiramdam dahil sobrang sarap ng simoy ng hangin.
BINABASA MO ANG
Love in the Middle of Chaos
Romance[COMPLETED] Chelsea Gonzales, a lady living almost a perfect life and ready to settle with her boyfriend Adrian Martinez faced one of the hardest thing a person can experience -- a heartbreak. Wanting to find her peace, she went to Cebu where she me...