Dahan-dahang iminulat ni Primo ang mata at bumungad sa kaniya ang kulay berdeng kisame na hindi pamilyar sa kaniya.Nangunot pa ang kaniyang noo nang makitang may butas sa dulo ng kisame at may tumutulong tubig na sinasalo naman ng maliit na plangganang nasa sahig.
Sinubukan niyang umupo ngunit nabalik din siya kaagad sa pagkakahiga sa papag na gawa sa kahoy. Ramdam niya ang pangingirot ng kaliwang balikat.
Sinubukan niyang alalahanin ang nangyari at biglang nanlaki ang kaniyang mata nang mapagtanto ang lahat.
Na-frame up siya. Patay na ang kaniyang ama, nakahiga sa malamig na sahig at punong-puno ng dugo sa bandang ulunan dahil sa tatlong tama ng bala sa ulo. Dumating ang mga pulis at pinaligiran siya, nakatakas siya ngunit nabaril naman siya sa kaliwang balikat kaya't gumewang ang motor at natumba hanggang sa lamunin na siya ng dilim.
May humawi sa kurtina na butas-butas. Nagtaka pa siya dahil imbis na pintuan ay kurtina lamang ang pangharang nito sa maliit na kwarto.
"Gising ka na pala." Nakangiting bungad ng isang ginang.
Naalarma siya at pinilit ang sariling umupo saka isinandal ang sarili sa pader. "Sino ka? Anong kailangan mo? Bakit mo ako dinala dito?"
Imbis na makikitaan ng takot ay tumawa ang ginang. "Wala ka pa ring pinagbago, hijo. Ganyan na ganyan ka pa rin noon hanggang ngayon."
Tumagilid ng ulo niya sa pagtataka. Kilala niya ba ito? Sinubukan niyang alalahanin ng mukha ng ginang at dahan-dahang rumihistro sa kaniyang utak kung sino ito.
"N-nanang Sel?" Takang tanong niya.
Tumawa muli ang ginang kaya't mas luminaw sa utak niya ang itsura nito. Ito nga ang nanang Sel na kilala niya noon. Ang yaya noon ni Kylo.
"Sel, kumukulo na ang---gising ka na?!" Gulat na sambit naman ng isang lalaking may katandaan matapos pumasok ng kwarto.
"Tatang Koy?!" Natutuwang aniya. Si tatang Koy naman ay ang dating driver ni Kylo na asawa naman ni nanang Sel.
Nilapitan siya ni tatang Koy at may pag-aalalang makikita sa mata nito saka naupo sa papag. "Kumusta ka na? Masakit pa rin ba ang balikat mo?"
Nakangiting inikot-ikot niya ang kaliwang balikat kahit na ramdam niya pa rin ang pangingirot. "Malayo sa bituka, tang!"
Bigla siyang napangiwi nang tapikin ni tatang Koy ang balikat niya. "Aba'y ayos 'yan! Ang mga lalaki, matatapang 'yan---aray!" Napa-aray ito matapos paluin ni nanang Sel ang balikat nito.
"Nakikitang napapangiwi ang bata!" Binalingan siya ni nanang Sel. "Tatapusin ko lang ang niluluto ko at kakain na tayo," nilapitan nito ang TV at binuksan. "Sa ngayon, manood ka muna." Binigay nito sa kaniya ang remote matapos ay umalis.
Sumunod na din si tatang Koy upang ihanda ang mga plato habang naiwan naman siya sa silid. Dahil sa bored ay pinalipat-lipat niya ang mga channels hanggang sa huminto ang daliri niya sa isang balita.
"...nagngangalang Primitivo Vladimir na pinaslang ng sarili nitong anak na si Primo Vladimir."
Ipinakita ang kaniyang larawan sa balita. Naikuyom niya ang kamao at dumilim ang kaniyang mukha. Inosente siya! Wala siyang alam sa kung ano man ang ibinibintang sa kaniya! Hindi niya kayang patayin ang sariling ama!
"Ating tunghayan ang paghihinagpis ng ilaw ng tahanan na si Mrs. Glenda Vladimir."
Itinutok nito ang mikropono sa bibig ni Glenda. Mataman niya itong tinitigan. Nagpupunas ng luha si Glenda nang tapatan ito ng camera.
"Misis, pwede mo po bang idetalye ang nangyari?"
"N-nandoon lang kami sa bahay that time para sana magsalo-salo kami sa hapagkainan dahil death anniversary ng dating asawa ng asawa ko p-pero hindi sumipot si Primo. Tinawagan siya ng asawa ko pero babae niya ang sumagot..." Suminok si Glenda at tila nahihirapang huminga. "T-tapos sabi sakin ng asawa ko, kailangan nilang mag-usap ni Primo but I don't know kung saan. T-then nabalitaan ko na lang na patay na ang asawa ko! Primo, how could you do this to your father?!" Tumingin ito ng matalim sa camera. "W-why?! Ano pa bang kailangan mo, Primo?! Binigay na ng daddy mo ang mga luho mo! A-ang kapal ng mukha mo!"
BINABASA MO ANG
Stupid Goddess
Teen Fiction[COMPLETED] *** Matapang, malakas, at maganda, 'yan ay ilan lang sa mga katangian ng ating bida. Nasa kaniya na sana ang lahat kung hindi lang sana mapurol ang utak niya. Mahilig sa gawa at puro kuda. Isa raw siyang Diyosa ng kagandahan, ngunit sa i...