Kabanata 2

925 58 2
                                    


"Sisiputin ka pa ba no'n?" tanong ko sa bestfriend ko nang marinig na naman iyong pagbuntong-hininga niya.


Alas-kwatro nagsimula 'yung shift ko, gano'n din ang paghihintay niya sa kikitain niyang tinalo pa ako sa pagiging late.


"Oo, malapit na raw siya." Nakasimangot niyang sinimsim iyong chocolate milkshake hanggang sa maubos. "Isa pa nga!" Pumunta siya sa harapan ko at nag-abot ng bayad.


"Pangarap mo bang magka-diabetes? Pangatlo mo na 'yan, eh! Ayoko!" Minsan nagugulat na lang talaga ako sa appetite nitong babaeng 'to. Nakaka-dalawang slice na 'yan ng chiffon cake at milkshake, hihirit pa ng isa.


"Stress-drinking 'to, okay? Iiihi ko rin naman 'yan mamaya. Dali na!"


"Puro na asukal 'yang katawan mo, bakit ang bitter mo pa rin?" Umirap ako bago tanggapin 'yung pera. Magtatalo lang kami lalo kung manlalaban pa ako. Baka mahuli pa akong tumatanggi sa customer, edi ako 'yung nabulilyaso, 'di ba?


"Napakakupad kasi ng lintek! Kung wala lang akong kailangan sa kaniya, iiwan ko na 'yon!" Nagngingitngit niyang kinuha iyong milkshake na inihanda ko at tinuhog ito ng paper straw.


"Ilagay mo na lang diyan 'yung paper bag, pwede namang ako na lang 'yung mag-abot sa kaniya."


"Too late. Sabing alas-tres 'yung kitaan, heto't mag-aalas-singko na'y wala pa rin! Two fucking hours for nothing, lecheng 'yon!"


"Tawagan mo na kasi." Natatawa kong suhestiyon bago asikasuhin iyong isa pang order.


"Bahala siya, tanginang 'yan. Iihi lang ako, dito muna 'tong inumin ko." Parang may itim na awra nang bumabalot sa kaniya kaya hindi na ako sumagot.


Limang minuto na yata ang lumipas, hindi pa rin bumabalik si Yaz. Nag-aalala na nga ako't baka naihi niya na rin pati 'yung atay niya.


"Huy, ipakilala mo na kasi ako sa kaniya!" Sumulpot na naman itong pagkakulit-kulit kong katrabaho na may dala-dalang order. Pang-isang libong beses na niya akong pinipilit na ilakad siya sa bestfriend ko.


Wala, eh. Na-love at first sight yata ang mokong kay Yaz noong unang beses ko siyang dalhin dito.


"Lapitan mo na nga kasi, wala namang rabies 'yun! Puro ka pa-cute kahit hindi ka naman cute!"


"Nahihiya nga kasi ako!" Parang ewan siyang nagpapadyak habang nakatakip ang mga kamay sa mukha.


Kabadingan nito ni Noah, kahit kailan.


"Ang baduy mong tingnan, hoy! Kapag nakita ka no'ng ganiyan baka pagtawanan ka lang no'n." Tawang-tawa ko siyang piningot nang mahina.


Sabay kaming natigil sa pag-aasaran nang marinig ang pamilyar na kalansing ng bell sa pinto. Narinig ko pang suminghap itong katabi ko. Paano't may mala-diyosa na namang naligaw rito sa coffee shop namin.

Chasing Forest [EDITING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon