Kabanata 1

1.2K 54 5
                                    


"Pay, wala ka bang balak pumasok?!" Medyo naalimpungatan ako sa pagkalabog ng pinto ng kwarto. "Pupuyat-puyat ka, alam mo na ngang kailangan mong bumangon nang maaga! Diyos kong bata ka!"


Pupungas-pungas akong nagmulat upang tingnan iyong orasan sa bedside table. "Ma, 6:38 pa lang!"


Uungot-ungot akong bumalik sa paghilata at muling ipinantalukbong ang paborito kong kumot na may tatak ng higanteng panda sa pinakagitna. Medyo maginaw pa man din kahit ramdam ko ang pagsilip ng silahis ng araw sa bahagyang nakahawing kurtina.


Teka nga. Parang may mali...


Agad akong dumilat. Napabalikwas ako ng bangon at muling sinulyapan 'yung oras. Tapos iyong kalendaryong nakasabit sa pinto. "Tae! May pasok na nga pala!"


Lakad-takbo akong bumaba at tumungo sa kusina. Wala nang katao-tao sa sala kaya paniguradong nagsialisan na rin sina papa at kuya. Hindi man lang ako nagawang gisingin nang maaga!


Bumungad ang mahalimuyak na amoy ng pandesal sa lamesa katabi ang isang bandehado ng scrambled egg. Dismayado akong napahilamos ng palad bago kumuha ng plastic. Babaunin ko na lang, male-late ako!


"Luh. Buti pa 'yung bestfriend ko, may nakahandang baon na agad!" Pagpaparinig ko kay mama nang makita iyong nakatabing paper bag sa ibabaw ng ref. Laman nito'y dalawang empanada para sa bestfriend kong may halimaw sa tiyan.


"Kung bumangon ka sana nang maaga, maaayos mo 'yan! Aba, ang dami-dami kong inaasikaso rito, magko-kolehiyo ka na't lahat-lahat hindi mo pa rin ma-organisa 'yang ora—"


"Bye, ma!" Nang-aasar ko siyang binigyan ng flying kiss matapos pagkasyahin ang sampung minuto sa pagbihis. Nakapwesto na siya sa bakery at tumatalak na naman. Imbes na pagkain ang almusal ko, sermon niya. Paano't first day ng klase, late na naman ako.


Kung may award siguro para sa consistency ng pagiging late for every first day ng school year mula grade 1 hanggang huling taon ng high school, nasa akin na ang korona.


"Oh, isa pa! Urong na lang diyan sa kaliwa!" sigaw ng barkero ng jeep.


Swerte ko na lang at walang pila ngayong umaga sa terminal, kundi malamang hindi na ako aabot sa general assembly na magsisimula eksaktong alas-siete.


"Ako, kuya!" Boluntaryo ko, parang tangang nagtaas pa ng kamay.


"Oh, neng. Sige, pasok ka na!" Senyas niya sa'kin.


Tuwang-tuwa akong tumuntong. Pero puta, nawaglit agad 'yung kasiyahan ko habang hinahanap 'yung natitirang pwesto. Saan dito 'yung pwestong ipinangako mo, kuya?!


Napilitan tuloy akong makipag-staring contest sa mga pasaherong ayaw makiramdam. Sa kaliwang side ako naghintay tutal narito raw 'yung natitirang espasyo.


"Dito ka na, miss." Nagliwanag ang umaga ko nang magsalita ang isang binatilyo. Mestiso ito at medyo singkitin pa. Kung sinuswerte ka nga naman, oh.

Chasing Forest [EDITING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon