Kabanata 4

883 52 7
                                        


"Pay, pakitingnan naman 'yung kumakatok sa labas!"


"Po?!" Gigil kong isinuksok 'yung paa ko sa naninikip na sapatos. "Kinginang 'to, ayaw pang magkasya!"


"May tao kako!" sigaw ulit ni mama sa baba. "Dalian mo. May ginagawa pa ako rito!"


Bumuntong-hininga ako at inis na tinapon sa kama 'yung hawak ko. Bago lang kasi 'to, kabibili lang ni papa kagabi. Kaso masyadong maliit 'yung size sa'kin kaya ang hirap isuot!


"Hala, may multo!"


"Tse! Ang pangit mo, kuya!" Inirapan ko siya at bumaba sa hagdan nang nakamedyas lang. Kalalabas niya lang sa banyo habang nagpupunas ng basang buhok.


Pagkaraan sa salas, sinilip ko saglit si mama sa kusina. Nanunuot na kasi 'yung amoy ng paborito kong ulam. Abala siya sa pagsasandok sa kaldero at nakatalikod sa gawi ko pero sa tabi niya'y may isa nang tupperware na may lamang kanin at adobo.


Napangiti ako nang malapad at excited na tumungo sa pinto. Yes, adobo 'yung baon ko!


"Good morning, Ate Pipay!"


"Uy, Chen-chen!" Gulat ko siyang niyuko bago guluhin 'yung buhok niya. Halatang wala pa siyang ligo. Mukha pang may pugad ng ibon 'yung ulunan niya. "Anong ginagawa mo ritong bata ka, wala ka bang pasok?"


"Meron po. Mamaya pa pong 11." May sinisilip siya sa likuran ko kaya tumabi ako. "Nandiyan pa po ba si Kuya Prince? May gusto lang po sana akong ibigay."


"Nagbibihis pa si kuya, Chen." Dumaplis 'yung paningin ko sa bitbit niya. "Pagkain ba 'yan?"


Ngumisi siya at tumango-tango. Lumabas tuloy 'yung one seat apart niyang ngipin. Cutie!


"Regalo ko po 'to sa kaniya bilang pasasalamat sa pag-tutor sa'kin. Naka-perfect po kasi ako sa exam ko kahapon!"


"Naks naman talaga, oh!" Nakipag-apir ako sa kaniya at sinabayan siya sa pagtatalon. "Anong subject ba 'yang pinerfect ng paborito kong kapitbahay?" Lumuhod ako sa harapan niya at nginitian siya.


Bibong bata si Chen-chen at suki sa pagiging estudyante ni kuya. Hindi na rin ito ang unang beses na magpadala siya ng gift. Galante kasi ang pamilya nila, mga tsinoy at nagmamay-ari ng hardware malapit dito.


"Math po!" Kalauna'y tugon niya.


Napanganga ako't biglang napatayo. "Math?! Paturo naman, Chen!"


Tinawanan niya ako at umaktong nag-iisip. "Tanungin niyo po ako!"


Nagpamewang ako at ngumisi. "Sige nga, anong square root ng 9?"


Natigilan siya at unti-unting napanguso. "Ano pong ugat?"

Chasing Forest [EDITING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon