Xianniah Astrid Fajardo
"Jhyne, anong nangyari kay Loraine?" Hinihintay ko pa rin ang sasabihin nito. Kami na lang dalawa ang naiwan dahil pumunta na si Haze sa loob.
"K-Kasi Niah... Si Loraine, nasa kritikal na kondisyon ngayon." Bakas sa boses nito ang pag-aalala at takot na tila posibleng may mangyaring 'di maganda.
"Ano? B-Bakit? Paano?" Hindi ko na siya hinintay na sumagot muli dahil dali-dali kong kinuha ang gamit ko at sabay hila sa kaniya patakbo papunta sa loob.
Hindi ko alintana ang pagod at pagkahingal. Ang tanging iniisip ko lang ngayon ay si Loraine. Habang tumatakbo ay taimtim akong nagdadasal na sana walang mangyaring masama sa kaniya. Sana hindi pa siya kunin ni Lord dahil napakabata pa nito. Nagdiretso muna ako sa nurse's office upang ilapag ang gamit ko at agad rin akong lumabas para puntahan na si Loraine pero sa kasamaang palad, bigla akong tinawag ng isang nurse.
"Niah, ikaw na muna ang pumalit sa 'kin para i-check 'yong pasyente sa room 104. Maglu-lunch pa kasi ako," an'ya.
Kahit gustong-gusto ko na puntahan ang kwarto ni Loraine ay wala akong magawa. Kailangan ko muna unahin ang trabaho ko. Bibilisan ko na lang ang pagmonitor tsaka ko kukumustahin si Loraine.
"Sige," tipid kong sagot. Kinuha ko na ang medical tray at nilagay ang ilang gamot dito.
Nang makarating ako sa room #104, agad ko na chineck ang temperature nito. Dengue raw ang sakit ng pasyenteng babae na nasa 30's na at kasalukuyang mino-monitor ang platelets niya.
"Mas bumaba po ang platelets niyo. Kailangan niyo pong kumain nang kumain para tumaas ito. Kumain po kayo ng healthy foods lalo na ang prutas o kaya naman po, papakin niyo ang itlog pugo," mungkahi ko bago ako tuluyang lumabas.
Agad akong pumunta sa room #51, ang kwarto ni Loraine. Pinihit ko ang doorknob at sumilip sa loob. Tanging pag-iyak lang ang naririnig ko mula sa mga taong nakapaligid ngayon sa kama ni Loraine. Nakatalikod sila sa 'kin at base sa mga suot nila, mukhang kamag-anak sila ni Loraine. Wala na akong makitang doctor o nurse sa loob. Pati si Haze ay wala rin dito. Hindi na ako makapagpigil kaya tuluyan na akong pumasok. Habang naglalakad ay ramdam kong ang bigat ng dibdib ko. Hirap akong humakbang at takot sa posibleng madatnan ko sa kama kung saan nakahiga si Loraine. Sana naman mali ang nasa isip ko. Sana makita ko si Loraine sa kama nitong nakaupo at sobrang lawak ang ngiti gaya noong unang kita ko sa kaniya.
Dahil napapalibutan siya, hindi ko ganoon tanaw si Loraine. Tumingyad ako para makita ko siya. Nakahiga si Loraine habang yakap-yakap ng Mommy niya na walang tigil sa paghagulhol sa iyak.
"Anong nangyari? L-Loraine..." Banggit ko sa pangalan niya dahilan para lumingon sila sa 'kin.
Nang makita nila ako ay agad naman akong binigyan ng space ng mga taong nasa harap ko para makadaan at makapunta sa tabi ni Loraine. Naglakad ako at tumambad sa harap ko si Loraine na nakahiga at tila mahimbing na natutulog. Napansin kong hindi na ito humihinga at ang dextrose na nakakabit sa kaniya ay natanggal na rin. Hindi na rin gumagana ang machine na nasa tabi niya. Ang tanging makikita lang roon ay ang diretsong linya.
"H-Hindi. Hindi 'to totoo. L-Loraine! Loraine... No, b-buhay ka pa, 'di ba? Natutulog ka lang, 'di ba? Loraine, nandito na si Ate bait. Gumising k-ka na dahil i-momonitor pa kita. Loraine..." Hawak ko ang balikat niya at pinilit na yugyugin para magising. Basa na rin ang ang magkabilaang pisngi ko dahil sa sunod-sunod na luhang kumawala sa 'king mata.
"L-Loraine," nakailang banggit na ako sa pangalan niya ay hindi pa rin ito gumigising. Mas lalong napahagulhol ang mga taong nasa loob ng kwarto.
"Loraine, gumising ka na please? Please, gising ka na, oh," pangsusumamo ko.