14

26 2 0
                                    

LAGLAG NA ang mga balikat ko nang mapatingin sa wall clock. Alas dos en punto na, malamang na hinahanap na ako nina Kara sa kanila. Napabuga ako ng hangin at nagtangay ito ng ilang hibla ng aking buhok na tumatabing sa'king mukha. Nagbaba ang tingin ko sa lalaking kasalukuyang natutulog sa'king kandungan. Himbing na himbing pa yata ito dahil parang inosenteng bata na ang hitsura niya ngayon.

Mistula namang may sariling buhay ang aking mga kamay na kusang dumapo sa kanyang makinis na mukha. Hinaplos ko ang kanyang pisngi gamit ang likod ng aking palad pababa sa kanyang baba, at bahagyang pinisil ang tungki ng kanyang matangos na ilong.

"Mas lalo ka lang gumwapo sa loob ng limang taon," mahinang saad ko, "kaya hindi na kataka-takang madami pa ring nagkakandarapang mga babae sa'yo. May mino-motel ka pa."

Napalabi ako matapos bigkasin ang huling sanaysay. Pero ano bang dapat kong ika-lungkot do'n? Sa limang taon na 'yon, hindi ko rin naman siya nagawang maalala kaya walang kesyo sa'kin kung may dinadala nga siya sa motel o kahit saan mang kama. Nakakabigla lang sigurong isiping hindi na siya greenhorn. Samantalang ako...

Naputol ako sa pag-iisip nang biglang tumunog ang aking cellphone. Hindi na'ko nagkamali sa hinuhang si Desiree ang tumatawag.

"Hello, Maggie? Nasa'n ka na ba? Kanina ka pa namin hinihintay sa kanto malapit sa inyo pero wala ka pa rin kaya nauna na kami dito kina Kara. Sunod ka na lang ha," bungad niya mula sa kabilang linya.

Huminga ako nang malalim. Paano ko ba sasabihin sa kanyang may Hapon na bumabalakid sa lakad ko dapat ngayon?

Tumikhim muna ako bago nagsalita. "Ah, Des! P-pakisabi kay Kara hindi ako makakapunta, ha?" Nakagat ko ang dulo ng aking hintuturo.

"Ha? Bakit?"

"Ano kasi..." muli kong sinulyapan si Haru na nakapikit pa rin hanggang ngayon. "B-bigla kasing nagkasakit 'yong pinsan ko. Ma...mataas ang lagnat kaya hindi ko maiwan. Sorry, ha?"

Mariin akong napapikit. Sorry, Charee!

"Gano'n ba?" Halata sa boses nito ang bahagyang pagkadismaya. May naririnig na rin akong ilang boses sa kanyang paligid. "Sige, ayos lang 'yon. May next time pa naman, e. Pakisabi sa pinsan mo, mag-pagaling siya ha."

"Sige, salamat sa pang-unawa." Nag-paalaman na kami matapos no'n at tuluyan nang pinutol ang linya.

Nang muli kong tiningnan ang kasama ko ay dilat na dilat na ang mga mata nito at ngising-ngisi pa habang nakahalukipkip ang mga kamay.

"H-hoy! Gising ka pala?" bulalas ko.

Bumangon siya at naupo sa tabi ko. "Hindi naman ako natulog talaga."

Pinaningkitan ko siya ng mga mata. "Kung gano'n, alis na 'ko. Pupunta ako kina Kara!"

Tumayo ako pero kaagad rin niya akong hinila pabalik sa couch at iniharang ang kanyang braso sa katawan ko.

"Pag tumuloy ka, para mo na ring pinatunayang nagsisinungaling ka talaga sa kanila," pormal na tugon niya.

"E ba't mo ba kasi ako pinigilan kanina? Hindi tuloy ako nakapag-bonding kasama nila." Inirapan ko siya.

Bahagya niyang inangat ang kamay kong hawak-hawak niya at nilaro ang mga daliri nito. "Pwede naman natin 'yong gawing dalawa ngayon." Lumingon siya sa'kin at nagtama ang aking mga mata. "O kahit naman siguro walang bonding na magaganap, magiging masaya pa rin pag magkasama tayo, hindi ba?"

Napalunok ako. Ang seryoso kasi niya at mukhang sincere sa mga binibitawan niyang salita.

"I can cook for you, too," dagdag pa niya.

Sensei's Kiss(Japanese Series 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon