23

22 3 0
                                    


"UMALIS NA po kayo, Aling Vilma. Wala na po si Haru dito," saway ko sa may-edad naming landlady. Mag-iisang oras na nga itong nasa labas ng gate at pilit na pinapalabas si Haru. Samantalang ang huli ay hindi man lang nagpa-abala at patuloy lang sa pagtulog kahit paulit-ulit ko siyang ginigising kanina.

"Ano ka ba naman, Maggie! Gusto lang naman siyang makita ng mga amiga ko. Hindi pa kasi sila nakakita ng Hapon sa buong buhay nila," kuno ay malambing nitong tugon.

"Pero wala na nga ho rito si Haru. Umuwi na siya kagabi pa," giit ko.

"Huwag mo na siyang itago, hija. Alam kong nandiyan lang siya sa loob. Hindi naman kami magtatagal, makikipag-meet-and-greet lang kami sa kanya," pamimilit niya na sinamahan pa ng isang plastic na ngiti sa labi.

"Pero Aling Vilma, wala na nga po siya. Umuwi na." Ramdam kong konting-konti na lang ang aking pasensiya. Nagpipigil na lamang ako ng inis sa kanya bilang delikadeza sa mga amiga niya at paggalang na rin.

Pero siya naman itong nagpakita ng pagkainis. Pinandilatan niya ako't hinawakan nang mahigpit sa braso.

"Bakit niyo ba siya tinatago, ha? Para ano? Para solohin lahat ng pera niya? Mga sakim kayo!" Pagkatapos sabihin 'yon ay nagpumilit siyang pumasok sa loob ng bahay. Mabuti't maagap siyang napigilan nina mama.

"Wala kang karapatang pumasok sa bahay, Vilma, kung ayaw mong kasuhan ka namin ng trespassing!" banta ni mama rito.

Tinaasan lang siya ng kilay nito. "E di sige, kasuhan mo 'ko!"

Tumiim-bagang ako. Hindi ko na talaga ma-tantiya ang sukat ng kakapalan ng mukha nitong matandang 'to. Palibhasa'y malakas ang loob na gawin ang ninanais dahil bali-balitang kerida raw siya ng hepe ng mga pulis dito, at kinu-kunsinti ito ng huli sa mga kamalditahan nitong gawain.

Tuloy-tuloy ito sa pagpasok sa loob ng bahay. "Mr. Japanese! Mr. Japanese!"

Sinundan siya ni papa at hinawakan sa braso nang mahigpit saka kinaladkad palabas. "Sumusobra ka na, Vilma!" sigaw nito rito.

"Wala na rito ang hinahanap mo! Umuwi na siya," sunod naman na singhal ni mama sa kanya.

"Ba't ayaw niyo 'kong papasukin kung gano'n?" Namaywang pa ito pagkatapos.

"Dahil wala kang karapatan!" Si mama. "Kahit pa sa'yo ito, hangga't kami ang naninirahan dito ay teritoryo pa rin namin ito!"

Dinuro niya kaming tatlo. "Matapang kayo, ha! Tingnan natin kung nasaan ang tapang niyo!"

Pumihit ito patalikod at hinarap ang isa sa mga amiga. "Rita! Tawagan mo si Fernan! Sabihin mong arestuhin niya ang mga 'to ngayon din!"

Mabilis namang tumalima ang inutusan niya. Napahawak-kamay ako kay mama dahil sa narinig. Ipapakulong niya ba kami?

Pinisil naman ni mama ang kamay ko bilang pampalubag ng loob.

"Diyan! Diyan ka magaling, Vilma. Ginagamit mo ang kabit mong kunsintidor bilang sarili mong kapangyarihan." Si papa rito.

Humalukipkip ito. "Kung pinagbigyan niyo sana ako sa gusto ko, di sana'y wala na tayong problema ngayon---"

Natuon ang atensyon naming lahat sa police car na huminto sa tapat ng gate. Ang bilis naman 'ata nilang rumisponde?

"Nandiyan na pala si hepe," bulalas nito nang lumabas mula sa nasabing sasakyan ang kerida niya. Inayos niya ang suot na palda maging ang buhok.

Napalunok ako. Hinugot kasi nito ang baril. Siguradong anumang oras ay itututok na 'yon sa isa sa amin.

Tiningnan ko ang loob ng bahay. Nakakapanlumong hindi man lang lumabas si Haru sa kabila ng nangyari.

Taas-kilay na tiningnan kami ng landlady habang hinihintay na lapitan kami ng mga pulis. Pero natigagal kaming lahat nang siya ang suotan ng posas ng mga ito.

Sensei's Kiss(Japanese Series 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon