20

22 3 1
                                    


"BUKAS NA NAMAN?"

Halos sabay-sabay kaming napatungo nina mama matapos bumulyaw si Aling Vilma sa harapan namin. Narito na nga siya para maningil ng upa, ngunit sa kasamaang palad ay hindi pa rin sapat ang perang naipon ni papa mula sa pagdi-diskarte. Wala na rin kaming mautangan dahil bukod sa wala naman kaming kamag-anak dito na pwedeng lapitan, hindi pa kami nakakabayad sa mga huli naming nautangan.

"Puro na lang ba ganyan ang lumalabas sa bibig niyo, ha, Mildred? Aba'y namumuro na kayo!" dagdag pa niya.

"Kulang pa kasi ang---"

"Tama na!" putol niyang 'yon sa litanya ni mama. Tinakpan pa nito ang dalawang tenga na animo ay rinding-rindi nang marinig ang dahilan ng aking mga magulang. "Para na kayong sirang plaka. Paulit-ulit, nakakaumay na!"

Ako na ang naglakas-loob na magsalita. "Hindi naman po kasi talaga namin kayang ibigay sa inyo nang buo ang sixty thousand na bayad sa upa, Aling Vilma. Kung gusto niyo po hulug-hulugan na lang namin 'yon---"

"Ay, hindi! Kailangan ko ang pera," tanging tugon niya. Ikinumpas pa nito sa ere ang kamay na tila iwinaksi lang ang alok ko

Magsasalita pa sana ako pero pinigilan ako ni mama sa pamamagitan ng pagpisil niya sa aking braso. Pinagdikit ko na lamang ang aking bibig bago pa ako hindi makapagpigil.

Idinuro nito sa aming tatlo ang hawak na pamaypay. "Itong tandaan niyo, bukas na ang huling balik ko. Kapag wala pa rin kayong maiabot sa akin na sixty thousand pesos," namaywang siya, "mag-impake na lang kayo. Dahil hinding-hindi ko na kayo bibigyan ng isa pang pagkakataon kahit umiyak pa kayo ng dugo."

Iyon ang huling linya niya saka pumihit at lumabas ng gate. Halos manghina naman ang aking tuhod at muntik nang mabuwal. Mabuti na lang din at maagap akong nasalo ni papa. Inakay niya ako sa paglakad pabalik sa kusina at muling pinaupo sa harap ng komedor.

"Ano po bang nangyari at naging gano'n kalaki ang utang natin dito sa bahay?" tanong ko bago ininom ang gatas na kakatimpla ni mama.

Bumuntong-hininga muna si papa bago nagsalita. "Na-tengga ako, anak e. Matagal nang walang project ang inhinyero namin kaya pati ako, damay rin." Isang foreman si papa sa mga construction firms, ngunit gaya ng sinabi niya, wala pa silang project na natatanggap ngayon. "Kaya 'yong naipon ko, unti-unti ring nauubos dahil puro naman palabas ang pera at wala nang dumadating na income. Sinubukan kong um-extra sa talyer diyan sa kanto, kaso hindi pa rin sapat."

Natigagal ako sa narinig. "Ba't hindi niyo po sinabi sa akin ang tungkol dito? Ilang beses ko kayong tinanong ukol sa pinansyal na estado ng pamilya natin pero panay naman kayo sabi na okay lang."

Umupo si mama sa tapat ko. "Dahil ayaw naming maputol ang proseso ng pag-aabroad mo. Naniniwala kami ng papa mo na kapag nakapag-Japan ka na, magiging maayos din ang lahat."

"Kaso ma, hindi pa ako nakakalipad, magulo na e. Tuluyang gumulo na. Bente-kwatro oras na lang ang palugit natin. Saan tayo ngayon manghihiram ng perang ipambabayad? Wala naman tayong pwedeng malipatan dito kung sakali?"

Tumayo si papa at kitang-kita sa mukha ang pagpupursige niya. "Papasok ulit ako sa talyer. Lahat ng pwedeng gawin, gagawin ko para lang may dagdag kita ako ngayong araw."

"Ako naman ay magluluto ng nilupak para may mailako ako gaya ng dati," sunod naman ni mama.

"Tulungan na kita sa pagluluto mamaya, ma," prisinta ko.

Minasdan ko lang silang dalawa. Nakaramdam ako ng awa para sa aking mga magulang. Kahit hindi nila sabihin ay alam kong isa ako sa mga dahilan ng pagkalugmok namin. Buwan-buwan kasi ang pagpapadala nila sa akin ng allowance. Dahil doon ay nailalabas ang naipong pera na para sana sa iba pang mga gastusin, gaya nito.

Sensei's Kiss(Japanese Series 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon