"Tumawag ang manager ninyo ng banda dito kagabe. Hindi na kita pinuntahan sa kwarto dahil ayokong makarinig ng mga drama mo kapag lasing ka. Paulit-ulit."
Iyon ang isinalubong ni Ate Dionne sa akin paglabas ko para samahan siya sa pool. Kahapon pa ako nakauwi at dito sa bahay natulog. Buong gabi lang akong umiinom dahil akala ko ay makakalimot ako. Pero niloloko ko lang ang aking sarili dahil paggising ko ay ganoon pa rin. Masakit pa rin. Mabigat at kay hirap tanggapin. Matutulungan ka lang ng panandalian ng alak, pero pagkatapos ay ganoon pa rin. Kaya hindi ko talaga trip ang ganoong bisyo. Kapag nakakarami ako ay nababaliw talaga ako. Hindi ko katulad sina Miggy at Blake na manginginom.
"Hindi naman ako lasing." Bulong ko.
"Mukha mo Damon. Ano pala iyong ingay kagabe sa kwarto mo?"
Naalala ko ang mga basag na vase sa kwarto ko pati na kung gaano kagulo ang banyo doon.
Nag-dive ako sa pool at nanatili doon ng ilang minuto bago umahon. Tinabihan ko si Ate Dionne na nakadapa sa rattan beach bed sa tabi ng pool. She's wearing a black bikini exposing how beautiful her body is. Na parang hindi pa siya nanganak. Namana niya ito kay Mom dahil mahilig sumali noon sa pageant si Mom dahil sa ganda ng katawan at may katangkaran ito. Sumasali rin si Ate Dionne before, pero nahinto nang mabuntis siya kay Kuya Gavin. Kaka-graduate lang ng college noon ni Ate nang mabuntis siya. At ngayon ay seven years old na si Dawn at isa itong napakabibong bata. Sa tuwing tatawag si Ate Dionne sa akin kapag nasa club ako ay si Dawn ang dahilan. Palagi nito akong hinahanap. Pero hindi magkasama sina Ate at Kuya Gavin. Tutol si Dad kay Kuya Gavin dahil hindi ganoon kataas ang estado nito sa buhay. Nakatapos si Kuya Gavin at nagtatrabaho sa isang maliit na kumpanya. Pumapayag si Dad na makita ni Kuya Gavin si Dawn. Para hindi na lumaki ang usapan ay pumayag na lang si Ate Dionne. Kilala ni Ate Dionne si Dad. Walang makakabali sa gusto nito. Magkakagulo lang kapag ipinilit.
I feel bad about that. Lalo na kay Dawn. She's still young but she's smart enough para itanong kung bakit hindi nila kasama sa bahay si Kuya Gavin. At hindi ko alam kung saan pupulutin ang aking isasagot.
"How's Kuya Gavin?" Naitanong ko habang nakasandal sa kinahihigaan niya.
"Hmm. He's fine. Magkikita kami bukas."
Nilingon ko siya. Kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata niya kahit madalas nakangiti. Ayaw niya lang na pinag-uusapan ang tungkol sa kanila dahil mas nasasaktan siya sa katotohanan na wala siyang magawa.
"Nasaan si Dawn?" Luminga-linga ako para hanapin ang bata.
"Isinama ni Mommy. Namasyal lang. Iyak nang iyak kagabi at gustong pumasok sa kwarto mo. Next time huwag kang uuwi ng bahay kung hindi mo rin siya kakausapin okay." Tumayo siya at kinuha ang tuwalya na nakasabit. "You're still looking for that Czaira?"
"I found her already." Sagot ko at tumayo.
"Really? How is she? Where is she?" Sunud-sunod na tanong ni Ate.
"Somewhere in New York. With her Mom." I replied. "And her three years boyfriend Steven." Halos ayaw lumabas ng mga salitang iyon sa aking lalamunan.
"I'm sorry." Tila nadismaya rin na bigkas ni Ate.
Napailing ako at tumalon sa pool. Ayaw mawala ng kirot sa aking puso.
Ayaw tanggapin ng sistema ko ang katotohanan.
"Pagkatapos mo siyang hanapin ng ilang taon. Nagpakabaliw ka sa pakikiusap kay Dad na ipahanap siya kahit tinanggihan ka. Tapos ganoon lang? Hindi ka man lang ba niya inisip? Wala ba siyang pakialam sa naiwan niya?"
Binalewala ko ang mga sinabi ni Ate at lumangoy papalayo sa kaniya. Ayoko na makarinig ng mga ganoon bagay ngayon dahil ayokong makaramdam ng galit kay Czai. Ayoko na magkaroon ng puwang ang galit sa aking puso.