Hindi ko alam kung paano natapos ang gabing iyon na hindi na kami nagkausap ni Damon. Kahit nakikita iyon ng mag kasama namin ay hindi na sila nag-komento. Maging noong pauwi na ay una pang bumaba si Damon sa akin at hindi na nag-abala na ihatid pa ako pauwi sa bahay. Sina Blake at Lee ang naghatid sa akin.
Bago ako bumaba ng van ay nasulyapan ko si Blake na nakatingin sa akin sa rearview.
"Okay ka lang?" Nakangiti niyang tanong at nilingon ako.
Mabilis na namuo ang mga luha sa aking mga mata pero tumango rin. Lumingon din sa akin si Lee. At sa unang pagkakataon ay wala itong sinabing iba. Na tila ba naiintindihan na ang nangyari.
"Okay lang ako." Nakangiti ko na sagot.
"Call us. Kung kailangan mo ng kausap." Sabi pa ni Blake bago ako bumaba.
Mabigat ang loob ko na pumasok ng gate at doon nakasalubong ko si Mama. Nakatitig siya sa akin habang papasok ako. Bumuhos ang luha ko nang tuluyan akong makapasok. Paglapit ni Mama sa akin ay niyakap niya ako habang hinahagod ang aking likuran.
"It will be alright Czai. Tahan na." Garalgal ang boses ni Mama habang sinasabi iyon.
Sa likuran ni Mama ay nakita si Papa na nakatitig sa akin. Nakikita ko sa mga mata niya ang pag-aalala. Umiwas ako ng tingin at humigpit ang yakap kay Mama.
"Ma..." umiiyak ko na tawag kay Mama kahit yakap na niya ako. "Tell me that I did the right thing this time.."
"Hussh. Tahan na. Kung ano ang mga desisyon mo na gagawin, doon ako. Nandito lang ako."
Nakakabaliw. Nakakabaliw ang magmahal. Lalo na't alam mo na hindi mo ito makakamtan.
Iyong tanggap mo naman?
Pero ang sakit sakit pa rin.
Kahit ano'ng pilit mo na pangungumbinsi na okay ka lang? Pero masakit pa rin?
Kailangan ko lang siguro ulit tanggapin na may mga taong daraan sa buhay mo na patatatagin ka lang. Sila iyong taong maaaring manatili sa puso mo kahit kailan mo gusto, pero hindi sa buhay mo. Mahirap pero kailangan pakawalan.
Nagpatuloy ako sa pagtatrabaho ko sa club. Ganoon pa rin naman. Wala naman nagbago. Maliban sa pagiging parang estranghero na namin ni Damon sa isa't isa. At wala ni isa sa mga tao sa club ang pumapansin nito.
There comes a time na iiyak na lang akong mag-isa sa CR sa tuwing nagkikita kami ni Damon pero parang wala lang. Iyong tipong dadaanan lang niya ako ng tingin. And then wala na. Masakit. Wala ng mas sasakit pa doon. Dinudurog ang puso ko sa tuwing ginagawa namin iyon.
Mahal ko si Damon. Mahal na mahal. At sa pananatili ko sa club ay parang sinasaktan at pinaparusahan ko lang din ang sarili ko. Kailangan ko lang mag-ipon. Kailangan ko lang pag-ipunan ang pagbalik ko ng New York para doon na muna magpagaling ng mga sugat na idinulot sa akin ng lahat ng mga nangyari. Natawagan ko na ang pamilya ni Steven at nais din nila akong makita kaya mas okay na bumalik na muna ako doon para makahingi ng tawad ng personal.
Hindi kami ganoon ka-okay ni Papa. Sinusubukan ko. Alam ng nasa itaas iyon . Pero hindi iyon ganoon kadali. I need time. Pero tanggap ko na nagkikita at pinupuntahan niya sa bahay si Mama. Wala na sa akin iyon.
Parang unti-unting naisasaayos ang buhay ko na basag na basag noon. Pero kahit ganoon, alam ko sa puso ko. Alam ko na hinding-hindi na ako magiging buo pa. Hindi ko alam kung kailan ako maghihilom. Wala iyong kasiguraduhan kung maghihilom pa ba ito. Pero isa lang ang sigurado doon. Hinding-hindi mabubura sa puso ko si Damon. Hinding-hindi.