Kahit papaano ay nasasanay na ako sa trabaho sa loob ng club. Medyo mahigpit talaga pero para sa kapakanan ng mismong club ito at mismong sa amin na rin kaya hangga't maaari ay sinusunod namin ito.
Dito ko rin nalaman na every morning ay bumibisita talaga sina Cloud at Gray sa bawat area ng club hangga't kaya nila. Hindi pa naman ako napagalitan sa shift ko kaya kahit papaano ay okay naman ako.
Madalas din si Sir Neal sa cafe kaya kailangan maging alerto talaga sa bawat oras.
Mababait din ang mga staff ng resto kaya hindi ako nahirapan.
"Kailan kapa nakabalik? Nakaisang buwan ka na?"
"Oo, last week pa. Medyo busy lang sa mga pinapagawa ni Dad kaya hindi ako nakakapunta dito."
Biglang kumabog ang aking puso nang marinig ko ang boses na iyon. Hindi ko alam kung mag-aangat ako ng tingin o hindi. Nataranta ako bigla na hindi ko malaman kung ano ang gagawin.
Kunwari ay nagpaka-busy na lang ako sa pag-aayos ng mga gamit sa tabi ng counter na maayos naman.
"Balita ko ikakasal ka?"
Napahinto ako sa pagpunas ng counter nang marinig ko ang mga iyon.
"I'm not. Kung ikakasal man ako, ako mismo ang magsasabi."
Napaangat ako ng tingin nang marinig sa mas malapitan ang boses na iyon. Nabitawan ko ang towel na hawak ko nang makita ang nakapangalumbaba na si Damon habang namumungay ang mga mata niya na nakatitig sa akin.
Mukhang nagpa-trim na siya ng kaniyang buhok pero same hair-cut lang. Ang mga mapupulang labi niya at nakangisi habang titig na titig sa akin. His smell. Wala pa rin nagbago. Amoy mamahalin pa rin siya. Mas okay na rin siyang tignan ngayon, mas maaliwalas na ang kaniyang mukha.
Mukhang okay na nga siya.
Masaya ako sa katotohanan na okay na siya.
"How's Coco?"
Napaamang ako nang si Coco ang una niyang itanong sa akin.
Hindi man lang ba niya ako kakamustahin?
Si Coco lang talaga?
Umiwas ako ng tingin bago siya sinagot. "She's fine. Makulit pa rin." Kunwari ay walang gana ko na sabi.
"I miss her."
Tss.
"Mukhang hindi ka naman niya miss." Pagtataray ko bigla atsaka siya tinalikuran.
"Ikaw kaya? Na-miss ako?"
Pahakbang na sana ako paalis pero natigilan ako at kasabay nito ang pag-init ng buong mukha ko. Narinig ko ang bahagyang paghagikgik ng mga staff ko sa harapan kaya mas lalo akong nakaramdam ng hiya.
Naikuyom ko ang aking mga kamao at nagpapasalamat ako dahil dumating na si Sir Noah.
"Sir. Break na muna okay lang ba?" Paalam ko.
"Yeah. Sige. Mag-lunch kana muna ako na dito." Nakangiting sagot ni Sir Noah at hinawakan pa ako sa balikat.
Ngumiti ako atsaka na naglakad papunta sa office at kinuha muna ang bag ko bago dumiretso palabas.
"Avoiding me?"
Muntik nang humiwalay ang kaluluwa ko sa katawang lupa ko dahil sa gulat.
Sapo ko ang dibdib ko na napalingon sa gilid ng pintuan sa labas ng Cafe.
"D—Damon!"
Tumalima siya at pinamulsahan ako. Pinasadahan niya ng tingin ang aking kabuuan mula ulo hanggang paa.