PATULOY pa rin sa pagtulo ang mga luha ko habang nililigpit ang mga basag na bubog. Halos hindi ko na rin maramdaman ang sakit sa mga sugat ko, manhid na ba ako?
Tulala lang ako habang naglilinis pero ang mga luha ko ay wala pa ring tigil sa pagbagsak. Minsan napapaisip na rin ako kung hindi ba 'to nauubos? Halos isang balde na yata ang nailuha ko pero patuloy pa rin ito sa pagbagsak na tila ba wala itong katapusan.
Bumaba ako pagkatapos kong malinis ang mga kalat. Wala si Manang dahil pinag-grocery siya ni Levian. Kaya hindi niya rin nakita itong mga sugat ko.
Mabuti na rin 'yon para hindi na siya mag-alala pa.
Lumapit ako sa lamesa at umupo habang dala-dala ang first-aid kit. Napapa-aray ako sa tuwing lalapatan ko ng alcohol at betadine ang sugat ko. Nilagyan ko rin iyon ng band aid para hindi bumuka. Ang hapdi pero mas mahapdi ang puso ko.
Kung may nabibili lang na anesthesia para hindi na ko makaramdam ng sakit ay bibilhin ko kahit magkano. Magiipon ako para do'n, para naman maging manhid ako at wala nang maramdamang sakit.
Lumabas ako ng bahay at umupo sa bermuda grass malapit sa garden. Tumingala ako at tinanaw ang araw.
Mabuti pa ang araw payapa. Mabuti pa ang mga ibon malaya. Parang gusto kong bumalik na lamang sa pagkabata kung saan masaya pa akong naglalaro. Kapag nasugatan iiyak tapos masaya na ulit-walang problema. Iyong pwede kang mag-timefreeze kapag pagod ka na.
Mariin akong pumikit at muling naglandas ang mga luha ko pababa sa aking pisngi.
'Mama, Papa, nasaan ba kayo?' bulong ko sa hangin.
Inilabas ko ang kwintas ko sa aking leeg at pinakatitigan ang makinang na hugis pusong pendant nito.
Ito na lang ang tanging alaala nila. Simula pagkabata ay suot-suot ko na ito. Hindi naman sinabi nina Mama na sa kanila ito galing pero alam kong sa kanila kasi wala namang magbibigay nito sa akin maliban sa kanila.
Pumasok ako sa loob at nadatnan ko si Manang na nagaayos ng mga pinamili kaya lumapit ako at tumulong.
"Saan ka galing, Andana?" tanong niya nang makalapit ako.
"Diyan lang ho sa labas. Sa may garden," sagot ko at tinulungan siyang mag-ayos ng mga pinamili at inilagay sa ref.
"Anong nangyari diyan sa kamay mo?" Itinago ko ang kamay ko sa likod.
"Nahiwa lang po ako kanina," nakangiwi kong sagot.
Kumunot naman ang noo ni Manang at umiling-iling. Alam kong hindi siya naniniwala.
"Ang ganda ng kwintas mo, Andana," puri ni Manang Seling habang nakaturo sa kwintas ko.
"Ah talaga po? Salamat po. Bigay po ito ng mga magulang ko," sambit ko habang nakangiti. Hindi lang si Manang ang nagsasabi na maganda ito, pati na rin ang mga tao sa lugar namin noon.
"Hmm, parang nakita ko na nga 'yan eh, hindi ko lang alam kung saan." Malalim na napaisip si Manang. "Hay! Matanda na talaga ako, makakalimutin na."
Natawa na lamang ako habang pinapanood si Manang na naiiling sa sarili.
"Baka po kahawig lang," saad ko na lamang.
"Baka nga," pagsang-ayon ni Manang at bahagya pang natawang muli kaya natawa na lang rin ako.
Umakyat ako sa itaas at kinuha ang labahan ko bago pumunta sa laundry area ng bahay. Kinuha ko rin ang mga labahang kurtina at ang mga kobre ng kama sa guest room.
Nahirapan ako sa paglalaba dahil sa mano-mano ko iyong ginagawa. Matapos kong patuyuin at isampay ang mga iyon ay umakyat ako sa taas at naligo.
Malakas na tumunog ang cellphone ko at nilapitan ko iyon at tiningnan kung sino ang caller. Napangiti ako nang makitang si Riza pala iyon. Nagpapatuyo ako ng buhok nang sagutin ko ang tawag.
"He-"
"Hoy, babae! Ang tagal mong sumagot ha?!" Naputol ang sasabihin ko at natatawa kong inilayo sa tainga ko ang cellphone dahil sa lakas ng boses nito.
"Naliligo pa ako, Riza." Narinig ko ang pag-ismid nito sa kabilang linya."Hmm . . . aayain sana kitang lumabas. Please, Andana!"Napabuntonghininga ako.
"Ngayon na ba? Hindi ako pwede ngayon eh," pagdadahilan ko pero narinig ko ang pagbuntonghininga niya.
"Sige . . . pero sa susunod ha?" ani nito na halata ang pagtatampo.
"Okay, bye," paalam ko at pinatay ang tawag bago bumuntonghininga at umupo sa kama.
NAGISING ako dahil sa sakit ng ulo. Marahan akong bumangon at tiningnan ang oras, alas-singko y medya na ng hapon kaya nagmamadali akong bumaba at tinungo ang kusina. Naabutan ko si Manang Seling na naggagayat ng mga rekado kaya lumapit ako.
"Manang, ako na ho riyan," pagpi-presinta ko.
"Hija, gising ka na pala. Halika at tulungan mo na lang ako." Lumapit ako sa lagayan ng mga kutsilyo at nagumpisang maggayat.
"Hindi na kita ginising dahil alam kong pagod ka." Tumango-tango naman ako.
Inuna kong gayatin ang mga sibuyas. Mahapdi talaga ito sa mata, pati ba naman dito mapapaiyak ako?!
Isinunod ko ang mga repolyo, sitaw, patatas, at iba pang sangkap sa nilagang baboy. Hinahalo ko ang nilaga habang si Manang ay nakaupo.
"Hindi ka ba talaga sasabay kay Levian kumain mamaya?" tanong ni Manang. Umiling ako. Ayaw ko rin naman dahil galit siya sa akin, baka hindi pa iyon kumain kapag nakita ako.
"Hindi na ho, pagkatapos na lang po niya ako kakain. Maaga naman siyang uuwi ngayon," saad ko at uminom ng tubig. Ilang minuto lang ay isinalin ko na ang nilaga at inilagay sa tabi.
"Aakyat na ho muna ako," paalam ko at hinintay na tumango si Manang bago ako dumiretso sa taas.
Alas-sais y medya na ang oras pag-akyat ko at total busog pa naman ako ay maya-maya na lang ako kakain pagkatapos ni Levian. Nagbabad muna ako sa bathtub bago nagbihis ng pangtulog. Nakasando lang ako at pajama sa pagtulog dahil mainit ngayon kahit naka-aircon.
Mula rito ay rinig ko na ang busina ng sasakyan, ibig sabihin ay nandyan na si Levian.
Napabuntonghininga ako bago sumilip sa bintana at nakita ko si Levian pababa ng kanyang sasakyan. Umalis na 'ko sa bintana at bumalik na sa kama at humiga.
Ipipikit ko na sana ang mga mata ko nang makarinig ako ng tatlong katok. Nakangiwi akong bumangon at binuksan ang pinto.
"Manang? Bakit ho?" tanong ko habang nakaharap kay Manang.
"Hija, pinapatawag ka ni Levian sa baba." Nangunot naman ang noo ko.
Bakit kaya?
"Bakit daw ho?" taka kong tanong.
"Ewan ko sa batang 'yon. Babain mo na lang, hija." Nagtataka pa rin ako pero sa huli ay nagdesisyon akong bumaba.
Naabutan ko si Levian na nasa harap ng lamesa, nakaupo ito pero hindi pa kumakain.
Tumikhim ako kaya napatingin siya sa 'kin gamit ang malalamig niyang mga mata. Sinuri niya rin ang kabuohan ko.
"Sumabay ka." Nangunot ang noo ko. Akmang iimik pa ako nang magsalita ulit siya. "Sumabay ka na kumain sa 'kin."
Literal na nagulat ako.
Niyaya niya ba akong kumain . . . kasabay niya?
Hindi iyon ma-process ng utak ko.
"Tatayo ka na lang ba diyan?" medyo inis na sabi nito kaya dali-dali akong umupo, baka kasi sumama ulit ang mood niya.
Tahimik lang kaming kumain at tanging tunog lang ng kutsara't tinidor ang naririnig. Halos dahan-dahan din ako sa paghinga dahil baka mamaya bigla na naman siyang sumigaw kaya ingat na ingat ako. Nakita ko siyang uminom ng tubig at tumayo, tapos na pala siya.
Kung sabagay kung saan-saan kasi pumupunta ang isip ko.
"Mag-impake ka." Napatingin ako sa kanya.
Paaalisin na ba niya 'ko?
"Mali ang iniisip mo. Sasama ka sa akin bukas," aniya.
"Sa-" Magtatanong pa sana ako pero malalaking hakbang na ang nagawa niya paakyat sa taas kaya hindi ko na natuloy ang sasabihin ko.
Tanging pagbuntonghininga na lang ang nagawa ko at tinitigan ang kanyang matipunong likod habang naglalakad paakyat.
Isasama niya ako!
Bakit kaya?
Niligpit ko na lang ang pinagkainan namin at hinugasan bago ako bumalik sa kwarto ko at nag-impake tulad nang sinabi ni Levian.
Dahil na rin sa pagod ay mabilis akong nakatulog.
Thanks for reading!
Vote and Share
BINABASA MO ANG
Being His Slave Wife (Completed)
RomancePUBLISHED UNDER IMMAC PUBLISHING | Available on Immac Shopee Blurb: Paano mabubuo ang pagmamahal sa lalaking tanging galit lang ang alam? Maghiganti at pahirapan ka ang tangi niyang kasiyahan. Masaya at simpleng namumuhay si Andana, ngunit nabago...