CHAPTER 4: Teacher Dora

151 29 25
                                    

WARLOCK'S POV

"Eeyyy, Bbbiii, Ssiii..."

Ngumiwi ako. Sumasakit ang tainga ko habang pinakikinggan si Erin. Hindi ko alam kung tinuturuan niya ba talaga akong magbasa, o gusto niya lang pagmukhaing siraulo ang sarili niya sa harapan ko. Anong klaseng pagtuturo 'to? Ganito ba ang nangyayari sa eskwelahan? Akala ko ba natututo sila? Ba't mas nagmukukha pa silang tanga?

"Huwag mong takpan 'yang tainga mo!" sita ni Erin sa akin kaya naman bumuntong-hininga ako at ibinaba ang aking kamay na nakatakip sa aking tainga. Mabibingi ako sa boses niya.

"Gutom na ako, hindi niyo man lang ba ako pakakainin?" reklamo ko na ikinasama ng tingin nito sa akin.

"Katatapos mo lang kayang kumain. Isa pa kailangan mong matutong magbasa't magsulat," pangangaral ni Erin sa akin at ipinagpatuloy ang pagtuturo niya.

Nilingon ko si Tielo na mahinang tumatawa, habang nakatutok ang kaniyang mga mata sa hawak niyang libro. Mukha siyang nagbabasa pero halatang sa akin nakatutok ang kaniyang atensyon. Tsk. Ngumiwi nalang ako at napilitang sundan si Erin sa kagagahan niya, ang maganda rito ay hindi niya ako pinagtatawanan... hindi gaya ni Tielo.

"Okay, ngayong nabigkas mo na ang letrang A hanggang Z, titignan ko naman kung kaya mong hanapin ang mga ito. Simulan natin sa letrang T," anas nito kaya naman napatingin ako sa iba't ibang letrang nakalatag sa mesa.

Kinuha ko ang isang letra na may linyang pahiga sa itaas at patayo sa gitna. "Very good! Ang galing-galing mo naman," papuri ni Erin at kinamot ang baba ko kaya napangiti ako kahit na nagmumukha akong maamong aso.

"Aish, sa tingin mo ba ay matalino ka na niyan?" Biglang pambabara sa akin ni Tielo kaya sinamaan ko siya ng tingin.

"Hinahamon mo ba ako?"

Sinulyapan ako nito at isinarado ang librong hawak niya sabay umayos sa pagkakaupo.

"Sige! Kapag nakilala mo lahat ng letra ay ibibili kita ng chocolate cake."

"DEAL!" agaran kong tugon at pinatunog ang mga buto ng daliri ko sabay sinuklay paitaas ang aking buhok. Matalim naming tinignan ang isa't isa at nagsimula. Lahat ng pinapahanap nitong letra ay agaran kong nakukuha kaya panay ang pagpalakpak ni Erin, hanggang sa manalo ako. Nameywang ako at itinaas ang noo ko sabay pumikit upang magmayabang. Natawa naman si Tielo at tumayo na.

"Aalis na ako para bumili, ipagpatuloy mo ang pag-aaral mo," wika niya na tinanguan ko at pinanood siyang lumabas ng bahay.

Nakahinga naman ako nang maluwag at ibinagsak ang aking katawan sa sofa na aking kinauupuan.

"Madali ka naman palang matuto," komento ni Erin na inilingan ko.

"Tumatalino ako lalo na kapag pagkain ang nakataya. Muntik na kaya akong magkamali kanina," sagot ko at pinaghahampas ang noo ko. Kapag nagkamali ako ay paniguradong mamamatay na ako sa gutom, kailangan ay nag-iingat na ako.

"Magandang simula ito, sa susunod ay tuturuan naman kitang magsulat." Iniligpit na ni Erin ang kalat namin, pero saglit siyang natigilan nang tumunog ang kaniyang cellphone, kaya inilabas niya iyon at pinagmasdan.

Agarang sumama ang timpla ng kaniyang mukha at ibinaba iyon.

"May tinatakasan ka," bulalas ko kaya napatingin ito sa akin. "Sabihin mo sa akin at malay mo maging mabait ako at tulungan ka."

Nakatingin lang siya sa akin at mukhang pinag-aaralan akong mabuti kung dapat niya ba akong pagkatiwalaan o hindi. "Pasensya na, pero hindi muna ngayon. Sasabihin ko sa'yo kapag handa na ako," sagot niya sa malungkot na boses.

WarlockTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon