ERIN'S POV
Nagising ako nang maramdaman ang sikat ng araw na tumatama sa aking mukha. Bumangon na ako at napainat, subalit agaran akong natigilan nang makita ang mga bulaklak sa ibabaw ng bedside table ko, at may chocolate rin doon.
Nagtaka ako at inabot iyon. Mula sa gitna ng mga bulaklak ay may nakita akong papel, kaya naman kinuha ko iyon at binuklat.
SORI
-WARLOCKHindi ko napigilang mapangiti dahil sa spelling nito, pero natutuwa ako dahil nag-abala pa siyang magsulat at bilhan ako ng bulaklak at chocolate. Inamoy ko ang bulaklak at napangiti sa mabango nitong halimuyak. Bumangon na ako at agarang inilipat ito sa flower vase.
Naalala kong hindi ko siya nalutuan kahapon bukod sa agahan, kaya naman mabilis akong nagluto ng pagkain at nilinisan narin ang katawan ko. Pagkalipas ng isang oras ay nagtungo na ako sa bahay nito.
Kumatok ako sa pinto pero wala akong narinig na kahit na anong ingay mula sa loob, marahil ay tulog pa siya. Pinihit ko ang seradura ng pinto at itinulak iyon pagpasok.
Agaran akong natigilan nang makita ang limang katawan ng lalaki na nakahandusay sa sahig. Ang kulay puting tiles ng sahig ay nakulayan na ng pula. Napatingin ako sa dulo at nakita roon si Warlock na malamig na nakatingin sa kawalan.
Inilapag ko sa isang tabi ang pagkain at agaran itong nilapitan.
"Warlock, ayos ka lang?" tanong ko rito at mahinang tinapik ang kaniyang pisngi, hanggang sa mapunta sa akin ang kaniyang atensyon.
Bumalik ang ngiti sa labi nito at tinanguan ako.
Nakahinga naman ako ng maluwag at isinandal ang aking noo sa balikat nito. "Pinag alala mo ako," bulong ko habang mabilis na tumitibok ang puso ko. Nakikita kong ligtas siya, pero paano naman ang isipan niya? Kaya pa ba nito na makita ang ganitong mga katawan? Maski nga ako ay hindi ko kayang matagalang pagmasdan ang katawan ng limang ito, pa'no pa kaya siya na mismong pumatay sa kanila.
"I'm fine," sagot naman nito at tinapik ang likuran ko, kaya lumayo ako sa kaniya at pinagmasdan ang katawan nito, mukhang ayos nga lang siya.
"Ano bang nangyari?" taka kong tanong, kaya naman napatingin siya sa limang katawan.
"May nagpadala sa kanila para patayin ako at ayan, sila ang namatay," tugon nito at nginitian ako na para bang ayos lang ang lahat. "Pasensya na, hindi ko agad nalinis ang kalat ko. Lilinisin ko na."
Tumayo na ito at naglakad paalis. Pinanood ko lang ito hanggang sa mapabuntong-hininga ako. Ayokong tumulong at humawak ng bangkay, pero ayoko rin namang pabayaan siyang mahirapan. Tumulong ako sa paghila ng katawan at paglalagay ng mga ito sa sako.
"Aish, umupo ka nalang at hayaan ako. Madudumihan 'yang damit mo," sita nito sa akin habang nakapameywang at pinapanood ako sa paghila ng dalawang sako na may katawan sa loob.
"Ayos lang." Inilapag ko iyon sa gilid ng kalsada kung saan naroon ang tatlong sako. "Ganado ako ngayon kaya naman tutulungan kita. Nga pala, salamat sa bulaklak at chocolate, maging sa sulat mo. Nakatulong talaga iyon."
Agaran itong napaiwas ng tingin at napakamot sa kaniyang batok.
"Pero pangit ang sulat kamay ko at hindi rin ako marunong sa spelling," nahihiya nitong sambit na tinawanan ko at inakbayan siya.
"Hayst, ano ka ba? Kaya nga ako nandito para turuan ka hindi ba?" Itinaas baba ko ang aking kilay upang iparamdam sa kaniya na ayos lang iyon, pero naiilang parin ako sa kaganapan kahapon.
"Ngayon ko lang napagtanto na mahalaga pala ang pag-aaral," singhal nito at napatingin sa akin sabay inakbayan rin ako. "Salamat sa'yo."
Kapwa lang kami nakatingin at nakangiti sa isa't isa. Wala ng ilanganan o kung ano pa man. Kumportable na ako sa kaniya, at natatakot ako na baka masanay ako sa presensya niya.
BINABASA MO ANG
Warlock
Action"It doesn't matter how you survive the war; the only matter here is how you choose the right time to die." Lockwood City, isang lungsod kung saan binubuo ng mga malulupit na mamamayan. Nagdi-deklara ng digmaan ang mga taong may matataas na ranggo pa...