WARLOCK'S POV
Mga taong nakasuot ng magagarang damit, mga yayamaning gamit maging ang mga alak, mga waiter na naglilibot libot at kung ano-ano pa. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakadalo ako sa party ng mayaman. Wala akong angal sa suot ko at sa pagkakaayos ng buhok ko. Pakiramdam ko ibang tao ako.
"Sieena?"
Napatingin kami sa nagsalita at nakita ang isang lalaki na mukhang kasing tanda lang ng Mayor.
"Uncle!" masigla namang usal ni Sieena at agaran itong niyakap ng hindi bumibitaw sa pagkakakapit niya sa braso ko. "Hindi ko akalain na magkikita tayo rito. Oh, by the way, this is Warlock," pagpapakilala nito sa akin kaya naman nakipagkamay ako sa lalaki.
"Sigurado akong hindi siya normal na lalaki dahil ngayon ka lang dumalo sa party na may kasamang date," anito at pinagmasdan ako mula ulo hanggang paa.
"Uncle, boyfriend ko po siya."
Tumango-tango naman ito at nginitian ako. "Magaling kang pumili," hayag niya at tumagilid sabay lumapit sa akin. "Ikaw naman, hindi ka magaling pumili," bulong nito sa akin kaya nagtawanan kaming dalawa.
Hindi talaga.
"So, gusto niyo bang sumalo sa akin?" pag-iiba ng usapan nito kaya nagkatinginan kami ni Sieena at sabay na umiling.
"Salamat nalang po, Uncle, kailangan po kasing sa harapan kami dahil kaibigan ko ang may kaarawan," sagot ni Sieena na ikinatango naman nito.
"Kita nalang po tayo sa susunod," pamamaalam ko at naglakad na kaming dalawa ni Sieena paalis.
"Mukhang kumportableng-kumportable ka sa suot mo ah," bulong sa akin ni Sieena kaya naman tinignan ko siya at nginitian.
"Pinabayaan mo akong pumili ng masusuot ko at hindi ipinagpilitang magsuot ng suit, gaya ng ginagawa sa akin ng iba, kaya sarili ko ang pumilit sa akin, ang sarap pala sa pakiramdam. Feeling ko presidente ako ng Pilipinas," sagot ko naman na ikinatawa naming dalawa. "Ah teka, pupunta lang ako sa comfort room."
Tumango ito at tinapik ang braso ko sabay bumitaw roon. Nagpresinta akong ihatid muna siya bago ako umalis, pero dumating na ang kaibigan niya kaya naman umalis na ako. Tinungo ko ang comfort room dahil kanina pa ako ihing-ihi sa sobrang kaba habang kasama siya. Iniisip ko na baka may magawa akong masama at tuluyan niya na ako kaya naman heto.
Hinugasan ko ang kamay ko hanggang sa mapansin ko ang lalaki sa tabi ko. Iniluwa nito ang bubble gum sa bibig niya at may inilabas na kung ano mula sa bulsa niya. May inilagay siya sa gum pagkatapos ay idinikit sa ilalim. Mukhang napansin nitong nakatingin ako sa kaniya kaya naman napatingin ito sa akin.
"Bakit?" matapang niyang tanong.
"Ah wala, pinapakiramdaman ko lang ang sarili kong mautot. Nakakahiya kayang mautot sa labas," pagdadahilan ko at ibinalik na ang atensyon ko sa paghuhugas ng aking kamay. Mukhang hindi lang iyon isang simpleng kadugyutan ng tao, paniguradong may inilagay siya roon.
Ilang saglit lang ay lumabas na siya kaya naman naupo ako upang tignan iyon. Nakita ko ang nakadikit na papel roon at may nakasulat.
Yellow.
"Anong ginagawa mo?"
Nag-angat ako ng mukha at nakita ang isang lalaki na kalalabas lang ng cubicle. Nginitian ko ito at iniangat ang kamay ko.
"May barya," pagsisinungaling ko at tumayo na.
"Patingin nga, baka meron pa," saad naman nito, pero hindi nakawala sa mata ko ang pagkuha nito sa papel at ibinulsa iyon. Mabuti nalang talaga at mabilis kong naidikit iyon pabalik. Pero... hindi niya man lang nakitang nakadikit ang papel na 'yun gamit ang bubble gum? Aish, mahirap pa naman maglaba ng coat.
BINABASA MO ANG
Warlock
Action"It doesn't matter how you survive the war; the only matter here is how you choose the right time to die." Lockwood City, isang lungsod kung saan binubuo ng mga malulupit na mamamayan. Nagdi-deklara ng digmaan ang mga taong may matataas na ranggo pa...