WARLOCK'S POV
Lumabas ako mula sa aking kwarto at maingat na isinarado ang pinto. Hindi ko maatim na matulog habang iniisip na nasa panganib si Erin. Kailangan kong gumawa ng paraan, pero paano ako kikilos? Saan ako magsisimula?
Agad na pumasok sa isipan ko ang mga sinabi ni Wyatt. Matutulungan niya ako rito pero makakakaya ko bang traydurin ang Mayor namin?
"Warlock."
Nag-angat ako ng mukha at nakita si Tielo na naglalakad palapit sa akin. Kinuha nito ang kamay ko at may inilagay na papel roon.
"Nariyan ang address ng bahay ni Erin at nariyan rin ang address ng bahay ng kaibigan niya. Hanapin mo sila, pero hanggang diyan lang muna ang maitutulong ko," mahina nitong bulong na tinanguan ko at ikinuyom ang aking kamao. "Mag-iingat ka."
Hindi na ako sumagot at naglakad pababa hanggang sa makalabas ako ng bahay.
"Saan ka pupunta?" Agad na lumitaw sa tabi ko ang Principal at tinaasan ako ng kilay.
"Hindi ko kayang mahiga sa malambot na kama at mahimbing na matulog habang si Erin ay nasa kamay ng iba," sagot ko at binuksan ang gate pero pinigilan ako nito.
"Ako na ang kukuha sa kaniya. Manatili ka nalang dito," sagot nito na inilingan ko at nagpumilit lumabas kaya naman marahas na ako nitong hinila pabalik sa loob. "Ano ba?! 'Wag ngang matigas ang ulo!"
"Anong 'wag matigas ang ulo?! 'Yung babae ko kinuha ng kaibigan niyang pinagbintangan niyang pumatay sa Papa niya! Sa tingin mo ba ay kaya kong maging kampante sa bahay na ito?!" sigaw ko pabalik sa kaniya dulot ng matinding pag-aalala.
"Kami na ang hahanap sa kaniya," sabat ni Manong Bulldog at humarang sa gate. "Masyadong delikado kung lalabas ka pa."
Suminghap ako at humalukipkip.
"Ano bang problema niyong dalawa? Nitong mga nakaraang araw ay akala niyo ba hindi ko napapansin na masyado kayong maalaga sa akin? Sobrang tindi ng pag-aalala niyo ng mabaril ako. Kaya sabihin niyo, sino ba kayo at bakit kayo umaarteng magulang ko?!" Halos magsilabasan na ang mga ugat ko sa leeg at nag-iinit na ang ulo ko. Sinasabayan naman kasi nila ang pag-aalala ko.
Nagkatinginan ang dalawa at sabay na bumuntong-hininga.
"Dahil gusto naming bumawi sa'yo," sagot ni Manong Bulldog at hinawakan nito ang magkabila kong balikat. "Marami ka nang ginawang sakripisyo kaya inaalagaan ka namin. Malaki ang utang na loob namin sa'yo dahil inalagaan mo ng mabuti si Tielo," turan pa nito na ikinakunot ng noo ko.
"Jude!"
"Dahil anak namin si Tielo," pag-aamin ni Manong Bulldog na ikinatigil ko.
K-kung ganu'n...
"Anong sabi mo?"
Napatingin kaming lahat kay Tielo na gaya ko ay gulat na gulat sa sinabi nito.
"Jude, pagsisisihan mong ginawa mo ito," singhal ng Principal rito.
"Marami na akong pinagsisisihan, hindi masamang dagdagan," kampanteng sagot naman nito kaya suminghap ang Principal at naglakad na paalis. Kumurap-kurap ako at tinabig ang kamay ni Manong Bulldog na nasa balikat ko.
"Kung ganu'n ay kayo na ang mag-alaga sa kaniya. Tapos na ang trabaho kong protektahan siya. Ngayon ay hayaan niyo naman akong protektahan ang taong gusto ko," singit ko at naglakad na palabas ng gate. Tinahak ko ang madilim na kalsada hanggang sa may mapadaang tricycle, kaya naman sumakay ako roon at nagpahatid sa bahay ni Erin. Wala akong nadatnan roon kundi ang mga nagkalat na lasinggero sa labas.
"Sa wakas, nakapaghiganti na rin ako."
Napatingin ako sa tabi ko at nagulat nang makita ang isang babae, siya 'yung bumaril sa akin. Maliit siyang babae at maamo ang mukha. Animo'y ilog ang mata nito sa tuloy-tuloy na pagdaloy ng tubig mula sa kaniyang mga mata.
BINABASA MO ANG
Warlock
Action"It doesn't matter how you survive the war; the only matter here is how you choose the right time to die." Lockwood City, isang lungsod kung saan binubuo ng mga malulupit na mamamayan. Nagdi-deklara ng digmaan ang mga taong may matataas na ranggo pa...